Palihim na Ibinenta ng Ama ang Kaniyang Motorsiklo Upang Mabayaran ang Balanse sa Matrikula ng Anak sa Kolehiyo; Nagulat Siya sa Isinukli Nito sa Kaniya

Napansin ni Mang Arthur na para bang laglag-balikat ang anak na si Nessa, panganay niyang anak na nag-aaral ng kursong Industrial Engineering sa kolehiyo. Nasa ikatlong taon na ito.

“Anak, huwag mong sarilinin ang problema. Nessa. Sabihin mo sa akin ang problema,” ani Mang Arthur na isang manunulat sa diyaryo.

Mahal na mahal ni Mang Arthur ang kaniyang trabaho bilang manunulat at mamamahayag sa diyaryo. Hindi man ganoon kalaki ang suweldo, nagagawan naman niya nang paraan ang pangangailangan ng kaniyang pamilya sa pamamagitan ng mga ‘raket’.

Hindi sumagot si Nessa. Kilalang-kilala na siya ni Mang Arthur. Kahit tumitipa at nakatutok ang mga mata nito sa laptop nito na halos naging kakambal na niya, nakita pa rin nito ang mga manerismo niya kapag may alalahanin siya.

“Pa, kasi…”

“Ano nga?”

Sa halip na sumagot ay may liham itong iniabot sa kaniya. Binasa nito ang laman ng liham. Nang malaman na ang laman, dahan-dahang itinupi.

“Pa, hindi na raw po kasi uubra ang promissory note. Kailangan na po nating bayaran ang mga pending na balance para makakuha ng final examination. Eh, Pa… kailangan ko po ito talaga ito eh. Paano po kaya ito?”

Advertisement

“Sige anak, gagawa ako ng paraan. Bukas na bukas din ay may maibabayad ka na riyan,” pilit ang ngiti ni Mang Arthur, kahit ang totoo niyan, hindi niya alam kung saang kamay ng Diyos kukuha ng perang pambayad sa kanilang balanse sa matrikula ng anak.

20,000 piso ang kailangan nila.

Wala na siyang kapera-pera. Hindi pa kasi naibibigay ang suweldo nila, at kahit ibigay, kulang pa rin. Sapat lamang sa kanilang pang-araw-araw na gastusin at pambayad sa bills.

Tinawagan ni Mang Arthur ang kaniyang mga kaibigan upang makahiram ng pera. Kitang-kita ni Nessa ang paghihirap sa mukha ng kaniyang ama, at nakokonsensya siya. Ayaw naman kasi siyang payagan nitong maging working student para sana makatulong. Alam niya ang hirap na pinagdaanan ng kaniyang Papa nang sumakabilang-buhay ang kaniyang Mama dahil sa malubhang karamdaman. Bukod sa emosyunal na sakit, mas nakakapanghina ang patong-patong na utang na kinailangan nilang bayaran.

Kinabukasan, nagtaka si Nessa na wala na ang motorsiklo na ginagamit ng ama sa kaniyang pagpasok sa opisina.

“Pa, nasaan ang motorsiklo mo? Bakit nag-commute kayo ngayon?” usisa ni Nessa.

“Naku sira ang tambutso, ipinagawa ko muna sa talyer. Teka muna anak, nakapangutang ako sa kompanya. May pambayad ka na…”

“Talaga po, Pa?” bumadha ang kasiyahan sa puso ni Nessa.

Advertisement

Inilapag ni Mang Arthur ang kaniyang bag. Binuksan ito. May kinuhang makapag na brown envelope. Inilabas ang 20 piraso ng lilibuhing piso at iniabot sa anak.

“Hayan, bayaran mo na lahat para nang sa gayon ay tuloy-tuloy ang pagkuha ng mga pagsusulit, anak…”

Binilang ni Nessa ang perang ibinigay sa kaniya ng ama.

“Pa… salamat po!” naiiyak na pasasalamat ni Nessa. Niyakap niya ang ama.

“Wala iyan, anak. Sabi ko naman sa iyo, hindi ba, ako ang bahala sa pag-aaral mo. Iyan lamang ang tanging pamana namin sa iyo ng Mama mo, at alam kong magiging masaya siya mula sa langit kapag nakita ka na niyang nakatoga, nagmamartsa, at may bitbit na diploma.”

