Sinubok ng Don ang Anak Upang Malaman Kung Karapat-Dapat Ba Itong Maging Tagapagmana ng Kompanya; Nagulat ang Anak Dahil Tatlong Inahing Manok ang Ibinigay Nito sa Kaniya

“’Pa, sana naman ay ibigay mo sa akin ang pamamahala sa kompanya ng ating pamilya, at huwag kang mamili sa mga naka-posisyon ngayon na hindi naman natin kaano-ano!”

Kinumpronta ni Miguel ang kaniyang amang si Don Timoteo, Chief Executive Officer at founder ng kanilang kompanya, kung bakit sinabi nito sa general assembly na baka sa ibang tao niya nakikitang maipamana ang kaniyang posisyon at legasiya.

“Bakit? Napatunayan mo na ba ang sarili mo sa akin? Na kaya mong magpatakbo ng isang kompanya? Ni ayaw mo ngang magtrabaho roon, tapos anong gusto mo, ikaw ang magmamana niyon?” saad sa kaniya ng ama.

“Pa, ako ang unico hijo mo, at sigurado naman na kaya ninyo itinatag ni Mama ‘yan ay dahil sa akin. Tapos sasabihin ninyo sa harap ng mga empleyado na sa ibang tao ninyo nakikita ang legasiya ng kompanya, at hindi sa akin? Hiyang-hiya ako, Pa.”

“Hijo, hindi ibig sabihin na anak kita ay karapat-dapat ka na sa kompanya. Mas may karapatan sa posisyon ko ngayon ang mga nakasama ko sa pamamalakad nito, na nakasama ko sa hirap at ginhawa upang mapalago ang ating negosyo. Buweno, ganito na lamang. Kapag nagawa mo ang ipagagawa ko sa iyo, baka sakaling magbago ang isip ko,” wika ni Don Timoteo.

“Sige Pa. Patutunayan ko sa iyo ang kakayahan ko. Anak mo yata ako!” mayabang na sabi ni Miguel. Inayos-ayos pa niya ang kuwelyo ng kaniyang polo.

“Magkita tayo bukas.”

Kinabukasan, muling nagkaharap ang mag-ama.

Advertisement

Inilabas ng katiwala ni Don Timoteo ang tatlong inahing manok.

“A-Anong gagawin ko diyan?” nagtatakang tanong ni Don Timoteo.

“Narito ang tatlong inahing manok. Gusto ko, sa loob ng dalawa o tatlong buwan, masiyahan ako sa kanila. Bahala ka na kung anong gagawin mo sa kanila para masiyahan ako at makita na karapat-dapat kang pumalit sa puwesto ko bilang CEO ng sarili nating kompanya. Tandaan, may tatlong inahing manok ka lamang.”

Natatawa naman si Miguel sa naging paraan ng ama upang sukatin kung karapat-dapat ba siyang pumalit sa puwesto nito sa kompanya, kung sakaling piliin nitong magretiro na, o hindi naman sa kagustuhan, ay mamaalam na sa mundong ibabaw.

“Alam ko na…”

Kinabukasan, may sorpresa si Miguel sa kaniyang ama.

“Sumama kayo sa akin sa komedor. Makikita ninyo ang sorpresa ko.”

Sumama naman si Don Timoteo sa komedor. Nakita niyang may isang pinggang natatakpan. Pagbukas niya rito, isang inasal na manok ang tumambad sa kaniya.

Advertisement

“Inasal na manok… paborito ko ito,” wika ni Don Timoteo.

“Sabi ninyo kasi, kung ano ang magbibigay sa inyo ng kasiyahan, iyon ang gawin ko. Kaya hayan, ipinakatay ko ang isa sa mga inahing manok na ibinigay ninyo, at ipinagawa kong inasal.”

Natawa naman ang don.

“Mukha namang masarap subalit hindi iyan ang gusto kong mangyari. Sige, may dalawa ka pang manok. Pag-isipan mong mabuti.”

Nabigo si Miguel sa kaniyang ginawa. Akala kasi niya, pagkain ang tinutukoy ng kaniyang ama.

Sumunod naman ay ibinenta ni Miguel ang pangalawang manok sa halagang 2,000 piso.

“2,000 piso lamang? Kapag ginastos mo iyan, wala na… mag-isip ka pa. May isang inahing manok ka na lamang.”

Sa pagkakataong iyon ay matamang nag-isip si Miguel. Ano kaya ang gagawin niya sa natitirang inahing manok?

Advertisement

Napag-isip-isip ni Miguel, kung negosyo ang kanilang kompanya, kailangan niyang magkaroon ng negosyo. Paano naman siya magkakaroon ng negosyo sa isang inahing manok lamang? Tinitigan ni Miguel ang hawak niyang 2,000 piso na pinagbentahan sa pangalawang manok.

Hanggang sa may naisip na siyang ideya.

Kinabukasan, naghanap siya ng tandang na maaaring mabili sa halagang 2,000 piso. At mapalad namang nakahanap siya. Nakabili naman siya ng 1,500 piso. Ang natitirang 500 piso ay dinagdagan na lamang niya para sa pagpapalakas ng resistensya ng inahing manok.

Ang ginawa niya, pinaasawa niya ang biniling tandang sa inahing manok upang ito ay mangitlog. Habang naghihintay na maging matagumpay ito, inaral niya ang tungkol sa pagmamanukan o poultry.

Nang sa wakas ay mangitlog na ang inahing manok, ang ilan dito ay hinayaan niyang malimliman nito upang mapisa at maging ganap na sisiw. Hanggang sa ganito nang ganito ang kaniyang ginawa. Dumami ang mga sisiw, hanggang sa maging mga manok na.

Makalipas ang ilang buwan ay dumami na ang mga manok ni Miguel at nalibang na rin siya sa kaniyang ginagawa. Sinubukan na rin niyang bumili pa ng iba pang mga manok upang mas dumami pa ito. Hanggang sa makabuo siya ng isang maunlad na manukan.

Nakita naman ni Don Timoteo ang naging progreso: magmula sa isang inahing manok, ngayon ay may sariling manukan o poultry farm na ang anak; dinagdagan pa niya ito ng mga itik o bibe.

“Mahusay, anak. Mahusay. Napagtagumpayan mo ang pagsubok ko sa iyo. Sa buhay na ito, lalo na sa pagnenegosyo, kailangang pinaghihirapan mo ito. Huwag kang susuko na maparami mo ang mga mapagkukunan mo, lalo na sa pagpapalago ng pera. Kagaya ng ginawa mo. Magmula sa isa, ngayon ay marami na,” pangaral ni Don Timoteo sa anak.

Advertisement

Kaya naman sa sumunod na general assembly ng kompanya, ipinakilala na si Miguel sa lahat—hindi bilang kapalit ni Don Timoteo kundi bagong empleyado.

Minabuti ni Miguel na pag-aralan muna ang kanilang negosyo kaya nagsimula muna siya sa pinakamababang puwesto—ang maging manggagawa. Balang araw, kapag siya na ang CEO o nasa iba pang mas mataas na posisyon, walang magtataas ng kilay sa kaniya. Walang magsasabi na kaya lamang siya naroon ay dahil sa kaniyang ama, kundi dahil nakuha niya ang tiwala at paggalang nila, dahil napagdaanan din niya ang mga pinagdaanan nila. At iyon, ang palagay niya, ang dapat taglayin ng isang pinuno ng kompanya.