Inday TrendingInday Trending
Nakiangkas ang Babae sa Dating Nobyo at Nabigyan Sila ng Pagkakataong Sariwain ang Nakaraan; Isang ‘Tawag’ ang Nagpabalik sa Kanila sa Realidad

Nakiangkas ang Babae sa Dating Nobyo at Nabigyan Sila ng Pagkakataong Sariwain ang Nakaraan; Isang ‘Tawag’ ang Nagpabalik sa Kanila sa Realidad

Hindi namalayan ni Krimson na gabi na pala. Masyado siyang naging abala sa kaniyang ginagawa sa opisina. Hangga’t maaari kasi ay tinatapos na niya ang mga gawaing pantrabaho at hindi na niya inuuwi sa kanilang bahay.

Mabuti na lamang din at nakabili na siya ng sariling motorsiklo. Hindi na siya nangangamba ngayon kung anong oras na siya makakauwi dahil nga may sarili na siyang sasakyan.

Tumingin siya sa kaniyang relo. 9:00 ng gabi. Isinuot na niya ang helmet. Sumakay na siya sa motorsiklo at sinimulan na itong patakbuhin.

Walang mga bituin sa langit. Marahil ay maulap at makulimlim. Nagbabadya ang patak ng ulan. Mas pinatulin pa ni Krimson ang pagmamaneho subalit maingat naman siya.

Pagdating sa bandang Quirino Highway sa Novaliches ay may isang pamilyar na mukha ang kaniyang namataan. Tila naghihintay ng masasakyang pampasaherong jeep. Agad niya itong hinintuan. Mabuti na lamang at lagi siyang may ekstrang helmet.

“Grace… sakay na…”

Nagulat si Grace na nasa harapan na niya si Krimson. Sila ay dating magkasintahan.

“K-Krimson… okay lang ba? Medyo mahirap hirap sumakay eh…” naiilang na tanong ni Grace.

“Oo naman, hatid na kita sa inyo,” nakangiting sabi ni Krimson. Matipid namang ngumiti si Grace. Kinuha niya ang ekstrang helmet na iniabot ni Krimson. Saka siya umangkas sa likod nito.

“Humawak kang mabuti sa likod, o kaya sa balikat ko… o kaya naman, yumakap ka na lang…” bilin ni Krimson kay Grace.

Humawak na lamang sa kaniyang balikat si Grace.

Mas naging maingat na ngayon ang pagpapatakbo ni Krimson.

“Mabuti naman at may sarili ka nang motor ngayon ‘no?” basag ni Grace sa katahimikan.

“Ah… oo, sinikap kong magkaroon. Iba pa rin kapag may sarili ka nang sasakyan eh, kahit paano hawak mo ang oras mo. Saka, ayoko nang matulad dati na hindi ako nakadalo sa isang mahalagang pagtitipon, kasi sobrang traffic at walang masakyan… naaalala mo noong graduation mo…”

Napahinto sa kaniyang sinasabi si Krimson. Natameme naman si Grace.

“Oo… kaya naghiwalay tayo dahil doon! Naalala mo pa? Galit na galit ako sa iyo noon kasi ikaw ang pinaka-espesyal na tao noon na inaasahan kong makakadalo sa graduation ko, tapos late pa,” natatawang gunita ni Grace.

“Kaya simula noon, hindi na ako nag-uuwi ng trabaho sa bahay,” natatawang wika naman ni Krimson.

Maya-maya ay lumalakas na ang patak ng ulan.

“Umuulan na… mabuti pa magpatila muna tayo, mahirap magkasakit.”

Tamang-tama naman na napahinto sila sa tapat ng isang karinderya na madalas nilang pagkainan noong magkasintahan pa sila. Kilala pa nga sila rito ng may-ari na si Aling Maritess.

“Naalala mo rito? Madalas tayong kumain dito noong tayo pa,” natatawang sabi ni Krimson.

“Oo nga… nariyan pa kaya si Aling Maritess?” segunda naman ni Grace.

Nang makaparada ang motorsiklo ay pumasok na ang dalawa sa loob ng kainan. Wala masyadong pinagbago maliban sa bagong tiles na sahig. Ngunit ang ambiance ay ganoon pa rin.

