Nakakaistorbo ang Lalaking Pulubi sa Negosyo ng Isang Ginang; Ipagtabuyan Kaya Niya Ito nang may Magreklamo na sa mga Parokyano?

Napakalakas ng karinderya ni Aling Mameng lalo’t malapit kasi ito sa isang construction site at mall. Dito nagtutungo ang mga trabahador para kumain ng almusal, tanghalian, meryenda, o hapunan. Walang araw na nabakante ito sa mga tao. Kaya naman, naipagawa ito ni Aling Mameng na maging maliit na fast food chain.

May bahaging walang aircon at may bahaging malamig dahil sa aircon kung saan maaaring magsagawa ng mga pagpupulong kung kinakailangan.

Isa lamang ang tila panira sa kaniyang magandang negosyo: ang isang lalaking pulubi na lagi nang lumalapit sa kaniyang mga kustomer, nangangalabit, at nanghihingi ng limos.

“Hay naku Aling Mameng, kung ako sa inyo ay humihingi na kayo ng tulong sa barangay hall para mapalayas na ang pulubi na iyan. Imbes kasi na ganahan kaming kumain eh nasusulasok na kami dahil sa marumi niyang hitsura at mabahong amoy!” reklamo ng isang ginang na kustomer.

Sumegunda naman ang kaniyang serbidora na si Maymay.

“Oo nga po Ma’am, baka puwedeng ipagtabuyan na natin yung pulubi na ‘yan. Kapag nandito siya, naiirita ang mga customers natin eh. Tapos pati ang mga langaw eh bitbit niya. Nakakasira po sa negosyo.”

“Sige, sige. Ako’ng bahala sa kaniya,” saad ni Aling Mameng.

Kinabukasan, gaya ng inaasahan ay nagpunta na naman ang pulubi sa kaniyang puwesto. Mabuti na lamang at wala pang gaanong tao kaya nakausap ni Aling Mameng ang lalaki.

Advertisement

“Wala pang manlilimos sa iyo rito, wala pa ang mga customer ko eh,” wika ni Aling Mameng.

“Sa iyo na lang. Palimos… kahit pagkain lang,” wika ng pulubi.

“Lahat ng pagkain dito ay hindi libre, kahit na ang mga kamag-anak at kaibigan ko ay nagbabayad kapag kumakain sila rito. May mga bagay na masarap kainin o gastusin kapag alam mong pinaghirapan. Sa palagay ko naman ay malakas ka at kaya mong magtrabaho. Bakit hindi ka magbanat ng buto sa halip na namamalimos ka?” usisa ni Aling Mameng sa pulubi.

“Naku, ginawa ko na ‘yan dati, kaya lang wala naman may gustong magtiwala sa akin. Pulubi lamang daw ako at makakagulo sa kanila. Wala namang nagtitiwala sa akin.”

“Eh kung ako ang magtiwala sa iyo? Tamang-tama. Lumalaki na ang fast food chain ko at kailangan ko ng karagdagang tao. Magtrabaho ka na lamang sa akin bilang tagahugas ng pinggan at tagalinis ng mga mesa. Papayag din ako na dito ka manirahan sa loob sa gabi kung wala kang matutuluyan,” paliwanag ni Aling Mameng.

“T-Talaga ho? Papayag po kayo na magtrabaho rito?”

“Oo. Pero sana, maligo ka muna at magpalit ng damit.”

“Eh wala po akong ibang damit maliban sa suot ko eh.”

Advertisement

“Sandali lamang.”

Saglit na umalis si Aling Mameng. May kinuha sa loob ng bahay. Ilang mga damit na pinaglumaan ng kaniyang sumakabilang-buhay na mister.

“Heto, suotin mo. Mga pinaglumaan iyan ng mister ko. Bumalik ka rito nang nakasuot nang ganyan, malinis ha.”

At kinabukasan, nagulat nga ang kaniyang mga masugid na kustomer nang makilala nila ang pinakabagong tagalinis sa fast food chain ni Aling Mameng. Ang pulubing namamalimos lamang noon ay tao na nito.

“Ang galing naman, Aling Mameng! Nakatulong ka na sa kaniya, may dagdag na empleyado ka pa rito.”

“Ganoon lamang talaga. Bigyan natin ng pagkakataon ang mga tao para mai-angat ang sarili nila. Masipag naman siya.”

