Inakit ng Babae ang Anak ng Kaniyang Boss; Kalbaryo Pala ang Hatid Nito sa Kaniya

Halos mapasigaw si Stacy sa kilig habang pinanunuod ang paborito niyang korean novela sa telebisyon. Nakagat pa niya ang kaniyang unan at halos butasin iyon ng kaniyang mga ngipin dahil sa panggigigil.

“Sana maranasan ko rin ʼyan!” tili niya pa na noon ay ikinalingon ng kasamahan niya sa trabaho at kaibiga ding si Lindsay.

“Asa ka pa, girl! Ang ambisyosa mo,” biro pa nito.

Inismiran naman ito ni Stacy. “Inggit ka lang!” ganting biro niya pa sa kaibigan na ikinatawa naman nito.

“Makikita mo. Makakahanap din ako ng mayaman at guwapong mapapangasawa na mala-korean actor!” aniya pa at muling tumulala sa kawalan.

“O siya, sige na. Tapusin mo na ʼyang pangangarap moʼt kailangan na nating bumalik sa trabaho. Tapos na ang breaktime, tara na!” kibig-balikat na lang na ani Lindsay sa kaniya.

Tumayo na sila mula sa kanilang pinupuwestuhan sa canteen at akma na sanang babalik sa trabaho nang biglang makita ni Stacy ang kanilang boss, kasama ang isang guwapo at makisig na binata.

“Hala, Lindsay! Mukhang nahanap ko na yata ang dream guy ko!” tila nahihibang na tili ni Stacy kay Lindsay sabay turo sa nasabing binata.

Advertisement

“Loka! Anak ng boss natin ʼyan. Huwag mo nang tangkain dahil ayon sa nasagap kong tsismis, nananakit daw ng asawa ʼyang boss natin. Baka mamaya, minana rin ʼyon ng anak niya,” paalala naman ni Lindsay sa kaibigan. Ngunit talagang ayaw paawat ni Stacy. Hindi nito pinansin ang sinabi ni Lindsay at ipinagpatuloy ang paghanga sa anak ng kanilang boss.

Dumating sa puntong pinagplanuhan na ni Stacy ang gagawin niyang pang-aakit sa binata. Gumawa siya ng paraan upang mapalapit siya rito at hindi naman siya nabigo—mabilis niyang nakuha ang atensyon ng binata!

Wala nang ligawan pang naganap dahil mabilis na naging nobyo ni Stacy ang anak ng kanilang boss na si Daniel. Koreano ang lahi ng binata dahil ang kanilang boss ay isang negosyanteng Korean national, ngunit matatas na itong managalog dahil sa mga Pilipinong naging katulong nila noon simula pagkabata.

Dahil doon, ang buong akala ni Stacy ay naka-jackpot na siya sa kaniyang nobyo!

“Magpakasal na tayo, Stacy.”

Hindi na ikinabigla pa ni Stacy ang alok na iyon ni Daniel sa kaniya. Paniwalang-paniwala kasi siya na mahal talaga siya nito laloʼt lahat ng gusto niyaʼy ibinibigay nito simula nang maging sila. Inggit na inggit tuloy ang kaniyang mga kasamahan sa trabaho, habang ang bestfriend naman niyang si Lindsay ay hindi pa rin pabor sa kaniyang desisyon. Naiinis na nga si Stacy rito dahil lagi siya nitong kinokontra.

Iniisip niyang siguroʼy naiinggit lamang ito sa kaniya kaya sinimulan niya na ring layuan si Lindsay.

Naging mataas ang tingin ni Stacy sa kaniyang sarili. Naging mayabang siyaʼt marami na ang nakapansin ng pagbabago niyang iyon ng ugali…

Advertisement

Ngunit tila bumaligtad ang mundo ng babae matapos nilang ikasal ni Daniel at maging legal na itong citizen ng Pilipinas.

Tila nawalan na siya ng silbi sa lalaki. Noong unaʼy ayos pa naman itong makitungo sa kaniya, kahit pa nga nadarama na niya ang unti-unting pagiging malamig nito sa kaniya.

Ngunit ikinabigla niya nang kalaunan ay naging agresibo itoʼt halos naging alipin na ang turing sa kaniya!

Walang araw na hindi inaabot ng pananakit si Stacy mula sa asawa. Palagi siyang tadtad ng pasa, sugat at latay, lalo na sa tuwing makagagawa siya ng mga bagay na hundi nagugustuhan ng asawa!

Isang gabiʼy umuwing lasing si Daniel at naabutang natutulog si Stacy. Basta na lamang itong nagalit nang makitang maaga paʼy tulog na ang babae imbes na magtrabaho ito ng bahay.

“Wala ka talagang silbi!”

Napaaray si Stacy nang bigwasan siya ni Daniel. Umiiyak niya itong pinigilan at nagpaliwanag kung bakit natutulog na siya agad kahit maaga pa.

“Buntis ako, Daniel! Please, huwag mo akong saktan. Maawa ka sa anak natin!”

Advertisement

Ngunit lalong kumunot ang noo ni Daniel sa narinig.

“Abaʼt may lakas ka pa ng loob na magdagdag ng palalamunin ko?” hiyaw nito bago siya nito malakas na tinadyakan.

Sa takot ni Stacy na may mangyari sa kaniyang anak ay nagtatakbo siya palabas ng kanilang bahay. Takbo lang siya nang takbo upang hindi abutan ng malupit na asawa.

Nasa kalagitnaan na siya ng pagtawid sa kalsada nang muntik na siyang mabundol ng isang sasakyan…

“Stacy!” Nilingon niya ang pamilyar na boses na tumawag sa kaniya.

“Lindsay!” umiiyak naman niyang sambit at patakbo niyang tinungo ang kaibigan upang yumakap.

“Anoʼng nangyari? Ayos ka lang ba? Halika, sumakay kaʼt dadalhin kita sa ospital!”

Isiniwalat ni Stacy kay Lindsay ang lahat ng nangyari sa kaniya sa kamay ng asawang si Daniel. Ganoon na lang ang pagpupuyos ng galit sa puso ng kaniyang kaibigan.

Advertisement

Si Stacy naman ay lubos na nagsisi dahil hindi siya nakinig sa kaibigan. Nilayuan niya pa ito dahil naging malaki na ang kaniyang ulo.

Dahil sa dinanas na pananakit mula sa asawa ay muntik nang mawala ang kaniyang anak. Kaya naman sinamahan siya ni Lindsay at tinulungang sampahan ng demanda si Daniel. Sa kabutihang palad ay naparusahan ito!

Mabuti na lang at hindi nagtanim ng galit kay Stacy ang kaibigang ipinagpalit niya sa ambisyon niyang makapangasawa ng mayaman. Kung nagkataon ay hindi niya alam kung saan siya pupulutin ngayon.