Inday Trending

Inday Trending

Kinalimutan ng Babae ang Sarili Mahanap Lang ang Nawawalang Anak; Dahil sa Kapabayaan ay Muntik nang Mawala ang Sanggol na Nasa Kaniyang Sinapupunan

Kinalimutan ng Babae ang Sarili Mahanap Lang ang Nawawalang Anak; Dahil sa Kapabayaan ay Muntik nang Mawala ang Sanggol na Nasa Kaniyang Sinapupunan
FamilyHeartbreakingStories

Kanina-kanina lang ay hawak pa ni Tina ang maliit na palad ni Jessica. Binitawan lang niya ito saglit para ayusin ang pagkakahawak niya sa plastik bag ng kanilang mga pinamili. Kulang-kulang na tatlong minuto kung susumahin. Nang lingunin niya ulit ang kinaroroonan ng anak sa kaniyang tabi ay wala na ito doon. Nataranta ang pobreng ina dahil dagsa ang mga mamimili ngayon sa naturang mall.

“Miss, may nakita po ba kayong limang taong gulang na batang babae? Maputi, bilugan ang mukha. Pulang bestida ‘yung suot niyang damit,” tanong ni Tina sa babaeng nasa likuran niya.

Naalala niyang may nakaipit nga palang litrato ang kaniyang anak sa pitaka kaya agad niya itong inilabas at ipinakita sa mga taong kaniyang pinagtatanungan.

Halos kalahating araw nang paikot-ikot si Tina sa buong mall pero hindi niya pa rin nakikita ang anak. Tinawagan na rin niya ang lahat ng kakilala niya para humingi na tulong sa paghahanap kay Jessica ngunit wala pa rin siyang natatanggap na balita mula sa kanila.

Lumipas ang walong oras. Wala nang tao sa mall maliban sa kanilang mag-asawa at ilang taong tumulong sa kanila sa paghahanap pero kahit na anong bakas ni Jessica ay wala silang natagpuan.

“Mabuti pa ay i-report na natin sa mga pulis at bukas na lang natin ituloy ang paghahanap,” suwestiyon ng asawa ni Tina.

Kinabukasan ay maagang nagtungo si Tina sa estasyon ng pulis para makibalita kung nakita na ba nila si Jessica pero wala pa ring nakakakita sa kaniyang anak. Alam niyang habang lalong tumatagal ay mas lalong malalagay sa panganib ang anak kaya gumawa siya ng sariling diskarte para makatulong sa paghahanap. Nagpa-print siya ng maraming litrato ng kaniyang anak at bumalik siya sa mall para muling hanapin ang anak.

“Kuya, maari niyo bang ipaskil ito sa inyong tindahan? Nawawala po kasi ‘yong anak ko. Baka kasi may kustomer kayong nagawi dito na nakakita sa kaniya maaari niya kaming matulungan matunton kung saan na napadpad ang anak ko. Maraming salamat po.”

Nagpaskil si Tina ng mga papel na may litrato ng kaniyang anak at numero ng kaniyang selpon sa iba’t-ibang panig ng mall. Ipinamigay rin niya ang ilan sa mga ito sa mga taong kaniyang makakasalubong. Ito lang ang ginawa ni Tina sa buong araw. Hindi niya inalintana ang pagod at gutom na kaniyang nararamdaman. Nasa kalagitnaan siya ng pagpapaskil sa isang pader nang bigla na lang siyang nahilo at nawalan ng malay.

Nang imulat ni Tina ang kaniyang mga mata ay nasa ospital na siya at ang nag-aalalang mukha ng kaniyang asawa ang bumungad sa kaniya.

Inalalayan ni Joseph ang asawa na makaupo sa kama bago niya iniabot ang binili niyang pagkain ngunit hindi pinansin ng babae ang hawak niya sa halip ay nagmamadali itong tumayo sa kama na siyang ikinahilo nito.

“Kumain ka na muna at magpahinga kahit sandali. Buong araw nang walang laman ang tiyan mo,” payo ng lalaki.

“Mamaya na lang. Kaya ko ang katawan ko. Kailangan ko pang hanapin si Jessica.”

“Kung gusto mong hanapin ang anak natin ay kumain ka at magpahinga muna kahit isang oras man lang,” utos ni Joseph kay Tina na siyang ikinagalit ng babae.

“Kakain ako kung kailan ko gusto! Mas kailangan ako ng anak natin! Hindi ka ba nag-aalala para sa kaniya? Mukhang balewala naman sa’yo na nawawala ang anak natin, eh,” pag-aakusa ng babae sa asawa.

