Lumaking Galit sa Ama ang Dalagang ito, Isang Sikreto ang Malalalaman Niya Tungkol Dito

Lumaking Galit sa Ama ang Dalagang ito, Isang Sikreto ang Malalalaman Niya Tungkol Dito

HeartbreakingInspiringStories

“Josa, nabalitaan mo na bang nag-aagaw buhay na raw ang ama mo sa ospital? Hindi ka man lang ba sisilip? Balita ko kasi, gusto ka niya makita kahit sa huling pagkakataon,” balita ni Herlyn sa kaniyang kababata, isang umaga nang makasalubong niya ito sa kanilang paaralan.

“Kanino mo naman nalaman ‘yang balitang ‘yan, ha? Ikaw talaga, kahit kailan, puro tsismis ang dala mo sa akin!” masungit na sagot ni Josa saka bahagyang umirap. 

“Aba syempre, kumpare ng tatay ko ang tatay mo! Ano ba naman ‘to, pati ‘yon, binaon na sa limot!” sambit nito dahilan upang siya’y mapaisip. 

“Lahat ng impormasyon tungkol sa kaniya, nilimot ko na talaga! Mas maigi na nga sigurong tuluyan na siyang mawala sa mundong ‘to! Sobrang pasakit ang binigay no’n samin ng nanay ko!” tugon niya saka agad nang naglakad palayo sa naturang dalaga.

“Bakit ba kasi ayaw mo maniwalang pinaglaban ka ng tatay mo sa korte? Ang nanay mo lang talaga ang problema noon pa man!” wika nito na labis niyang ikinarindi. 

“Hoy, tumigil-tigil ka, ha! Ang nanay ko nga ang nagtaguyod sa akin!” sigaw niya rito saka niya ito muling tinalikuran. 

“Maniwala ka na habang hindi pa huli ang lahat,” sabi pa nito, imbis na magpasalamat sa dalaga, muli niya pa itong inirapan.  

Lumaking may galit sa ama ang dalagang si Josa. Ang kaniyang ina lamang ang bumuhay sa kaniya simula nang maghiwalay ang kaniyang mga magulang noong siya’y dalawang taong gulang pa lamang. Ayon pa sa kaniyang ina, ni piso, o kahit panggatas at diaper niya noong kabataan niya, wala siyang natanggap mula sa kaniyang ama dahilan upang labis siyang magalit dito. 

Bukod pa roon, base sa pa rin sa kaniyang ina, ang kahirapang nararanasan nila ngayon ay dahil din daw sa kaniyang ama. Simula raw kasi nang maghiwalay ang kaniyang mga magulang, siniraan na ng kaniyang ama ang panindang alak ng kaniyang ina dahilan upang malugi ito at sila’y maghirap. 

Isang kahid, isang tuka, silang mag-ina ngayon habang ang kaniyang ama, nababalitaan niya na lamang na nagpupunta kung saan-saang bansa kasama ng iba’t ibang babae at wala man lang maibigay sa kaniya kahit pangangamusta man lang. 

Ito ang mga dahilan kung bakit sa tuwing naririnig niya ang pangalan ng kaniyang ama, agad na lamang siyang nagagalit. Lalo pa kung naririnig niyang pinagtatanggo ito ng mga tao sa paligid niya. 

May bali-balita kasi noon na ang kaniyang ina ang unang nagloko, nagmakaawa raw ang kaniyang ama na huwag siyang kunin ngunit hindi pumayag ang kaniyang ina na taliwas naman sa kwento ng kaniyang ina dahil ayon dito, ang ama niya raw ang lulong sa bisyo at babae. At dahil nga ito ang nagpalaki sa kaniya, ito lamang ang kaniyang pinaniniwalaan. 

Noong araw na ‘yon, matapos niyang makausap ang kababata niya, agad na siyang dumiretso sa kaniyang silid-aralan. Galit man, pinilit niyang ngumiti sa guro niyang kasalukuyan nang nagtuturo sa harapan. 

“Late ka na naman, ha?” masungit na sambit nito, ngumiti lang siya at humingi ng pasensya saka agad nang naupo sa likuran. 

Ngunit habang nasa kalagitnaan sila ng talakayan, hindi niya maalis sa isip ang kaniyang ama. 

“Paano kung totoo ngang si mama ang nagloko?” 

“Paano kung pinaglaban niya naman talaga ako?” “Paano kung hinihintay niya nga ako?” 

Mga tanong na bumabagabag sa kaniya dahilan upang pagkatapos ng kaniyang unang klase, agad siyang humangos sa ospital na tinutukoy ng kaniyang kababata. 

Pagkarating niya roon, mga umiiyak na kaanak na lamang ng kaniyang ama ang naroon. 

“Huli ka na, wala na siya,” sambit sa kaniya ng tiyahin niya, “Pero huwag kang mag-alala, gumawa siya ng bidyo para magpaliwanag sa’yo,” hagulgol pa nito saka inabot sa kaniya ang selpon ng kaniyang ama. 

Nanginginig niya itong binuksan. Nakita niyang siya ang wallpaper nito at puno ng kaniyang mga litrato noong bata pa siya ang selpon nito dahilan upang labis siyang mapaluha. 

Pinanuod niya ang huling bidyo nito at doon niya nalamang ang kaniyang ina nga ang unang nagloko at sumama sa mayamang kaibigan nito.

Napatunayan niya ito nang buksan niya ang kahong naglalaman ng mga litrato ng kaniyang na kasama siya at ng isa pang lalaking hindi niya kilala.

 Nalaman niya ring pinapadalhan pala siya nito ng pera simula noon hanggang sa ngayon, ngunit kahit ni piso, wala siyang natanggap at puro paninira pa ang sinasabi ng kaniyang ina. 

Labis siyang nagsisisi noong mga oras na ‘yon, galit ang tangi niyang nararamdaman sa kaniyang inang simula noon, siya’y pinaniwala sa tagong kataksilan. 

More Stories