Kinaiinisan ng Lalaki ang ‘Gilingang Bato’ ng Namapayang Kapatid Dahil ‘Malas’ Daw; Ito Pala ang Magpapabago sa Buhay ng Pamilya Niya

Kinaiinisan ng Lalaki ang ‘Gilingang Bato’ ng Namapayang Kapatid Dahil ‘Malas’ Daw; Ito Pala ang Magpapabago sa Buhay ng Pamilya Niya

LoveMysteryStories

“Wala pa ring nagbago, ganito pa rin ang lugar na ito mula noong una akong nagpunta rito,” sabi ni Shaira sa isip nang marating ang lumang bahay sa probinsya kasama ang tatay at nanay niya.

Nagpunta sila sa bahay ng kaniyang Tiya Medring para permanente nang tumira roon. Ang kaniyang Tiya Medring ay apat na taong nang namayapa. Ito ang nakatatandang kapatid ng kaniyang ama. Napagpasyahan nito na sa probinsya na manirahan dahil doon ito nadestino sa trabaho bilang security guard.

“Kahit may kalumaan na ay maayos pa rin naman ang bahay na ito. Kaunting linis at lagyan lang ito ng bagong pintura at mga dekorasyon ay magmumukha itong bago,” sambit ng amang si Rigor.

“Saka tahimik dito, anak. Malayo sa mga maiingay at tsimosa nating mga kapitbahay sa Maynila,” sabad naman ng inang si Berna.

“Tahimik nga po. Sa sobrang tahimik ay nakaka-bored na po. Mas gusto ko pa rin sa Maynila,” sagot niya.

“Masasanay ka rin dito, anak. Maganda rito at sariwa pa ang hangin. ‘Di tulad sa Maynila na puro usok at polusyon,” saad pa ng ama.

Naisipan ni Shaira na libutin ang lumang bahay. Malaki iyon na kahit sampung tao pa ang tumira ay siguradong magkakasya. Mula nang pumanaw ang kaniyang mga lolo at lola ay ang tiyahin na niya ang naiwan at namahala sa bahay na iyon ngunit isang araw ay bigla na lamang itong inatake sa puso at pumanaw na rin. Sa silong ng bahay ay naroon ang lumang tambakan na dati raw silid lutuan ng namayapang tiyahin.

“Inay, dito po ba ‘yung sinasabi niyong silid lutuan ni Tiya Medring?”

“Oo, anak. Noong nabubuhay pa ang tiyang mo ay palagi siyang narito, gumagawa at nagluluto ng iba’t ibang klase ng kakanin. Ang pinaka-espesyal niyang niluluto ay ang puto na kilalang-kilala rito sa buong barrio. Ang puto ni Tiya Medring ang pinakamasarap na putong natikman ko. Walang katulad,” wika ng ina.

“Totoo po iyon. Natikman ko na po ang puto ni tiyang at masasabi kong napakasarap niyon.”

Maya-maya ay may kung anong nahagip ang kaniyang paningin.

“A-ano po ito?” tanong ni Shaira.

“Iyan ba? Gilingan ang tawag diyan, gilingang bato ng Tiya Medring mo. Ginagamit niya ‘yan noon sa paggawa ng mga kakanin,” tugon ni Berna sa anak.

“Ganito pala ang itsura ng gilingang bato!” manghang sabi ng dalagita sabay hawak sa gilingan.

Nang biglang may narinig silang sumigaw sa kanilang likuran.

“Anak, huwag na huwag mong hahawakan ‘yan!” sigaw ni Rigor.

Nagulat ang mag-ina sa inasal ng lalaki.

“Bakit mo naman pinagbabawalang hawakan ng anak mo itong gilingan?” nagtatakang tanong ni Berna sa asawa.

“Malas ang gilingang ‘yan. Nang dahil diyan ay binawian ng buhay ang kapatid ko!”

“Pero, Rigor, atake sa puso ang ikinasawi ni Ate Medring at walang kinalaman ang gilingan.”

“Basta, galawin niyo na ang lahat dito, huwag na huwag lang ang gilingang bato. Malas ‘yan!” anas pa ng lalaki.

Hindi na sumabat pa si Berna sa asawa dahil ayaw niyang mag-away pa silang dalawa dahil lang sa gilingang iyon. Nagtataka naman si Shaira kung bakit ganoon na lamang ang galit ng ama sa gilingang bato ng kaniyang tiyahin.

