Todo Gala ang Dalagang Ito kahit May Kumakalat na Sakit, Nawalan Tuloy Siya ng Panlasa nang Dahil Dito

“Aba, Cristy, panay ang alis mo, ha? Baka akala mo, wala nang kumakalat na sakit! Kung kani-kanino ka pa nakikipaghalubilo! Kapag talaga nagkasakit ka, tatawanan pa kita!” sigaw ni Aling Tere sa anak niya, isang gabi nang makita niya itong tatakas na naman sa kaniya para gumala kasama ang mga tropa.

“Mama, alam mo namang malakas ang resistensya ko. Paano ako magkakasakit? Bukod pa roon, kilala ko naman ang mga nakakasalamuha ko!” sagot pa ni Cristy na lalong ikinagalit ng kaniyang ina.

“Ano, porque malakas ang resistensya mo at kakilala mo ang mga nakakasama mo, hindi ka na tatablan ng sakit? Mag-isip-isip ka nga, Cristy! Baka gusto mong ibenta ko na ‘yang utak mo para may makain tayo!” sambit nito na ikinainis niya. 

“Mama, naman! D’yan lang naman ang sa kabilang barangay magpupunta, eh!” katwiran niya pa saka bahagyang nagdabog-dabog.

“Bahala ka sa buhay mo! Basta kapag nawalan ka ng panlasa, huwag ka nang uuwi rito dahil ayoko pang magpunta sa langit!” wika nito saka nagsimula nang magligpit ng pinggan sa kanilang kusina dahilan para agad na siyang tumakbo palabas ng kanilang bahay, “Cristy! Anak ka talaga ng tatay mo!” sigaw nito nang makitang nasa malayo na siya na ikinatawa niya maigi.

Pasaway at palaging tumatakas sa kaniyang ina ang dalagang si Cristy para lamang makasama sa gala ng kaniyang mga tropa. Mapaumaga man o gabi, wala siyang pinipiling oras. Basta’t makatanggap siya ng mensahe mula sa mga tropa niyang mayroon silang pupuntahan o tatambayan, agad-agad siyang tatakas sa kaniyang nanay na palaging abala sa mga gawaing bahay.

Ang kaniyang ina na lang kasi ang kasama niya sa bahay dahilan para mabilis siyang makatakas. Sumakabilang buhay na ang kaniyang ama, tatlong taon na ang nakalilipas dahil sa sakit nito sa bituka at simula noon, lumabas na ang kaniyang pagiging pasaway.

Hindi kasi siya natatakot sa kaniyang ina na puro sermon lamang at hindi siya pinagbubuhatan ng kamay. Ang kaniyang ama kasi, kapag siya’y nagpakita ng katigasan ng ulo, sinturon na agad ang hawak nito dahilan para siya’y labis na magtino nang nabubuhay pa ito.

Advertisement

Ngayong wala na ito, ginagawa niya na ang lahat ng gusto niya kahit lingid sa kagustuhan ng kaniyang ina. Katwiran niya, “Matanda na naman ako, alam ko na ang ginagawa ko!” kaya patuloy niya itong ginagawa kahit katakot-takot na sermon ang sumalubong sa kaniya pag-uwi niya.

Nang gabing iyon, hihingal-hingal pa siyang nakarating sa bahay ng kaniyang kaibigan. Nadatnan niyang naghahanda ang mga ito para. sa isang boodle fight o ‘yong salu-salong pagkain sa iisang dahon ng sahig na labis niyang ikinatuwa.

Tinodo niya ang pagkain nang magsimula na silang mag-agawan sa mga ulam na nakahanda. Naghahagalpakan pa sila kasabay ng pagkain at kwentuhan dahil sa mga kaibigan nilang parang hindi nakakain ng ilang buwan.

Masaya siyang umuwi sa kanilang bandang alas onse ng gabi. Tulog na ang kaniyang ina dahilan para payapa na siyang makatulog.

Kinabukasan, maaga siyang nagising para makapaghanda sa pagpasok sa trabaho. Pagbaba niya sa kanilang bahay, nakahanda na ang kaniyang pagkain habang nagkakape na sa sala ang kaniyang ina at nanunuod ng balita.

Katulad ng nakasanayan niya, sermon ang sumasabay sa kaniyang pagkain na ikinatatawa niya na lamang. Kaya lang, pagkasubo niya ng pagkain niya, wala siyang malasan. Ininom niya ang nahandang kape, wala pa rin itong lasa na labis niyang ikinapagtaka.

“Mama, naglagay ka ba ng asin sa pagkain ko at asukal sa kape ko?” tanong niya rito.

“Oo, kumpleto ang pangpalasa niyan, bakit?” sagot nito.

Advertisement

“Wala po, tulog na po ako ulit, mama, wala pala kaming pasok ngayon!” palusot niya saka agad nang nagkulong sa kaniyang silid.

Doon na siya labis na nakaramdam ng kaba. Mangiyakngiyak siyang nagdasal na sana panaginip lamang ang lahat ng ito. Wika niya pa, “Panginoon, ibalik mo lang ang panlasa ko, hinding-hindi na ako tatakas kay mama!” saka siya labis na humagulgol.

Bandang tanghali, muli siyang bumaba sa kanilang bahay at ganoon na lang siya nagtatatalon nang muli niyang malasahan ang kanilang pagkain. 

“May panlasa na ako, salamat, Panginoon!” sigaw niya habang nagtatatalon pa. “Edi natuto ka rin!” sambit ng kaniyang ina na ikinapagtaka niya.

Doon niya nalamang sinadya nitong patabangin ang kaniyang pagkain upang siya’y madala. Imbis na mainis sa ina, natawa na lamang siya dahil masaya siyang mayroon siyang panlasa at wala siyang sakit.

Simula noon, hindi na naalis sa isip niya ang takot na magkasakit dahilan para limitahan niya na lamang ang kaniyang mga gala. Aalis man siya, hinihintay niya muna ang pagsang-ayon ng kaniyang ina na labis nitong ikinatuwa.