
Isang Lasing at Madaldal na Lalaki ang Naging Pasahero ng Taxi Driver; Ano-ano ang mga Matutuklasan Niya Dahil sa Kadaldalan Nito?
“Sir… taxi?”
Hindi man maimulat nang maayos ang mga mata at hindi pa man nasasabi ang sasabihin, pumasok na sa loob ng taxi si Mang Elvis. Pabalagbag niyang isinarado ang pinto ng sasakyan. Lasing na lasing siya. Nagtungo siya sa isang beerhouse kasama ang mga katrabaho. Dahil Biyernes, “happy-happy.”
“Saan po tayo boss?” tanong ng taxi driver, na isang lalaking naglalaro sa 25 hanggang 28 taong gulang.
“S-Sa Marikina… hik!” tugon ni Mang Elvis.
Nagsimula na ngang umandar ang sasakyan. Tahimik na nagmaneho ang taxi driver. Paminsan, tinatapunan nito ng sulyap si Mang Elvis na noon ay nakahilata na. Maya-maya, tila masusuka na ito.
“Naku sir huwag ho rito sa sasakyan. Teka, itatabi ko…”
Tumabi sa isang bakanteng lote ang taxi driver at inalalayan sa paglabas si Mang Elvis. Isinuka ni Mang Elvis ang alak at mga pulutan. Maya-maya, umayos na ito at muling bumalik sa sasakyan. Tila nahimasmasan na ito.
“S-Salamat K-Kuya ah. G-Gusto kita, responsable kang driver. A-Ano ngang ngalan mo?” tanong ni Mang Elvis sa taxi driver.
“Henry ho sir…” tipid na sagot ng taxi driver.
“Ahhh Henry… salamat Henry ah! Kapangalan mo pala yung amo kong walang hiya. Suwitik ang pagmumukha no’n lagi akong pinag-iinitan sa trabaho,” kuwento ni Mang Elvis, sa tonong lasing. Hinayaan lamang ng taxi driver na magkuwento nang magkuwento ang pasahero. Mas mabuti na nga naman ito kaysa sa napakatahimik at baka antukin pa siya.
“S-Sabi niya sa akin t-tatanggalin d-daw niya ako sa trabaho. Eh ‘di tanggalin niya! Hayop siya. Marami akong p-pera ‘no. Hindi ko kailangan ang kompanya niya, magtatayo ako sarili ko. Huwag ka mag-alala Ernie, kukunin kitang personal driver ko k-kapag may k-kotse na ‘ko, hik!” sabi ni Mang Elvis.
“Henry ho sir, hindi po Ernie,” pagtutuwid ni Mang Elvis.
“Ay… sorry… sorry Henry. Ilang taon ka na ba?”
“Mga nasa 27 ho…” tugon nito.
“P-para na pala kitang anak. Ganiyan din kasi edad ng anak ko sa labas. P-pero h-hindi ko kasama iyon,” kuwento ni Mang Elvis.
“Ganoon po ba, sir? Ano po bang nangyari?” tanong ng taxi driver.
“H-hayun… w-wala raw kasi akong kuwenta sabi ng dati kong babes… k-kaya nilayasan ako! ‘Di ko na nga alam kung nasaan siya. M-may anak kami pero ayaw niya ipakilala sa akin. S-sabagay, b-baka kapag nakilala ako ng… ng anak namin… baka mabuwisit lang sa akin ‘yun,” sabi ni Mang Elvis.
“Bakit naman ho?” usisa ng taxi driver.
“Eh s-sabi ng m-misis ko n-ngayon h-huwag daw sabihin sa mga anak namin na may dati na ‘kong p-pamilya. K-kaya di alam ng mga anak ko na m-may kuya sila sa malayo. K-kaya ikaw h-huwag kang madaldal ah, huwag kang maingay,” sabi ni Mang Elvis sa lasing pa rin nitong tono.
“Hindi naman ho ako makikipag-usap sa mga anak ninyo, sir. Depende ho kung sino ang maaabutan ko sa bahay ninyo. Pero… hindi ho ba ninyo ginustong makilala at makasama ang pinakapanganay ninyo?” tanong ng taxi driver.
“G-Gusto. Gustong-gusto. Mahal ko iyon kahit noong pinagbubuntis… pinagbubuntis pa lang ng dati kong babes. K-kaya lang nahihiya na rin ako magpakilala. B-Baka galit sa akin, at ayoko na guluhin ang buhay niya.”
Natahimik na ang taxi driver at hindi na nag-usisa pa. Nakatulog na rin si Mang Elvis.
Makalipas ang ilang oras, nakarating na rin ang taxi driver sa lokasyon ng bahay ni Mang Elvis. Bumusina siya.
“Sir… gising na ho… narito na ho tayo…”
Lumabas ang isang ginang at lumapit sa taxi. Nagitla ito nang makita siya.
“A-anong nangyari na naman sa taong ito?” tila galit na sabi ng ginang. Ito ang misis ni Mang Elvis.
“Lasing na lasing ho,” sagot ng taxi driver.
Magkatulong na binuhat ng taxi driver at ng ginang si Mang Elvis papasok sa loob ng bahay. Pinaupo nila ito sa sofa.
“Ano ba naman iyan Elvis, lasing ka na naman!” galit na pangaral ng ginang.
“S-sakit ng ulo ko… hik! Nagkayayaan lang. Nakainom lang naman,” tugon ni Mang Elvis.
Nagsibabaan naman ang mga anak nito at dinaluhan ang kanilang ama. Inutusan ng ginang ang isa sa mga anak na ipagtimpla ng kape si Mang Elvis. Lumabas na ng bahay ang taxi driver.
Bago bumalik sa loob ng sasakyan, tinawag siya ng ginang.
“H-Henry… salamat sa paghatid… sa Tatay mo,” halos pabulong na pasasalamat ng ginang. Ngumiti lamang si Henry, bumalik sa loob ng sasakyan, at umarangkada na.
Siya, si Henry, na anak na tinutukoy ni Mang Elvis, ay matagal nang sumusubaybay sa kaniyang ama. Lingid ito sa kaalaman mismo ng kaniyang ama. Maraming katanungan sa kaniyang isipan si Henry subalit nahihiya rin siyang lapitan ang ama.
Hanggang isang araw, nagsadya na siya sa bahay nito, kaya alam na niya ang bahay nito kahit Marikina lang ang sinabi nito at wala ng ibang detalye, nang ihatid niya.
Nagpakilala siya sa misis nito. Nakiusap sa kaniya ang misis ng tatay niya na huwag na sana siyang magpakilala dahil walang alam ang kanilang mga anak sa nakaraan ni Mang Elvis, bagay na iginalang naman niya.
Nang araw na iyon, alam ni Henry na maglalasing na naman ang kaniyang tatay. Nakita niya itong pumasok sa paboritong beerhouse kasama ang mga kasamahan sa trabaho. At dahil isa siyang taxi driver, talagang inabangan niya si Mang Elvis upang maihatid ito sa bahay nito.
Sapat na ang mga narinig ni Henry sa pagsasalaysay ni Mang Elvis na mahal pala siya nito kahit hindi sila magkakilala. Balang araw, magkakaroon siya ng lakas ng loob upang humarap at magpakilala rito bilang anak, sa takdang panahon.