Inday TrendingInday Trending
Grabe ang Kilig ng Babae Nang Ayain ng Dinner Date ng Kaniyang Kaibigang Lihim na Itinatangi; May Ipagtatapat Kaya Ito sa Kaniya?

Grabe ang Kilig ng Babae Nang Ayain ng Dinner Date ng Kaniyang Kaibigang Lihim na Itinatangi; May Ipagtatapat Kaya Ito sa Kaniya?

“Kalma, Nelia, kalma.”

Kaba. Matinding kaba ang nararamdam ni Nelia nang mga sandaling iyon. Hindi niya maintindihan kung ano ang nangyayari sa kaniya.

Ito ang unang beses na may nag-aya sa kaniya ng date. At hindi lamang basta kung sino, kundi ang kaisa-isang lalaking minahal niya.

Lihim na minamahal.

Si Darryl.

Simula hayskul pa lamang, malaki na ang paghanga ni Nelia kay Darryl. Guwapo, matangkad, mabait, matalino, at responsable. Sa katunayan, ito ang presidente ng Student Council. Maraming mga babae ang nagkakandarapa rito. Siya naman ay isang dakilang kaibigan na laging tagapayo lamang, nasasaktan, sa tuwing nakikita niya kung paano ito makipagharutan sa ibang mga babae sa kanilang campus.

Hanggang sa magkolehiyo na sila ay lalong tumindi ang kaniyang lihim na pagtangi sa kaibigan. Kilala niya ang mga naging nobya nito at kung ano ang dahilan ng kanilang paghihiwalay.

Minsan ay tinanong ni Darryl si Nelia kung bakit hindi pa ito nagkakaroon ng nobyo kahit na kailan.

“Bakit nga ba hindi ka pa nagkaka-boyfriend, bes?” minsan ay tanong ni Darryl kay Nelia.

“Eh sa wala pa akong magustuhan eh,” pagtatakip ni Nelia kahit na humihiyaw ang kaniyang puso sa pagsasabing ‘Hindi mo kasi ako pinapansin!’

“Baka naman kasi masyadong mataas ang istandard mo! Ano ba kasing mga tipo mo sa isang lalaki para mahanapan kita?” tanong ni Darryl.

Nais sanang sabihin ni Nelia na ang pamantayan niya sa lalaking mamahalin niya, ay na kay Darryl na lahat. Subalit s’yempre, hindi na naman niya nasabi ang mga bagay na ito. Naumid na naman ang kaniyang dila.

“Eh basta! Wala akong istandard!”

“Maganda ka naman, mabait, matalino… bakit walang nagkakagusto sa’yo, bes?”

Kinilig si Nelia sa mga papuri sa kaniya ni Darryl. Pakiramdam niya ay pagkahaba-haba ng kaniyang buhok at natatapakan na ito ng mga tao. Subalit mas pinili pa rin niyang maging kalmado.

“Hindi ko alam eh. Hindi yata ako kamahal-mahal.”

“Hindi kamahal-mahal? Kamahal-mahal ka kaya. Baka naman mga kagaya ko ang tipo mo?”

Muntik nang maibuga ni Nelia ang iniinom niyang kape. Kulang na lang na sabihin niyang ‘Oo! Mga kagaya mo! Actually, ikaw nga talaga!’

“Darating din ‘yan sa takdang panahon! Hindi naman ako nagmamadali,” wika ni Nelia. Gustong-gusto na niyang mabago ang usapan dahil baka hindi na siya makapagpigil at maamin na niya kay Darryl ang tunay niyang nararamdaman.

Makalipas ang dalawang buwan ay nakatanggap ng text si Nelia mula kay Darryl. Inaaya siya nito ng isang date sa Araw ng mga Puso.

At heto nga, ito ang labis na nagpapakaba sa kaniya. Bakit naman siya nito aayaing mag-date?

Kinakabahan siya. Ito na ba ang hinihintay niya? Nagising na ba sa katotohanan ang kaibigan? Na may nararamdaman din kaya ito para sa kaniya?

Kaya naman labis niyang pinaghandaan ang kanilang date ni Darryl. Bilang magkaibigan ay sanay naman siyang lumalabas o kumakain sila sa labas, subalit iba ngayon.

Lalabas sila hindi bilang magkaibigan.

Napaaga sa kanilang tagpuan si Nelia. Ayaw niyang madismaya sa kaniya ang ka-date.

Kung dati ay hindi siya naglalagay ng kolorete sa mukha, ngayon ay naglagay siya nang kaunti, para naman maggkaroon ng buhay ang kaniyang namumutlang mukha.

Naglagay rin siya ng lipstick.

Maya-maya, narinig na niya ang isang pamilyar na boses mula sa kaniyang likuran.

“Handa ka na ba?” bulong nito sa kaniya. Tumayo ang mga balahibo sa batok ni Nelia nang dumampi ang buga ng hangin mula sa bibig ni Darryl.

“I-Ikaw talaga, nakakagulat ka naman…”

“Bago tayo pumasok sa restaurant, kailangan mo munang isuot ito,” at inilabas ni Darryl ang isang piring. Inilagay sa mga mata ni Nelia.

Dahan-dahan silang pumasok sa loob.

“Kung ano-ano na naman ang mga pakulo mo, ikaw talaga!” kunwari ay naiinis na sabi ni Nelia sa kaibigan, subalit halos mahim*tay na siya sa kilig na nararamdaman.

Maya-maya, huminto na sila.

“Puwede mo nang alisin ang piring mo…”

Dahan-dahang inalis ni Nelia ang tumatabing na tela sa kaniyang mga mata. Bukod dito ay nakapikit pa siya dahil nais niyang namnamin ang ‘magical’ na tagpong iyon, na dati ay pangarap lamang niya. Tila siya nasa mundo ng pantasya.

Subalit pagdilat ng kaniyang mga mata, bumalik siya sa realidad.

“Nelia, I want you to meet Gabby. Gabby, here’s my bestfriend, Nelia. Daphne, hon, siya ang bestfriend ko si Nelia. Bes, si Daphne… girlfriend ko…”

Ang lupit mo naman sa akin, tadhana… naisaloob ni Nelia.

Pakiramdam niya ay gumuho ang kaniyang mundo. Isang blind date lang pala ang lahat. Double date na nga dahil ipinakilala na sa kaniya ng matalik na kaibigan ang nobya nitong pagkaganda-ganda at napakabait.

Nang gabing iyon, maluwag na tinanggap na ni Nelia ang katotohanan.

Na hanggang magkaibigan lamang talaga sila ni Darryl.

Hindi niya maipipilit ang isang bagay na hindi naman puwede.

Makalipas ang dalawang buwan…

“Will you be my girlfriend?”

“Yes!”

Niyakap ni Gabby si Nelia nang mahigpit na mahigpit.

Naging walang palya naman si Gabby sa pagpapakita ng kaniyang interes kay Nelia at naging masugid ang panliligaw nito.

Kuwento ni Darryl, matagal na raw nais makipagkilala ni Gabby kay Nelia simula nang masilayan ang dalaga sa isang pagtitipon na kanilang dinaluhan.

Nahulog na rin ang loob ni Nelia kay Gabby at naisip niya, wala namang masama kung buksan niya ang puso sa iba.

Nagpakasal sina Darryl at Daphne at s’yempre, si Nelia ang naging isa sa mga abay.

Maluwag sa dibdib niya na pakawalan si Darryl na kaniyang unang pag-ibig, at harapin si Gabby na kaniyang kasalukuyan at panghabambuhay na pag-ibig!

Advertisement