“Aba! Nagbalik kayong dalawa? Kumusta na ang love birds?” masayang bungad sa kanila ni Aling Maritess na natatandaan pa sila. “Parang mas lalo kayong gumuwapo at gumanda? Kasal na ba kayong dalawa? Ngayon na lang ulit kayo nagawi rito? Ilan na ang mga anak ninyo?” sunod-sunod na mga tanong ng may-ari ng karinderya.

“Ah… eh… hindi po kami kinasal, Aling Maritess. Matagal na po kaming mag-ex,” paglilinaw ni Krimson. Natameme naman si Aling Maritess at tila ito pa ang napahiya sa kadaldalan ng bibig.

“Pasensya naman… tagal n’yo kasing nawala eh! Oh siya magsi-order na nga kayo, dating gawi ba?”

Nagkatinginan ang dating magkasintahan. Kapag sinabi ni Aling Maritess na dating gawi, ibig sabihin ay ang madalas nilang order na tapsilog. Tumango naman ang dalawa.

Para namang sinadya ng pagkakataon na punuan na ang halos lahat ng mga mesa, at ang natitira na lamang ay ang dati nilang paboritong puwesto—sa medyo kasuluk-sulukan ng kainan, doon sa tagong bahagi at maaari silang makapag-usap nang pribado.

“Kahit kailan talaga, matabil pa rin ang bibig ni Aling Maritess,” natatawang sabi ni Grace.

“Oo nga eh. Pero nakakatuwa na natatandaan pa niya tayo. Parang kahapon lang yung mga moment na magkasama tayo…”

Katahimikan.

Dumating na ang tapsilog nila na sinamahan pa ng kape’t gatas na paborito nila. Palibre na lamang daw sa kanila, sabi ni Aling Maritess.

“Ang tagal na pala nating mag-ex ‘no?” natatawang biro ni Krimson.

“Oo nga eh… naging piping saksi ang karinderya ni Aling Maritess sa lahat ng mga napagtalunan natin, sa mga asaran natin, sa mga pambobola mo…”

“Pambobola ko? Ano naman ang binola ko sa’yo?”

“Na maganda ako…”

“Eh maganda ka naman talaga…”

“Talaga lang ha? Maganda nga, pero mas mahal mo ang trabaho mo…”

At hindi na nila namalayan ang oras. Marami na pala silang nabalikan. Mga alaala ng kahapon. Na dati ay iniiyakan nila. Ngayon, tinatawanan na lamang nila.

Tumila na ang ulan.

“Tara na nga, baka kung saan pa mapapunta ang usapan natin. Hinahanap na ako sa amin,” wika ni Grace.

At lumarga na sila.

Maya-maya, nakarating na sila sa bahay ni Grace.

“Maraming salamat, Krimson. Ngayon na lang ulit ako nakatawa nang ganoon kalakas,” sabi ni Grace kay Krimson.

“Oo nga eh. Kung maibabalik lang sana ang lahat… pero hindi na eh. Ang puwede na lang balikan yung mga alaala…”

“Ninong! Ninong Krimson!”

Naputol na ang pag-uusap ng dalawa nang lumapit na sa kanila ang anak ni Grace, inaanak ni Krimson.

“Naku, na-miss ko ‘tong inaanak ko ah! Ang laki-laki na!” at niyakap ni Krimson ang kaniyang inaanak. Nagmano rin sa kaniya ito. Maya-maya, lumabas ang mister ni Grace.

“Uy pare, salamat sa paghahatid kay Grace,” nakangiting pasasalamat ni Edgar.

“Oo nga eh, nagkataon lang na napadaan ako doon sa terminal. Oh sige na, larga na ako, at naghihintay rin si misis. Baka sungitan ako, alam n’yo naman, buntis…” nakangiting pagpapaalam ni Krimson.

Tinanaw ng mag-asawang Grace at Edgar ang umalis na si Krimson bago sila tuluyang pumasok sa loob ng bahay.

Masaya namang nagmaneho si Krimson. Naalala niya, nagpapabili nga pala ang buntis niyang misis na si Elenor ng manggang kalabaw. Mamaya, marami siyang ikukuwento sa kaniya.

Advertisement