Kung Anu-Anong Imbento ang Sinasabi ng Babae Para Umabsent sa Trabaho, Hindi Nagtagal ay Nabuking Siya ng Amo
Magtatatlong taon nang nagtratrabaho si Allison ngayon sa kumpanyang pinapasukan bilang isang admin staff.
“Ano ba ito, ang dami dami ko nanamang aayusing papel tapos kailangan ay alphabetical order pa, bwisit talagang trabaho ito napakaliit ng sahod pero ang daming ginagawa!” bulong ni Allison sa sarili habang kaharap niya ang tambak na papeles.
Maliit lang ang sahod na natatanggap ng babae ngunit hindi naman siya makaalis dahil wala siyang mahanap na ibang mapasukan at hindi siya maaring ma-bakante,may dalawa siyang anak na binubuhay.
Napakabatugan pa ng asawa niya.
“Ma’am Lanie, pwede po kaya akong di pumasok bukas?” tanong ng dalaga sa kanilang HR.
“Bakit? Vacation leave? Naku hindi pwede alam mo naman na may policy tayong 3 days notice para mahati namin yung mga trabaho na maiiwan mo,” paliwanag ni Ma’am Lanie.
“Masama po kasi ang pakiramdam ko ngayon, baka hindi po ako makapasok bukas,” saad pa ng dalaga.
“Ipahinga mo lang yan mamayang gabi para makapasok ka bukas, alam mo namang kailangan natin ng tao dito,” baling ng babae dito.
Nitong mga nakaraang linggo ay nawawalan na ng ganang pumasok si Allison sa trabaho, ayaw niyang umalis ngunit ayaw na rin niyang magtrabaho.
“Ano ba yan Aldo! Gabi na wala parin tayong hapunan?! Pagod na pagod na akons trabaho ganito pa maabutan ko!? T*ngina talagang buhay to o! NAKAKAPAGOD!” sigaw ni Allison tsaka niya binalibag ng mga kaldero sa lababo, hindi pa rin nahuhugasan ang mga ito. Nilalangaw na ang tuyo na ang mga kanin na halatang kanina pang tanghalian.
Isang construction worker ang asawa niyang si Aldo, ngunit tapos na ang huling kontrata nito kaya naman tambay lang ito sa bahay ngayon at naghihintay ng bagong gawa.
“Sige magwala ka diyan, akala mo naman may mahihita kang pagkain sa pagdadabog mo!” sagot ng lalaki kay Allison.
Nagpapasalamat na lamang ang babae na mabait ang kaniyang napangasawa at napakagwapo pa, sinasagot man siya nito ngunit kahit kailan ay hindi siya sinaktan o ang kanilang mga anak. Higit sa lahat, napakagaling nito sa kama kaya di maiwan-iwan ng babae.
“Masama pa naman pakiramdam ko tapos ganito, nakakaiyak!” saad muli ni Allison sa asawa.
“Wag kana lang pumasok bukas sa trabaho. Sabihin mong nilalagnat ka at di ka makakabangon, hindi ka naman pupuntahan ng opisina niyo dito para tignan kung nagsasabi ka ng totoo,” baling ni Aldo sa asawa sabay yakap niya dito at halik sa leeg.
“Ayan, nawawala na sama ng pakiramdam ko, Diyos ko naman pag ganyan naman ay talagang nakakagaling!” pahayag muli ni Allison na biglang nag iba ang timpa. Ang galit na boses ay naging malandi na.
“Pag di ka pumasok bukas pangako ko sayo na babawi ako,” tukso ni Aldo dito. Di pa man sila nakakain ng hapunan ay naging abala na ang dalawa sa isa’t isa. Tuluyan na ring hindi nakapasok si Allison sa trabaho.
Kaya naman noong sumunod na araw ay nag ubo-ubuhan ang babae sa opisina para kunwari ay may sakit talaga siya. Laking tuwa niya naman nang umepekto ang kaniyang pagpapanggap at bayad pa ang araw niya kahapon kahit hindi siya pumasok.
“Alam ko na ngayon ang susunod kong gagawin pag tinamad ulit ako,” isip-isip ng dalaga.
