Ginatasan ng Ginang ang Anak na nasa Abroad para Makapagsugal, Nagulantang Siya nang Mahuli Siya nito sa Akto

Ginatasan ng Ginang ang Anak na nasa Abroad para Makapagsugal, Nagulantang Siya nang Mahuli Siya nito sa Akto

InspiringKarmaStories

“Hoy, mare, ano na? Akala ko ba magmamahjong na tayo? Mamaya ka na maglaba riyan! Ganadong-ganado ako ngayong maglaro, eh!” yaya ni Hasmin sa kaniyang kumare, isang umaga nang dalawin niya ito sa bahay. 

“Mamaya na, Hasmin! Wala pa akong pera! Uutuin ko pa ang anak ko para magkapera ako! Ito nga’t nilalabhan ko na ang damit para kapag nanghingi ako, bibigyan agad ako,” sambit nito habang patuloy sa pagkukusot ng damit. 

“Naku, mabuti na lang talaga kusa akong binibigyan ng pera ng anak ko,” pagmamalaki niya saka niya pinakita rito ang sandamakmak na perang nakahanay sa kaniyang pinataka. 

“Eh, nasa ibang bansa naman kasi ‘yon kaya agad na nakapagbibigay sa’yo, eh, ang anak ko, sa pabrika lang nagtatrabaho kaya bawat sentimo, mahalaga,” depensa nito dahilan upang mapaisip siya. 

“Sabagay,” tangi niyang sagot saka itinago ang kaniyang pitaka sa mamahaling bag na bitbit-bitbit niya. 

“Kaya, ikaw, huwag mo masyadong gatasan ang anak mo!” payo nito sa kaniya saka siya bahagyang winisikan ng tubig. 

“Bakit naman? Samantalang noong kabataan no’n, ako ang gumastos lahat! Pagkakataon ko na ngayong muling magbuhay dalaga!” depensa niya pa habang umiiwas sa wisik ng tubig. 

“Naku, bahala ka, may karma ‘yan!” sambit nito. 

“Tumigil ka na, maglaro na tayo! Papautangin muna kita!” yaya niya rito saka niya ito sapilitang pinatigil sa paglalaba. 

Paglalaro ng mahjong ang kinawiwilihan ng ginang na si Hasmin ngayon. Araw-araw, halos buong maghapon siyang nakaupo sa harap ng lamesa habang nagsusugal kasama ang kaniyang mga kumare. Manalo o matalo, ayos lang sa kaniya dahil hindi naman niya pinaghihirapan ang perang ito. Ang nais lamang niya, mawili siya at maipagyabang sa mga kumare ang laki ng perang mayroon siya. 

Nagagawa niya ang bagay na ito dahil sa anak niyang nasa ibang bansa na kahit anong hilingin niya, agad nitong binibigay dahil sa utang na loob at pagmamahal nito sa kaniya. Mapamamahaling bag man, bag o pera, basta’t dumaing lang siya, agad nitong ipapadala agad-agad dahilan upang ganoon na lang talaga siya makaipon. 

At sa tuwing wala na siyang madukot dahil sa  pagkatalo sa mahjong, lagi siyang umiinda sa anak na may masakit sa kaniyang katawan dahilan upang agad siya nitong padalhan ng pera upang pangpatingin niya sa doktor. Ngunit imbis na sa ospital dumiretso, sa bahay ng kumare siya nagtutungo at pinangsusugal ang perang padala ng anak. 

Nitong mga nakaraang araw, tila maalat siya sa naturang sugal. Palagi siyang umuuwing walang laman ang mamahalin niyang bag dahilan upang araw-araw rin siyang umungot sa kaniyang anak na kunwari’y may hindi siya magandang nararamdaman sa katawan. Dahil nga tumatanda na rin siya at labis itong nag-aalala sa kaniya, araw-araw din siya nitong pinapadalhan ng pera na labis niyang ikinatutuwa. 

Noong araw na ‘yon, bago siya magtungo sa bahay ng kaniyang kumare, dumaan muna siya sa bangko upang kumuha ng pera.

Bahagya pa siyang nainis dahil sampung libong piso lang ang pinadala ng anak sa kaniyang bank account dahilan upang padalhan niya ito mensahe. 

Ngunit dahil hindi ito nasagot, agad na siyang nagtungo sa bahay ng kaniyang kumare at sapilitan itong niyayang maglaro ng mahjong. 

Masaya siyang nakikipagtawanan sa kaniyang mga kumare habang nagsusugal. Tsismis dito, hithit ng sigarilyo ro’n, labas ng pera rito, labas ng pera ro’n, ang tangi niyang ginagawa hanggang sa abutin na siya ng gabi roon. 

“Gabi na, hindi ko pa nababawi ang tinalo ko! Diyos ko, araw-araw na lang akong maalat sa sugal na ‘to!” sigaw niya nang minsang matalo sa laro. 

“Pang-ospital mo kasi ang perang winawaldas mo, kaya ayaw lumago,” sambit ng isang pamilyar na boses dahilan upang manlaki ang mata niya at mabato sa kinauupuan niya, “Sabi na, eh, sinusugal mo lang ang perang binibigay ko. Tinanong ko ang doktor mo, eh, kasi nga nag-aalala ako sa’yo, mama, pero ang sabi niya, wala naman daw komplikasyon sa’yo. Nagmadali pa naman akong umuwi tapos imbis na sa ospital ka madatnan, sa sugalan kita naabutan,” dagdag pa nito dahilan upang labis siyang magpaliwanag dito. 

Ngunit kahit anong paliwanag niya, hindi siya inintindi nito at siya’y nilayasan. Pagkauwi niya, tahimik lang itong kumakain sa kusina habang umiiyak. Humingi siya tawad dito at labis siyang nakonsensya sa sinabi nito, “Ako, mama, nagpapakahirap sa ibang bansa, nagtitiis ako ro’n na huwag gumastos, tinitipid ko ang sarili ko, para may mapadala sa’yo, para makaipon pangpagamot mo, tapos malalaman kong niloloko mo ako para lang may pangsugal ka. Ano ba naman ‘yon, mama?” dahilan upang mapaiyak na lang siya. 

Ramdam na ramdam niya ang sakit na nararamdaman ng anak dahilan upang mapagtanto niyang hindi na talaga tama ang ginagawa niyang pagsasamantala sa kabaitan nito.

Simula noon, ginawa niya ang lahat upang malayo sa bisyo at makuha muli ang loob ng kaniyang anak. 

More Stories