Nang sumunod na araw, nag-umpisa nang magtrabaho si Rigor sa kabilang barrio. Naiwan ang mag-ina sa lumang bahay. Naglambing naman si Shaira sa ina na ipagluto siya nito.

“Inay, parang gusto kong kumain ng puto. Nami-miss ko ang puto ni tiyang. Ipagluto niyo naman ako ng puto, inay,” pakiusap ng dalagita.

“Hindi naman ako kasing sarap magluto ng tiyang mo, pero sige, ipagluluto kita ng puto, anak.”

Nang bigla na lamang may pumasok sa isip ni Shaira.

“Gamitin niyo po ‘yung gilingang bato ni Tiya Medring sa paggawa ng puto,” aniya.

“Naku, baka magalit ang tatay mo pag nalaman niyang ginamit ko ang gilingan!”

“Hindi naman po natin ipapaalam, eh. Sige na, inay!”

“Oo na, gagamitin ko na. Kung hindi lang kita labs, eh!” wika ng ina sabay yakap at halik sa anak.

Nilinis muna ni Berna ang gilingan bago iyon gamitin sa paggawa ng puto. Habang abala sa paggawa ng kakanin ay may ‘di inaasahang mga bisita na dumating.

“Tao po, tao po!”

Hinarap ni Shaira ang tatlong babaeng nasa labas ng kanilang bahay.

“Sino po sila?”

“Magandang tanghali, hija. Ako si Doray, at sila ang mga kaibigan kong sina Juana at Trining. Mga kapitbahay niyo kami. Nakaugalian na kasi namin na dalawin ang mga bago naming kapitbahay para makilala namin,” pakilala ng isang matandang babae.

“Ganoon po ba, sandali lang po at tatawagin ko ang nanay ko,” aniya. “Inay, inay, may mga bisita po tayo!”

Saglit na iniwan ni Berna ang ginagawa at hinarap ang mga bisita.

“Inay, mga kaptbahay natin sila. Nakaugalian na raw po nilang dumalaw sa mga bagong lipat para makilala nila,” sabi ni Shaira sa ina.

“Magandang tanghali, ako si Berna at ito ang aking anak na si Shaira. Ako ang asawa ni Rigor ang kapatid ni Ate Medring na may-ari ng bahay na ito.”

“Kayo pala ang mag-ina ni Rigor? Kumusta na siya?” tanong ni Doray nang may maamoy itong pamilyar na amoy. “T-teka, teka, h-hindi ako maaaring magkamali, ang amoy na iyon, iyon ang puto ni Aling Medring!”

Sumang-ayon naman ang mga kasama ng matandang babae nang maamoy rin ang naiibang amoy na iyon.

“A-ano’ng ibig niyong sabihin? Ako ang nagluluto ng puto. Apat na taon nang namapaya si Ate Medring.” gulat na sabi ni Berna.

“Pero ganyan na ganyan ang amoy ng puto ni Aling Medring kapag niluluto,” giit ng matanda.

Napapaisip ang mag-ina sa sinabi ni Doray kaya inimbitahan ni Berna ang tatlo sa loob ng bahay. Nang maluto ang puto ay inalok niya ang tatlong babae.

“Sabi na nga ba, ito ang puto ni Aling Medring. Ang pinakamasarap na puto sa buong barrio,” wika pa ni Doray. “Paano mong nagawa ito? Itinuro ba niya sa iyo kung paano ang pagluluto nito?”

“Walang kasing sarap,” ani Juana.

“Malaki ang kikitain mo pag ibinenta mo ito. Noong nabubuhay pa si Aling Medring ay ang pagbebenta ng puto at iba pang kakanin ang ikinabubuhay niya,” saad pa ni Trining.

Nang tikman iyon ng mag-ina ay pati sila ay nanlaki ang mga mata sa sobrang sarap.

“Hindi makapaniwala si Shaira kung bakit nagkaganoon ang lasa ng putong niluto ng kaniyang ina. Ano’ng kababalaghan ang nangyayari?!

Kinagabihan, nakita ni Rigor ang nilutong puto ng kaniyang asawa at kinain iyon. Nagsalubong ang kilay nito nang malasahan ng kinaing puto.