At nasundan pa nga ang pagliban niya sa trabaho, kung hindi lagnat, pagtatae o di kaya naman ang anak niya ang ginagawa niyang dahilan. Kunwari ay isusugod ito sa hospital. Halos sa isang linggo ay apat o tatlong araw na lamang ang pinapasok ni Allison.
“Allison, may seminar sa Baguio ng tatlong araw ang barangay at sabi noong kapitbahay nating si Danica e pwede daw tayo sumama. Buong pamilya, ano sasama kaba? Ililista kita!” saad sa kaniya ni Pilo, isa sa mga kaibigan ni Allison sa kanilang barangay.
“Oo naman Baguio yun e! Libre pa tara!” mabilis na sagot ni Allison dito, kaya naman pinaghandaan niyang mabuti ang pagliban niya sa trabaho.
Simula Lunes hanggang Huwebes ay nagsakit-sakitan ang dalaga sa opisina. Pagdating ng Biyernes ay sumama siya sa Baguio.
“Ma’am Lanie, magandang umaga po, hindi po ako makakapasok hanggang Sabado. Nasa probinsya po kami ngayon namatay kasi ang lolo ko at sobrang sama na rin po ng pakiramdam ko,” text ng dalaga sa kanilang HR.
Hinintay niyang mag reply ito ngunit wala kahit isa, hinayaan na lamang niya at inisip na emergency leave naman ang kaniyang dahilan. Babayaran pa siya ng kumpanya doon. Nagpakasaya ang buong pamilya ni Allison sa Baguio.
Pagdating ng Lunes ay agad na pumasok si Allison na nakasuot na itim na damit at naglagay pa siya ng pin na itim para kunwari ay namatayan talaga sila.
“Allison tawag ka ng HR natin,” saad ni Helen, katrabaho ng dalaga.
Pumunta agad ang dalaga sa opisina at umupo ito, nag-intay sa sasabihin ng babae habang may mga inaayos itong papeles.
“Ayan, tapos na ako. Ayon sa aming source, hindi ka namatayan dahil sumama sa ka seminar sa Baguio kaya naman pwede mo ng tanggalin ang pin nayan at kumatok ka sa dingding baka magkatotoo pa.
Sunod, halos anim na buwan kanang laging wala dito sa opisina at nais ko lang ipaalala sayo na labag na pinirmahan mong kontrata. Alam narin namin ang lahat ng kasinungalingan mo para hindi ka makapasok at naloko mo ang kumpanya doon, base sa iyong attendance pwede ka nanamin tanggalin.
Mamili ka, isu-suspende kita ng 15 days at mag-isip ka kung kaya mo pang magtrabaho para samin o tatanggalin na lang kita agad ngayon dahil may sapat na akong dahilan para doon. Alam mo Allison maayos ka naman magtrabaho dati kaya hindi ko alam anong nangyayari sayo, wag mo nang subukan pang masinungaling sa mukha ko ngayon dahil baka mawalan ako ng respeto sayo,” pahayag ni Miss Lanie.
“Ma’am patawarin niyo po ako, bigyan niyo pa po ako ng isa pang pagkakataon,” saad ni Allison, matapos iyon ay dali dali siyang umalis at dumiretso sa simbahan.
Doon nangumpisal ang babae at humingi ng tawad sa kaniyang mga kasalanan at panlolokong ginawa. Humingi rin siya ng gabay at lakas para sa kaniyang trabaho.
Pagkalipas ng 15 araw na pagkasuspende ay isang masipag at masayahing Allison na ang nagtratrabaho sa opisina. Napagtanto niya na ang pera ay hindi pinupulot at sa trabaho ay hindi sweldo lamang ang mahalaga kundi ang imaheng iiwan mo sa kanila.
Ang mas malaking sweldo ay mas mabigat na trabaho. Kung hindi natin kayang maging masaya,masipag at epektibo sa maliit na bagay paano tayong bibiyayaan ng Maykapal sa malaki at nag-uumapaw na biyaya?
Nasa Diyos ang awa, nasa tao ang gawa.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.