Tama naman si Aling Mameng. Masipag nga ang pulubi na Bitoy ang pangalan. Wala itong angal sa paghuhugas ng mga pinagkainan at kagamitan sa loob ng fast food chain ni Aling Mameng. Doon din natutulog si Bitoy.

Isang araw, namutla si Aling Mameng nang matuklasan niyang nawawala si Bitoy gayundin ang pera sa kaha na pinagbentahan noong nakaraang araw. Wala ito sa loob ng fast food chain.

Advertisement

“Naku, tiyak na si Bitoy ang kumuha ng pera, Ma’am. Walang hiya. Tinulungan mo na nga po, kinagat ka pa sa kamay,” napapalatak na sabi ni Maymay.

Nalulungkot si Aling Mameng. Ayaw man niyang paghinalaan si Bitoy, ngunit nasaan nga ba ito at sino naman ang kukuha ng pera sa kaha?

Sa kabila nito ay nagpatawad naman si Aling Mameng. Baka kailangang-kailangan lamang ni Bitoy ng pera.

Makalipas ang limang araw, muling bumalik si Bitoy. Ngunit bumalik na naman ito sa dati nitong anyo na marumi at mabaho.

“Ma’am, bumalik ang magnanakaw!” bulalas ni Maymay.

“Hoy babae ka! Hindi ako magnanakaw ah. Wala akong ninanakaw,” galit na duro ni Bitoy kay Maymay. Galit na galit si Bitoy. Natakot naman ang mga kumakain. Ang iba ay nagpulasan.

“Nanggugulo ka rito. Lumayas ka na!” pagpapalayas ni Maymay.

Sinaway ni Aling Mameng ang katiwala.

Advertisement

“B-Bitoy… bakit ka umalis? Ikaw ba ang kumuha ng perang pinagbentahan sa kaha noong umalis ka? Bakit kailangan mong gawin ‘yon? Kung kailangan mo ng pera, puwede ka naman humingi o manghiram sa akin.”

“Hindi ba’t ikaw ang nagsabing pabigat lamang ako kaya pinapalayas mo na ako?” sabi ni Bitoy.

“H-Ha? Ikaw? Palalayasin ko? Wala akong sinasabing ganoon. Bakit naman kita palalayasin eh ako nga ang nag-alok sa iyo ng trabaho.”

“Iyang babaeng iyan ang nagsabi sa akin, na pinapasabi mo raw na lumayas na ako rito dahil tamad ako at walang silbi,” turo ni Bitoy kay Maymay.

Namutla naman si Maymay.

“May, wala akong sinabing ganoon. Bakit mo naman sinabi ang ganoon kay Bitoy? Kaya pala siya umalis.”

“At hindi rin ako ang kumuha ng pera sa kaha. Malamang ang babaeng iyan!”

Hindi na nakapagtago pa si Maymay.

Advertisement

“Eh kasi Ma’am ayoko siya rito eh kaya ginawan ko na lang siya ng isyu. Patawarin po ninyo ako Ma’am,” umiiyak na pag-amin ni Maymay.

Ibinalik ni Maymay kay Aling Mameng ang pera sa kaha na nawawala. Siya pala ang kumuha, ngunit hindi niya intensyong kunin talaga, kundi para lamang pagbintangan nito si Bitoy.

“Pantay-pantay kayo para sa akin. Para ko na kayong mga anak, walang dahilan para magselos ka Maymay. Bitoy, bumalik ka na rito sa amin.”

Humingi ng tawad si Maymay kay Bitoy, at sa labis na kahihiyan sa kaniyang ginawa, ay nagbitiw na lamang sa kaniyang tungkulin si Maymay. Nagkataon din na kinakailangan niyang bumalik sa probinsya dahil may karamdaman ang kaniyang ina, na matanda na rin.

“Dati rin akong taong kalye kaya alam ko ang sitwasyon mo. Naranasan ko rin noon na walang nagtiwala sa akin. Pero may mga tao talaga na kahit hindi natin kamag-anak, mas parang kadugo pa natin. Salamat sa naging amo ko noong bata ako, at ngayon ay ibinabalik ko lamang sa iyo Bitoy, ang kabutihan ng loob na naranasan ko noon,” pahayag ni Aling Mameng.

Bumalik si Bitoy sa pagtatrabaho kay Aling Mameng at muling bumalik ang kaniyang tiwala sa sarili. Unti-unti siyang nakapag-ipon ng pera at umayos ang buhay niya.