Inday TrendingInday Trending
Natuwa ang Babaeng Ito Nang Makatanggap ng Alok na Trabaho Mula sa Isang Text Message; Nanlumo Siya sa mga Sumunod na Pangyayari

Natuwa ang Babaeng Ito Nang Makatanggap ng Alok na Trabaho Mula sa Isang Text Message; Nanlumo Siya sa mga Sumunod na Pangyayari

Gustong-gusto nang magkatrabaho ni Natalie dahil nauubos na ang separation pay na nakuha niya mula sa kompanyang pinaglingkuran niya ng halos pitong taon. Pinag-iisipan niya kung ano ba ang gagawin niya sa naturang salapi nang sa gayon ay kumita naman siya.

Naiisip niyang magnegosyo subalit hindi niya alam kung kaya pa ba ng pera niya ang kapital at bayad sa tao. Iniisip niyang magtinda subalit hindi niya alam kung ano ba ang ititinda niya? Hindi naman niya forte ang pagtitinda o pagnenegosyo dahil nasanay siya sa mga gawaing pang-opisina.

Mas gusto talaga niya ang magtrabaho sa opisina. Sanay siyang magphotocopy ng mga papeles, mag-ayos-ayos nito, magpapirma sa mga boss, gumawa ng mga template at format, gumawa ng mga liham-transaksyunal, at iba pang mga kadalasang ginagawa sa isang tipikal na opisina.

Ngunit tinatamad din naman siyang magpunta sa iba’t ibang mga kompanya at magpasa ng resume. Kapag naiisip niyang babalik na naman siya dating proseso gaya ng panayam, pagkuha ng eksamin, at iba pang pagbibida sa sarili para lamang matanggap, ay inuunahan na siya ng katamaran.

Hanggang isang araw ay may hindi inaasahang text message siyang natanggap.

“Naghahanap ka ba ng trabaho? Kikita ka rito ng 20,000 piso hanggang 25,000 piso, at may komisyon at bonus pa. Para sa iba pang mga detalye, i-click lamang ang link na kalakip ng mensaheng ito,” nakasaad sa natanggap na mensahe.

“Ay, mukhang maganda ito ah. Sige nga, subukan ko, wala namang mawawala,” naisaloob ni Natalie. Agad niyang pinindot ang link at napunta siya sa isang messaging app na kadalasan ay ginagamit ng mga dayuhan.

Isa pang link ang lumitaw at pinapasagutan sa kaniya ang mga personal na impormasyon tungkol sa kaniya kagaya ng pangalan, tirahan, edad, araw ng kapanganakan, at iba pang mga detalye. Panghuli niyang ibinigay ang numero ng kaniyang contact number.

“Pinoproseso na ang iyong aplikasyon. May tatawag sa iyo para sa inisyal na panayam,” natanggap niyang text message mula sa isang ‘di-kilalang numero.

Nasabik si Natalie at tila nabuhayan siya ng loob. Hinintay niya ang tawag sa kaniya.

Maya-maya, tumunog na ang kaniyang cellphone. Nang basahin niya ang mensahe, nagtaka siya dahil galing sa kaniyang bangko ang mensahe.

Ipinamalita sa kaniya na nag-withdraw siya ng 100,000 piso. Simot ang laman ng kaniyang bank account!

Kinabahan si Natalie. Paano siya maglalabas ng pera eh wala naman siyang ginagawa? Kay lakas ng kabog ng kaniyang dibdib.

Nang tingnan nga niya sa pamamagitan ng online banking ang kaniyang bank account ay said na said ang laman nito!

Sa isang iglap ay nawala ang separation pay na kay tagal niyang pinaghirapan, kasama ng iba pang mga ipon mula sa kaniyang pagtatrabaho, 13th month pay, at iba pang mga bonus na natanggap niya sa nagdaang pitong taong pagiging empleyado.

Agad na nakipag-ugnayan si Natalie sa kaniyang bangko. Galit na galit siya. Napag-alaman nga niya na hindi lang pala siya ang nabiktima ng modus operandi na ito. Marami sila. Agad din itong nabalita.

“Ano po ba ang nangyari, Ma’am?” tanong sa kaniya ng bank manager nang kinapanayam na siya.

Idinetalye niya ang kaniyang ginawa. Naalala niya na may apat na numero siyang ibinigay sa naka-transaksyon niya, ngunit hindi OTP ang termino kaya inakala niyang kung anong code lamang ito.

Ang cellphone number na ginamit niya sa pakikipagtransaksyon ay ang mismong cellphone number na ginagamit din niya sa online banking at iba pang money transfer.

“Ma’am, ang tawag po diyan ay phishing. Kinukuha po nila ang mga impormasyon ninyo gamit ang cellphone number ninyo na ginagamit ninyo sa online banking. Hindi po ba’t kabilin-bilinan namin na huwag basta-basta magbibigay ng mga code, numero, o mga detalye dahil maaari nila itong magamit sa maitim na balak nila?” mahinahong sabi ng bank manager.

“So sinasabi ho ba ninyo na kasalanan pa namin ngayon ang nangyari sa amin?!” nagpupuyos ang damdamin ni Natalie sa sinabi sa kaniya ng bank manager.

“Hindi naman ho sa gayon, kaya lang ho, responsibilidad din po natin bilang mga bank account owners na pangalagaan ang ating mga bank account. Batay po sa salaysay ninyo, sumunod po kayo sa mga ibinigay na panuto ng naka-transaksyon ninyo. Naibigay rin po ninyo ang OTP sa kanila na dapat po ay kayo lamang ang nakakaalam.”

Halos wala pa sa kalahati ang naibalik na pera kay Natalie dahil nga sa ginawa niya. Isang malaking leksyon ang natutuhan ni Natalie at sa susunod ay hinding-hindi na siya magbibigay ng mga mahahalagang impormasyon sa mga taong hindi naman niya kakilala.

Kung nais ding magkaroon ng trabaho, kailangang hindi tamaring magsadya mismo sa opisina o kompanya.

Advertisement