Inday TrendingInday Trending
Halos Madurog ang Puso ng Babae nang Marinig Niya ang Iyak ng Isang Bata; Malungkot na Kuwento Pala ang Mabubunyag

Halos Madurog ang Puso ng Babae nang Marinig Niya ang Iyak ng Isang Bata; Malungkot na Kuwento Pala ang Mabubunyag

Sa araw-araw ay gumigising nang maaga si Salve para maglaba, maglinis ng bahay, magluto at iba pa. Mula nang tumira siya kay Karina ay hindi na siya nauubusan nang ginagawa.

“Kailangan na matapos ako bago mananghalian dahil magluluto pa ako ng ulam,” bulong ni Salve sa isip habang pinipigaan ang kinusot na damit.

Sa paglalaba ay hindi siya pinahihintulutan na gumamit ng washing machine. Ang gusto ni Karina ay naglalaba siya gamit ang kaniyang mga kamay. Sayang daw kasi sa kuryente kung gagamit pa siya ng makina sa paglalaba ngunit kahit nagkakasugat-sugat na at nagkakakalyo ang mga kamay niya ay wala siyang reklamo.

Sa ilang oras niyang pagkukusot at pagbabanlaw ay nakaramdam ng pagod si Salve kaya naisip niyang tumayo muna at magpahinga ngunit isang malakas na sigaw ang narinig niya.

“Julius, Julius! Halika nga dito!” sigaw ni Karina.

Mayamaya ay nakita niyang lumabas ng kuwarto ang batang lalaki.

“O, tinatawag ka ng Tita Karina mo, a!” sabi niya rito.

“Ayoko po, natatakot po ako sa kaniya!” sagot ng bata na nanginginig pa ang tuhod sa takot.

“Julius, ano ba? Lalapit ka ba o hindi!” patuloy na sigaw ng babae.

“Sige na, Julius. Puntahan mo na ang Tita Karina mo,” sambit pa niya sa bata.

Susunod na sana si Julius sa utos ni Salve nang biglang sumulpot sa harap nila si Karina na galit na galit.

“Narito ka lang palang, bata! Halika nga rito!”

“Ayoko po, Tita!” pakiusap na tugon ng bata nang hawakan ito ng babae sa braso.

Sapilitang kinaladkad ni Karina ang bata sa sala at patuloy na pinagsisigawan.

“Ilang beses ko bang sasabihin sa iyo na huwag na huwag kang makikialam sa kuwarto ko, ha?” malakas na bulyaw ng babae.

“Hindi naman po ako pumasok sa kuwarto mo, tita, eh!” umiiyak na sagot ni Julius sa tiyahin.

Hindi nasiyahan ang babae sa paninigaw sa bata kaya kumuha ito ng patpat at pinagpapalo ang kaawa-awang si Julius.

“Kahit kailan ay peste ka sa buhay ko!” gigil na sabi ni Karina habang hinahampas ng patpat ang p*witan ng pamangkin.

“Aray ko po! Tama na po, tita! Wala po talaga akong kasalanan! Tama na po!” pagmamakaawa ni Julius habang patuloy ang paghagulgol.

Narinig ni Aling Minyang na ina ni Karina ang pag-iyak ni Julius kaya agad itong pumunta sa sala at kitang-kita nito ang pagmamaltrato ng anak sa pamangkin.

“Tama na ‘yan, Karina! Maawa ka naman sa bata!” saway ng ina.

“Itong kasing batang ‘to hindi na nagtanda, eh. Pumasok na naman sa kuwarto ko nang walang pasabi!” sagot ni Karina.

“Walang kasalanan ang bata. Ako ang pumasok sa kuwarto mo kanina at nagligpit ng mga gamit. Tigilan mo na ang pananakit kay Julius!”

“Puwede ba, inay, huwag mo nang ipagtanggol ang batang ito! Kaya lalong tumitigas ang ulo, eh!”

Sa likod-bahay ay parang dinudurog ang puso ni Salve habang naririnig ang pag-iyak ni Julius.

Nang makakita ng pagkakataon ay dali-daling tumakbo ang bata papunta kay Salve at mahigpit siyang niyakap.

“Inay, inay, sinaktan na naman po ako ni Tita Karina!” sumbong ni Julius na hindi pa rin tumitigil sa pag-iyak.

Hindi na rin napigilan ni Salve na maiyak sa sinapit ng anak sa kamay ni Karina.

“Huwag kang, mag-alala, anak. Hinding-hindi ka na niya masasaktan,” tugon niya sa anak.

Samantala, sa sala ay patuloy ang komprontasyon ng mag-ina.

“Ikaw ang may kasalanan nito, inay. Naging mapagbigay kasi kayo sa anak niyong ‘yan kaya hayan tingnan niyo kung ano ang nangyari sa buhay niyan!” inis na sabi ni Karina kay Aling Minyang.

“Puwede ba, huwag mo nang sisihin ang kapatid mo! Nakaraan na iyon! At huwag mong idamay ang bata sa pagkakamali noon ni Salve!” sagot ng ina.

“Tama kayo, nakaraan na nga kaya ang nakaraan na iyon ang nagbibigay ngayon sa atin ng kahihiyan!”

“Kapatid mo pa rin si Salve, kaya hindi mo siya dapat sisihin sa nangyari sa kaniya. Iyon ang kapalaran niya,” saad pa ni Aling Minyang.

