Inday Trending

Inday Trending

Nakapulot ng Itim na Diyamante ang Batang Basurero, Hindi Niya Inakala na Mas Malaking Suwerte pa ang Naghihintay sa Kanya

Nakapulot ng Itim na Diyamante ang Batang Basurero, Hindi Niya Inakala na Mas Malaking Suwerte pa ang Naghihintay sa Kanya
FamilyInspiringStories

Maghapong nakabilad sa araw sa pangangalakal ng basura si Peping. Nakailang plastic din siya ng tone-toneladang basura na kanyang ibinenta para may panggastos siya sa araw na iyon.

“Peping, naka-magkano ka ngayon?” tanong ng kaibigang si Totoy.

“Naka-tatlong daan ako, dami kasing basura, e kaya tiba-tiba ako!” aniya rito.

“Buti ka pa, ako isang daan lang ang kinita ko.”

“Ayos lang iyan. Makakabawi ka rin bukas!”

Ang pinagbentahan niya ng mga nakuhang plastic, bote, dyaryo, bakal at iba pa ay ibinili niya ng tinapay para pantawid gutom. Matapos kumain ay naghanda na si Peping para magpahinga. Bago ipikit ang mga mata ay nagdasal muna siya at nagpasalamat sa biyayang natanggap sa araw na iyon at sinimulan nang matulog sa ilalim ng tulay kasama ng iba pang pamilya na walang mauwiang bahay. Kahit noong buhay pa ang mga magulang niya ay doon din sila nagpapalipas ng magdamag.

Kinaumagahan ay maagang nagising si Peping para mangalakal na naman ng basura. Ang natirang pera sa kinita niya ay ibinili niya ulit ng tinapay at softdrinks na inalmusal niya bago sumabak sa trabaho.

Habang naglalakad bitbit ang malaking plastic bag ay may pumarang sasakyan at di niya inasahan na magtatanong ang sakay niyon. Bumaba pa ito sa kotse at saka siya kinausap.

“Bata, alam mo ba ang papunta sa Munisipyo?” tanong ng babae na halatang mayaman dahil sa mga alahas na suot.

“A, e opo. Diretsuhin niyo lang po ang kalyeng ito at tiyak na matutumbok niyo na ang hinahanap niyo,” aniya.

“Salamat, bata!” masayang wika nito bago muling sumakay ng magarang kotse.

Ipagpapatuloy na sana niya ang paglalakad nang may mapansin siya sa kanyang paanan.

“Aba, kulay itim na bato?” tanong niya sa sarili.

Dali-dali niya iyong kinuha at isinilid sa bulsa. Agad siyang pumunta sa kakilala niyang alahero na si Mang Damian at tinanong kung ano ang kanyang napulot.

“Dyusko, napakasuwerte mo namang bata ka!” gulat na wika ng matandang lalaki.

“Ano pong ibig niyong sabihin, Mang Damian?” tanong niya rito.

“Itim na diyamante itong nakuha mo, hijo! Saan mo nakuha ito, huwag mong sabihin na…”

“Naku hindi po! Napulot ko lang po iyan!” aniya na pinutol agad ang gustong sabihin ng kausap.

Nang biglang maalala ang babaeng nagtanong sa kanya.

“Hala, baka po nahulog nung babae na nagtanong sa akin kanina. Mukhang mayaman po iyong babae.”

“Baka nga sa kanya iyan. Saan raw ba ang punta nung sinasabi mong babae?” tanong ng matandang alahero.

“Dun daw po sa Munisipyo!

“Halika, hijo! Baka naroon pa siya. Teka, nakilala mo ba ang babae?”

“Opo. Natatandaan ko pa po ang mukha niya. Hanapin po natin siya para maisoli ko po itong napulot ko.”

Sinamahan siya ni Mang Damian sa Munisipyo at nagtanung-tanong. Maghapon nilang hinanap ang babae ngunit wala silang nakita.

Mag-aalas kuwatro na ng hapon at hindi pa rin nila natatagpuan ang hinahanap. Nang may marinig si Peping na boses ng babae.

“Bata,bata!” malakas nitong tawag.

Nang lingunin niya ang pinanggalingan ng boses ay laking gulat niya dahil iyon ang babaeng nagtanong sa kanya kanina.

“Naku, salamat ha, bata! Buti na lang at itinuro mo sa akin ang Munisipyo kundi ay hindi ko naabutan ang importanteng tao na kakausapin ko roon!” anito.

“Kayo ho pala iyong nakausap ni Peping? Ako po si Mang Damian, kilala ko po ang batang ito. Sa katunayan po ay kanina pa namin kayo hinahanap,” wika ng matanda.