“Saan galing ang putong ito?” singhal ng lalaki.

“A-ako ang nagluto niyan. Bakit ano’ng problema?” tanong ni Berna sa asawa.

“Anong ginamit mo sa paggawa nito? Umamin ka sa akin!”

“G-ginamit ko ‘yung gilingang bato ni Ate Medring.”

“’Di ba sinabi ko na huwag na huwag niyong gagamitin ang gilingan? Malas ‘yon, malas! Bukas na bukas din ay itatapon ko ang buwisit na gilingang iyon para hindi na makaperhuwisyo rito!” gigil na sabi ni Rigor.

Habang nahihimbing naman sa pagtulog si Shaira ay napanaginipan niya ang kaniyang Tiya Medring ngunit may kasama itong lalaki na hindi pamilyar sa kaniya ang mukha. Nag-usap sila sa panaginip.

“Tiyang, tiyang, ikaw nga tiyang! Sino po ang kasama niyo?” tanong niya.

“Ako nga ito, hija. Siya si Wilfredo, siya ang aking pinakamamahal na nobyo. Siya ang nagbigay sa akin ng gilingang bato. Dalaga pa ako’y hilig ko na talaga ang magluto ng mga kakanin, iniregalo niya iyan sa akin na tanda ng wagas niyang pag-ibig ngunit kami’y pansamantalang pinaghiwalay ng tadhana dahil nagkasakit siya ng malubha at naunang pumanaw. Bago siya lumisan, sinabi niya sa akin na ituloy ko ang paggamit ng gilingang bato dahil iyon ang simbolo ng aming pagmamahal sa isa’t isa. Mula noon ay ipinagpatuloy ko ang paggamit sa gilingan sa paggawa ng mga kakanin lalo na sa paggawa ng puto na binabalik-balikan ng mga tao.

Pakiusap, huwag niyong itapon ang gilingang bato. Hindi totoong inatake ako sa puso nang dahil sa gilingan o sa aking paggawa ng mga kakanin. Matagal na akong may sakit sa puso at iyon ang aking ikinasawi. Inilihim ko iyon sa iyong ama dahil ayaw ko siyang bigyan pa ng alalahanin. Pakiusap namin ni Wilfredo na huwag na huwag niyong itatapon ang gilingang bato dahil iyon na lamang ang tanging alaala ng pagmamahalan naming dalawa. Pakisabi rin sa kaniya na masaya na ako kung nasaan kami ngayon,” bunyag ng kaniyang tiyahin.

Biglang nagising si Shaira. Nang tingnan niya ang orasan ay alas-otso na nang umaga. Dali-dali siyang lumabas sa kwarto at pinuntahan ang ama para ikuwento ang napanaginipan at ang mga sinabi sa kaniya ng tiyahin.

Hindi makapaniwala si Rigor at si Berna sa mga inihayag ng kanilang anak. ‘Di napigilan ni Rigor na maluha sa ikinuwento ng dalagita.

“Kaya huwag niyo na pong itapon ang gilingang bato, itay. Sa halip ay gamitin po natin ito para ipagpatuloy ang paggawa ng masasarap na kakanin. Siguradong matutuwa si Tiya Medring,” pakiusap ni Shaira.

Nangako si Rigor na hindi na itatapon ang gilingang bato at gagamitin nila iyon para ituloy ang negosyong nasimulan ng nakatatandang kapatid: ang paggawa ng mga kakanin at espesyal na puto na dinarayo ng mga taga-barrio.

Wala pang isang taon ay umunlad ang kanilang negosyo. Nakilala ang kanilang mga kakanin lalo na ang espesyal nilang puto na hindi lang sa kanilang barrio binabalik-balikan kundi maging sa Maynila ay naging mabentang-mabenta rin iyon. Umasenso ang buhay nila dahil sa gilingang bato ni Tiya Medring.

Hindi pa rin nila lubos na maisip kung ano ba talagang hiwaga mayroon ang gilingang bato at napapasarap nito ang mga kakaning ginagawa nila. Ang mahalaga ay hindi totoong malas ang gilingan, ito pa nga ang nagbigay sa kanila ng suwerte dahil iyon ang simbolo ng wagas na pagmamahalan ng dalawang taong pinaghiwalay man ng pagkakataon ay muli namang pinagbuklod sa ikalawang buhay.

More Stories