Magkapatid sina Salve at Karina. Mula nang hiwalayan ng asawa si Salve ay iba na ang tingin sa kaniya ng nakatatandang kapatid. Para kay Karina ay isang malaking kahihiyan ang bunsong kapatid sa pamilya dahil bukod sa inanakan lang si Salve ng lalaking pinakisamahan nito’y hindi pa pinakasalan kaya galit na galit si Karina sa kapatid dahil isa itong malaking tanga pagdating sa pag-ibig. Nakiusap lang ang kanilang ina na kupkupin si Salve at ang anak nitong si Julius sa bahay nang wala nang mapuntahan ang kapatid ngunit mula naman ng tumira ang mag-ina sa bahay nina Karina ay halos alipinin ng babae ang kapatid at itrinatong katulong. Palagi ring mainit ang ulo ni Karina sa pamangkin at palaging kinagagalitan. Sa bata ibinubuhos ni Karina ang galit sa kapatid.

Ngunit hindi papayag si Salve na patuloy na pagmalupitan ni Karina ang sariling anak.

“Sumusobra ka na, Ate Karina! Kung saktan mo ang anak ko’y parang hindi mo kadugo!” sigaw ni Salve na sumugod na rin sa sala.

“Pagsabihan mo kasi ‘yang anak mo! Paano mo nga naman magagawa eh, wala ka namang kuwentang ina! Palamunin na nga kayo rito, eh mga sakit pa kayo sa ulo!” singhal ni Karina sa kanya.

“Sabihin mo nang lahat ng masasakit na salita, dahil hindi na naman ako marunong masaktan! Huwag na huwag mo lang ulit sasaktan ang anak ko!” buong tapang na tugon ni Salve sa kapatid.

“Ano bang ipinagmamalaki mo, ha? Baka hindi mo nalalaman ang papel ko sa inyong mag-ina!” hirit ni Karina.

“Alam ko, palamunin mo kami sa sarili mong bahay! At wala akong dapat na ipagmalaki!”

Dahil sa mainit na sagutan ng magkapatid ay hindi na napigilan ni Aling Minyang na umawat.

“Tama na kayong dalawa! Parang hindi niyo kaharap ang inyong ina, a!”

Ngunit hindi siya pinansin ng dalawa niyang anak at patuloy na nagpalitan ng mga salita.

“Tingnan mo nga ako! Tumanda na akong dalaga dahil takot akong matulad sa iyo! Ayokong maging kagaya mo na inanakan lang at inabandona ng lalaking sinamahan!” sigaw pa ni Karina.

“Sana nga ay nag-asawa ka at nagkaroon ng sarili mong anak, para malaman mo kung gaano kasakit ang nararamdaman ng isang ina na nakikitang nasasaktan at umiiyak ang kaniyang anak! Sinusuklian ko ang pagtulong mo sa aming mag-ina, nagpapaalila ako sa iyo dahil iyon lamang ang alam kong paraan para pasalamatan ka sa pagkupkop sa amin. Huwag mo naman akong singilin sa pamamagitan ng pananakit mo sa anak ko! ‘Di bale nang ako ang masaktan, huwag lang ang anak ko dahil siya na lang ang tangi kong pag-asa na muling makabangon mula sa pagkakalugmok ko nang iniwan kami ng walang kuwenta niyang ama. Kung mawawala pa ang anak ko’y paano na ako sa aking pagtanda,” malamang tugon ni Salve.

Biglang natigilan si Karina sa sinabing iyon ni Salve. Pagkatapos ng matinding sagutan nilang magkapatid ay imbes na umalis si Salve sa sobrang sama ng loob ay hindi niya ginawa dahil mas nangingibabaw pa rin sa kaniya ang pagmamahal sa kaniyang nakatatandang kapatid.

Kinabukasan, nagising nang maaga si Salve para gawin ang kaniyang responsibilidad sa bahay na iyon ng kaniyang kapatid. Sisimulan na niya ang paglalaba ng mga damit ngunit isang babae ang nakita niya sa likod-bahay na ginagamit ang washing machine sa paglalaba.

“S-sino ka? Bakit ikaw ang gumagawa niyan?” nagtataka niyang tanong.

Mula sa likuran ay isang pamilyar na boses ang narinig niya.

“Mula ngayon ay hindi na ikaw ang gagawa sa bahay na ito. Siya si Nanet, ang bago nating kasambahay. Panahon na para magpahinga sa mga gawaing bahay ang mahal kong kapatid,” sambit ni Karina kasama ang kanilang inang si Aling Minyang.

“Oo nga, anak. Hindi mo na kailangang gawin ‘yan dahil tutulungan na tayo ni Nanet sa mga gawain dito,” sabad ng ina.

Nilapitan siya ni Karina at niyakap nang mahigpit.

“Patawad, Salve, sa mga nasabi ko at mga nagawa ko sa iyo pati na rin sa iyong anak. Iminulat mo ako na mas mahalaga pala ang pagiging magkapatid natin at pagiging magkadugo kaysa anupaman. Hindi na ako mag-aasawa dahil mayroon na akong susubaybayan sa aking pagtanda, sa pagtanda nating dalawa… iyon ay ang anak mo, ang pamangkin kong si Julius na para sa akin ay anak ko na rin. Mahal ko kayo,” lumuluhang sabi ni Karina habang yakap-yakap ang kapatid.

“Salamat, Ate Karina. Mahal din kita at mahal ka rin ng iyong pamangkin,” sagot ni Salve na tinanggap ang paghingi ng tawad ng kapatid.

Masayang-masaya rin si Aling Minyang dahil sa wakas ay nagkasundo na ang kaniyang mga anak.

At iyon ang simula ng magandang samahan ng magkapatid. Minahal ni Karina ang anak ni Salve na si Julius na parang tunay na anak. Kinalimutan na nila ang malungkot na nakaraan at hinarap ang magandang bukas na magkakasama.

Advertisement