Hindi Naniniwala sa Kapangyarihan ng Dasal ang Lalaking Ito; May Makapagpabago Pa Kaya sa Kaniyang Paniniwala?
Hindi naniniwala sa kapangyarihan ng dasal si Pablito dahil lumaki siyang hindi rin naniniwala rito ang kaniyang mga magulang.
Para kay Pablito, ang tunay na Diyos ay ang sarili. Sarili ang gagawa nang paraan upang mabuhay sa malupit na daigdig na ito. Anuman ang gawin ng isang tao ay dahil sa kaniyang desisyon at damdamin. Kung anuman ang mga nangyayari sa buhay, dulot ito ng mga desisyong pinili. Isa pa, hindi siya naniniwala sa mga bagay na hindi naman nakikita ng mga mata, naaamoy, naririnig, nalalasahan, o nadarama.
Naalala pa ni Pablito kung paano niya binara-bara ang katekistang nagturo sa kanila ng katuruang Katolisismo noong sila ay nasa Grade 5.
“Wala naman pong Diyos dahil kung totoong may Diyos, nasaan Siya? Ni hindi nga po natin alam kung ano ang hitsura Niya. Sabi po sa Agham, ang isang bagay ay maituturing na totoo kung makikita o masusuri ito. Halimbawa po ang mga molecules… bagama’t hindi natin nakikita kasi microscopic na, totoo pa rin po. Eh ang Diyos po? Ni anino Niya, hindi natin alam. Hindi natin nakikita,” matapang na paliwanag ni Pablito sa kanilang katekista.
Napapatango-tango naman ang ilan sa mga kaklase niya dahil mahusay talagang magpaliwanag si Pablito.
Ngumiti naman ang katekista.
“Iho, tama ka naman, sa Agham na pagpapaliwanag. Pero tatandaan natin, bukod sa Agham ay may iba pa tayong maaaring gamiting lente upang sipatin ang mga bagay-bagay, kagaya ng Pilosopiya, o kaya naman ay pananampalataya. Ikaw ba, naniniwala kang may isip ka?” tanong ng katekista.
“Opo, naniniwala po,” wika ni Pablito.
“Paano mo nasabing may isip ka?” tanong ng katekista.
“Dahil po sa utak.”
“Nasaan ang utak mo?”
“Nasa loob po ng ulo ko.”
“Nakikita mo ba ang utak mo?”
“Hindi po…”
“Pero naniniwala kang may utak ka?”
“Opo.”
“Paano mong nasabing may utak ka?”
“Kasi nga po, nag-iisip ako ngayon. Itong mga sinasabi ko po ay dulot ng aking malalim na pag-iisip.”
Napangiti ang katekista.
“Tama ka. Parang ganoon din ang paniniwala at pananampalataya sa Diyos, iho. Naniniwala ka sa isang bagay o makapangyarihang nilalang na nariyan Siya kahit hindi mo naman nakikita. Naniniwala ka sa isang bagay na hindi mo naman nakikita pero nararamdaman.”
Nang gabing iyon ay hindi dalawin ng antok si Pablito. Iniisip niya ang naging palitan nila ng argumento ng katekista. May punto naman ang mga sinabi nito, at sa totoo lamang ay napapaisip siya ngayon.
Hanggang sa siya ay nagbinata, hindi pa rin siya kumbinsido na may isang makapangyarihang nilalang na sumasagot sa lahat ng mga dalangin ng tao.
Isang araw, walang-walang pera si Pablito. Naglalakad siya sa loob ng mall. Namamasyal-masyal kahit walang pera. Nadaanan niya ang isang stall na nagtitinda ng paborito niyang doughnut. Kumalam ang kaniyang sikmura nang masamyo ang mabangong aromang nagmumula rito.
Kinapa-kapa niya ang kaniyang bulsa.
Walang pera.
Gutom na gutom na siya.
“Sige ganito, kung talagang totoong Diyos ka, magpadala Ka nga ng pera sa akin ngayon din para makakain ako,” naiusal ni Pablito.
“Maghihintay ako ng limang minuto. Kapag wala akong napulot na pera o hindi nagkaroon ng pera sa bulsa ko at hindi ako nakakain ng doughnuts na ‘yan, ibig sabihin ay hindi Ka totoo.”
Matiyagang naghintay si Pablito. Lumipas ang limang minuto.
Wala siyang napulot na pera.
Hindi nagkaroon ng pera sa kaniyang bulsa.
“Oh kitam… hindi Ka totoo…”
“Pablito, pare!”
Nagulat si Pablito nang may tumawag sa pangalan niya.
“Uy, Dave! Kumusta ka na?” si Dave ang dati niyang kaklase noong hayskul.
“Anong ginagawa mo rito?” untag nito.
“Ah eh… nagpapalamig!” katwiran ni Pablito.
“Ganoon ba? Teka, kakain na kasi ako eh, tamang-tama na nakita kita. Samahan mo ako ‘tol, para naman makumusta kita,” wika ni Dave.
“Ay, naku… pasensya ka na… ang totoo niyan eh wala akong budget ngayon para sa pagkain…”
“Huwag ka na mahiya, sagot ko na! Naalala mo dati, noong nasa elementarya tayo, nililibre mo ko ng sopas sa kantina? Ngayon ako naman ang manlilibre sa iyo. Tara dito oh, parang gusto ko ng doughnut!”
At nagpaunlak na nga si Pablito sa kaniyang dating kaklase. Bukod sa doughnut ay nilibre din siya nito ng kape, at nang abutan ng tanghalian, ay lumipat sila sa isang fast food chain. Hindi lang nairaos ni Pablito ang kaniyang meryenda kundi maging tanghalian!
Habang naglalakad pauwi at hawak ang na-take out na manok na hindi niya naubos sa tanghaliang libre sa kaniya ni Dave, na siyang magiging hapunan niya, naalala niya ang dasal niya kanina.
Hindi nga siya nakapulot ng pera.
Hindi nga himalang nagkaroon ng pera sa bulsa.
Ngunit may dumating na tao para ilibre siya at nakakain siya ng doughnut; at hindi lamang pagkain na hiniling niya, kundi inihaw na manok pa!
Hindi makapaniwala si Pablito. Napatingin siya sa langit.
Kinabukasan at simula noon, lagi nang nagdarasal si Pablito. Naniwala na siya sa kapangyarihan ng dasal. Naniwala na siyang may Diyos.