“Hindi totoo ‘iyan. Nag-aalala din ako para sa anak natin. Tulad mo ay nagiikot-ikot din ako para hanapin siya! Pero hindi ko pwedeng pabayaan ang sarili ko dahil pag may nangyari sa akin ay mas lalo ko siyang hindi mahahanap! Kung gusto mong ipagpatuloy ang paghahanap sa anak natin, kumain ka at magpahinga sandali! Kailangan mo ng lakas sa paghahanap mo sa kaniya!” bwelta ni Joseph kay Tina.

Ilang linggo na ang nakalipas ngunit hindi pa rin nahahanap ng mag-asawa si Jessica. Habang tumatagal na nawawala ang anak ay lalong napapabayaan ni Tina ang kaniyang sarili sa sobrang pag-aalala. Kaya nung lumarga na naman ang babae para hanapin ang anak ay muli na naman itong nahimatay sa kalye.

Dinig na dinig ni Tina ang pigil na pag-iyak ni Joseph nung nagising na ang kaniyang diwa. Nasa ospital na naman siya. Nung mapansin ng lalaki na gising na siya ay hinawakan nito ng mahigpit ang kaniyang kamay at malungkot na nagmakaawa sa kaniya.

“Parang awa mo na, Tina, huwag mong pababayaan ang iyong sarili. Nawawala na nga ang anak natin, hindi ko kakayanin pag pati kayo ng ipinagbubuntis mo ay mawawala sa akin!”

Napaluha si Tina sa kaniyang nalaman. Sa kagustuhan niya na mahanap agad si Jessica ay napabayaan na niya ang kaniyang sarili at muntik pang mapahamak ang sanggol na kaniyang dinadala. Kung alam niya lang na nagdadalantao siya ay mas iingatan niya ang kaniyang sarili. Nawala si Jessica dahil binitawan niya ang kamay nito. Hindi niya mapapatawad ang kaniyang sarili pag nawala din ang batang nasa kaniyang sinapupunan dahil sa kaniyang kapabayaan.

Naputol ang iyakan ng dalawa dahil sa malakas ng pagkatok sa pintuan. Nung buksan ni Joseph ang pinto ay dalawang pulis ang nag-aabang sa likod ng pinto. May kasama silang isang babae. Pero ang mata niya ay agad napadako sa kaniyang binti nang maramdaman niya ang mahigpit na pagyakap ng maliliit na braso ng anak niyang si Jessica.

“Salamat sa Diyos at nakita ka na! Pinag-alala mo kami ng mommy mo. Buti naman at ligtas ka.”

Niyakap ni Joseph ng mahigpit ang kaniyang anak bago niya pinapasok ang mga bisita sa kwarto ng asawa. Nang makita ni Tina ang anak ay muntik na siyang tumalon pababa ng kama sa sobrang tuwa buti na lang ay napigilan siya ng asawa. Ipinaalala sa kaniya ni Joseph na maselan ang kaniyang pagbubuntis kaya nagdahan-dahan ito sa pagkilos.

Ipinaliwanag ng mga pulis sa mag-asawa na sinundan ni Jessica ang babaeng kakulay ng suot niyang damit sa pag-aakalang ito ang kaniyang ina. Natuklasan na lamang ng bata na maling tao pala ang kaniyang sinundan nung nakasakay na siya ng bus papuntang Pangasinan.

Mabuti na lang at may magandang loob ang babaeng kaniyang sinundan kaya agad itong dinala sa mga pulis. Gayunpaman ay ayaw niyang basta iwan si Jessica sa estasyon ng mag-isa kaya nung sinabi ng pulis kung saan niya nireport ang nawawalang bata na walang naghahanap dito ay iniwan na lang niya sa estasyon ang kaniyang pangalan, address at numero ng selpon kung sakaling may maghanap sa bata at isinama na lang niya muna ito sa pag-uwi niya sa probinsya.

Buti na lamang at mabait ang tao nakakuha kay Jessica kaya naibalik ito ng ligtas sa kaniyang mga magulang. Laking pasasalamat ng mag-asawa sa mga pulis na tumulong sa paghahanap sa anak at sa babaeng nag-aruga sa kanilang anak nung panahong nawala ito sa kanila.

Sa sobrang takot ng dalawa ay naging mas maingat na sila na hindi mawalay sa kanila ang kanilang mga anak sa tuwing lalabas sila. Sinisiguro nila na kung sakaling kailangang bitiwan muna nila sandali ang mga kamay nito ay nakamatiyag pa rin ang kanilang mga mata sa kinaroroonan nila.

More Stories