Naabutan ng Lockdown ang Pobreng Ama Kaya Hindi Kaagad Nakauwi sa Kanila; Nang sa Wakas ay Makauwi, Bakit Nawawala ang mga Anak Niya?

Hindi mailarawan ni Mang Poldo ang labis na katuwaan nang sa wakas ay mapayagan na siyang makauwi sa kaniyang mga anak, matapos maabutan ng lockdown habang siya ay nasa Maynila, nagtatrabaho sa isang construction site. Halos tatlong linggo na siyang hindi nakakauwi.

Nang pumutok ang balita ng pagpapatupad ng lockdown sa buong Metro Manila dahil sa pandemya, hindi akalain ni Mang Poldo na hindi siya makakalusot sa mga checkpoint. Malayo pa ang uuwian niya. Taga-San Jose Del Monte, Bulacan siya at ang pinag-aalala niya, mag-isa lamang sa kanilang bahay ang dalawang maliliit na anak.

Ang panganay niya ay si Gigi na 10 taong gulang lamang at ang bunso niya ay si Macmac na 6 na taong gulang. Ang kaniyang misis ay matagal na siyang iniwan. Ayaw na umano nitong makisama sa isang gaya niyang mal-edukado at hindi aasenso sa buhay.

Pagkakarpinterya ang ikinabubuhay ni Mang Poldo, na palagay niya ay bagsakan naman ng mga padre de pamilya na kagaya niyang salat sa edukasyon. Hindi inaalintana ni Mang Poldo ang pagod. Kaya niyang gawing araw ang mga gabi kung kinakailangan, para sa kaniyang dalawang anak na umaasa pa sa kaniya.

Kahit saan pa iyan, kahit malayo ang lokasyon, basta’t may patrabaho, pinapatos niya. Nitong huli nga ay nayakag siya ng kumpareng si Estong na sumama sa Maynila dahil may tinatapos na isang condominium doon.

“Oh mga anak, narito ang 500 piso. Gigi, ikaw na ang bahala rito ah. Marunong ka naman na magsaing at magluto. Tipirin at pagkasyahin ninyo iyan dahil isang linggo akong mawawala. Pero babalik naman kaagad ako tuwing Sabado,” bilin ni Mang Poldo sa kaniyang mga anak bago siya lumuwas ng Maynila.

“Opo Tatay, mag-ingat po kayo sa Maynila,” sabi ng kaniyang anak na si Gigi, na sa kabila ng murang edad nito ay responsable na sa buhay. Tinuruan niya ito kung paano magsaing, magluto, magsibak ng panggatong, mag-igib ng tubig sa poso, magtanim, maglaba, at iba pang mga gawaing-bahay na alam niyang makatutulong dito sa paglaki.

Hanggang sa hindi naman akalain ni Mang Poldo na hindi na pala siya makakauwi dahil sa lockdown. Labis-labis na ang kaniyang pag-aalala sa mga anak. May pera siya subalit hindi naman siya makapagpadala ng pera. Hindi niya alam kung ano ang gagawin. Wala siyang cellphone. Lalong walang cellphone ang mga anak niya. Si Estong ay ganoon din. May cellphone nga ito subalit naiwanan naman daw sa kanilang bahay.

Advertisement

Mabuti na lamang at may mga kasamahan sila na agad na nag-isip nang paraan kung paano sila makapagpapadala ng pera. Kailangan lamang daw ay tirahan o address at bahala na ang tagapag-deliver na magdala rito. Ipaliwanag na lamang daw na walang cellphone ang mga makakatanggap, at ito ay emergency.

Ang labis na pinag-aalala ni Mang Poldo ay kung matatanggap kaya ng mga anak ang perang ipapadala niya. Hindi niya rin malalaman at hindi rin siya makakampante. Ngunit mas mainam na itong praan upang hindi magutom nang dilat ang kaniyang mga anak. Suntok sa buwan. Nagpadala na nga ng pera si Mang Poldo gamit lamang ang detalye ng kanilang tirahan.

Kaya ngayong maluwag na sa mga checkpoints, hindi na nagpatumpik-tumpik pa si Mang Poldo na agad na umuwi.

Dumadagundong ang kaniyang dibdib.

Pagdating sa bahay…

“Gigi? Macmac?”

Walang katao-tao sa loob ng bahay. Wala rin ang dalawa sa kanilang giray na banyo. Nakaramdam ng matinding takot si Mang Poldo. Nasaan na ang mga anak niya?

Sa labis na pagkataranta at pagkabahala ay bumuhos na ang emosyon ni Mang Poldo.

Advertisement

“Mga anak ko… hindi ko naman kayo iiwan… nasaan na kayo? Gigi! Macmac!”

Kung ano-ano na ang pumasok sa kaniyang isipan.

Baka naglayas na ang mga anak dahil inisip ng mga ito na wala siyang kuwentang ama.

Baka naman naglakad-lakad ang mga anak sa kalsada, at may mga sindikatong nakakuha na sa kanila at inutusang manlimos. O kaya naman ay ibinenta na ang mga lamanloob, na nangyayari ngayon.

Baka may iba nang kumuha sa kaniyang mga anak.

“Tatay! Tatay!”

Naputol ang pagluha ng pobreng ama nang marinig ang pagsigaw ng kaniyang mga anak. Agad niyang sinalubong ng yakap sina Gigi at Macmac—na mukhang nasa maayos namang kalagayan.

“A-Akala ko kung napaano na kayo mga anak! Pinag-alala ninyo ang tatay. Kumusta kayo rito? Pasensya na at hindi ako kaagad nakauwi dahil sa lockdown.”

Advertisement

“Tatay, ayos lang po kami ni Macmac. Galing po kami kina Aling Naty. Simula po noong hindi na kayo nakakauwi rito, sila po ang nagsabing doon na kami kumain sa kanila. Huwag po kayong mag-alala sa amin ni Macmac,” balita ni Gigi sa ama. Si Aling Naty ang misis ni Estong.

Nakahinga nang maluwag si Mang Poldo. Talagang sa oras ng pangangailangan ay may mababait na kapitbahay na talagang maaasahan.

Niyakap ulit ni Mang Poldo ang kaniyang mga anak, na siyang tanging kayamanan niya sa buhay. Pangako niya sa sarili, gagawin niya ang lahat upang mabigyan ng magandang buhay ang mga ito, sa abot ng kaniyang makakaya.