“Oo nga po. Ibabalik ko po sa inyo itong naiwan niyong itim na bato!” sabi ni Peping.

Nagulat ang babae sa ginawang pag-amin ng bata.

“A-akin nga ito! Kaya pala napansin ko na wala ang isang bato sa aking hikaw, iyon pala ay nalaglag! Maraming salamat, bata napakabait mo naman!” sabi ng babae.

Nang may bigla itong mapansin sa leeg ni Peping.

“Teka, kuwintas ba iyang nasa leeg mo?” taka nitong tanong.

Kanina ay napansin na ng babae ang kuwintas ng bata ngunit hindi niya pinansin dahil nakatago sa suot nitong t-shirt at nagmamadali na ring pumunta sa Munisipyo ngunit nang makita niyang nakalitaw na ito ay bigla na lamang itong pumukaw sa kanyang atensyon.

“Maaari ko bang makita ang kuwintas mo?” hiling ng babae.

Ipinakita ni Peping ang suot niyang kuwintas. Nanlaki ang mga mata ng babae nang mapagmasdan iyong mabuti. Ang kuwintas na tinutukoy ay may palawit na kalahating hugis puso.

“Dyusko, hindi ako maaaring magkamali. Akin ang kuwintas na iyan! Paano napunta ito sa iyo?” gulat nitong sabi.

“Ito po ba? Bata pa lang po ako nasa akin na po ito. Sabi po ng namayapa kong mga magulang, nung napulot raw po nila ako sa basurahan ay suot ko na po ang kuwintas na ito. Mula noon ay hinayaan nilang suot ko ito dahil baka raw po ito ang maging daan para mahanap ko ang tunay kong mga magulang,” bunyag ng bata.

Hindi na napigilan ng babae ang mga luhang dumaloy sa kanyang mga mata nang marinig ang kuwento ni Peping. Sigurado na siya sa kanyang hinala. May ipinakita siya rito na ikinagulat rin ng bata.

“P-parehas tayo ng kuwintas. Itong kalahating puso sa kuwintas ko ang kalahati ng puso sa kuwintas mo! Hindi ako puwedeng magkamali dahil nakaukit sa likod ng kalahating puso ang unang letra ng pangalan ko at ng pangalan ng nawawala kong anak. Tingnan mo, letrang J ang nakaukit sa akin, na unang letra ng pangalang kong Juliana at itong iyo ay may unang letrang A, na unang letra sa pangalan ng aking anak na si Alfonso, ” anito.

“Pa-paano po nangyari iyon?” naguguluhang tanong ni Peping.

“i-Ikaw ang nawawala kong anak. Ikaw si Alfonso! Ninakaw ka sa akin nung sanggol ka pa lang ng mga ‘di kilalang salarin. Matagal na kitang hinahanap, anak! ‘Di ko inasahan na pagtatagpuin tayo ng kuwintas na ito!” bunyag ng babae.

Hindi na rin napigilan ni Peping na maluha sa pagtatapat ng babae. Hindi niya akalaing makikita pa niya ang tunay na ina.

“Nanay, kayo po ang totoo kong nanay?” humihikbing tanong ng bata.

“Oo, anak. Ako ang nanay mo!” Saka nagyakap nang mahigpit ang mag-ina.

Napapahid rin ng luha si Mang Damian at tuwang-tuwa ang matanda na nakita na ng bata ang tunay nitong ina.

Para masigurado ang lahat ay ipina-DNA test ni Juliana si Peping at hindi nga siya nagkamali. Anak niya ang bata at masaya siyang natagpuan na ito na matagal ring nawalay sa kanya.

“Simula ngayon ay babawi ako sa lahat ng pagkukulang ko sa iyo, anak. Isasama na kita sa London at doon na tayo titira. Doon ka na rin mag-aaral!” sabi ng babae.

“Talaga po, makakapunta na ako sa London?” tuwang-tuwang wika ni Peping.

“Oo, anak. Hayaan mong ibigay ko sa iyo ang marangyang buhay na hindi mo naranasan. Hindi ka na kailanman mangangalkal ng basura,” pangako ni Juliana sa anak.

Bago sila umalis ay dinalaw nila ang puntod ng yumaong magulang ni Peping na umampon rito. Nagpasalamat ang babae sa pagpapalaking ginawa ng mga ito sa anak. Mahirap na buhay man ang naibigay ay iminulat naman ng mga ito ang kanyang anak sa kabutihang asal.

Sa isang iglap ay nakamtan ni Peping ang magandang buhay na kasama ang ina. Laking pasasalamat ng bata sa napulot niyang itim na diyamante ng ina na naging daan para magkita silang dalawa at muling magsama.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

More Stories