“Opo, Papa. Hindi ko po sisirain ang pangako ko kay Mama na magtapos ng pag-aaral. Para po sa inyo ni Mama ang pagpupursige ko,” pangako ni Nessa sa kaniyang Papa.

Kaya naman mas pinag-ibayo pa ni Nessa ang kaniyang pag-aaral, at hindi na inusisa pa ang ama, kung saan na napunta ang motorsiklo nitong sa pagkakaalam niya ay unang sasakyang inasam ng kaniyang ama, at una ring napundar sa pamamagitan ng pagsusulat.

Matuling lumipas ang panahon.

Advertisement

Nakatapos ng kolehiyo si Nessa. Cum Laude.

Agad siyang nakahanap ng trabaho bilang industrial engineer, at dahil Cum Laude, kinuha siya ng pamantasan upang makapagturo sa kolehiyo.

Mabilis na nakaipon ng pera si Nessa.

Sa kaarawan ni Mang Arthur, isang espesyal na pagdiriwang ang ibinigay niya, na dinaluhan ng kanilang mga kaanak at kaibigan nito.

Isang customized cake ang ipinagawa niya. Matapos hipan ng ama ang nakasinding kandila kasabay ng pag-awit ng ‘Happy Birthday’, sinabihan niya ang ama na hilahin ang dulo ng kandila.

Isa pala itong money cake. Mula 20 piso hanggang 1,000 piso ang laman. Hagalpakan at palakpakan naman ang mga panauhin.

Ngunit ang pinakadulo nito ang ikinamangha ni Mang Arthur at mga panauhin.

Isang itim na susi.

Advertisement

“A-Anak… bakit naman susi ang nasa dulo?” usisa ni Mang Arthur.

“Pa, iyan po ang sorpresa ko para sa inyo. Natatandaan n’yo po noong ako ay nasa Ikatlong Taon at hindi ako makakapag-final exam? Nawala po ang motorsiklo ninyo. Sabi po ninyo, nasa talyer dahil nasiraan ng tambutso,” emosyunal na pahayag ni Nessa. Humarap siya sa mga panauhin. “Hindi po ako naniwala. Hindi ko na rin po kayo inusisa. Kasi alam ko… alam kong ibinenta ninyo ang motorsiklo na iyon, na may sentimental value sa inyo… para sa akin!”

Natahimik ang lahat. Nagsimulang maiyak ang ibang may mababaw na luha.

“Sabi ni Papa sa akin, may sentimental value sa kaniya ang motorsiklo na iyon dahil iyon ang gamit niya noon kapag nagde-date sila ni Mama, kapag may pinupuntahan sila… at iyon din ang gamit niya noong bagong kasal sila. Masakit po sa akin na nagawang ibenta ni Papa ang motorsiklong iyon at hindi na nakuha pa, para lamang sa akin.”

“Nessa, mahal na mahal kita anak, at gagawin ko ang lahat para sa iyo,” emosyunal na sabi ni Mang Arthur.

“Opo Papa, alam ko po iyon. Kaya malaki po ang pasasalamat ko sa inyo. Ngayon pong nakatapos na ako at may pera na, hayaan ninyong ako naman ang bumawi. Happy Birthday, Pa!” at niyakap ni Nessa ang ama. Nagpalakpakan naman ang lahat.

“Hoy, papunta na tayo sa teleserye ha… huwag na tayong mag-iyakan! Let’s celebrate!” sabi ng isa sa mga kasamahan ng kaniyang ama. Mula sa emosyunal at nakaaantig na tagpo, nagkatawanan naman ang lahat.

Tuwang-tuwa si Mang Arthur sa bagong kotse na binili sa kaniya ni Nessa. Marunong na siyang magmaneho noon pa man, ngunit hindi lamang niya magawa dahil wala naman siyang sariling kotse.

Advertisement

“Maraming-maraming salamat, anak,” emosyunal na pasasalamat ni Mang Arthur. “Tuwang-tuwa ang Mama mo mula sa langit dahil tinupad mo ang pangako mo sa amin.”

Simula noon, gamit ang kotse ay mas napadalas na ang bonding ng mag-ama dahil may sarili na silang sasakyan; marami silang mga baong saya at ngiti sa kanilang pag-uwi matapos ang paglalakbay.