Tinutulungan ng Guro ang Marusing na Estudyante, Tuluyan kaya Siyang Mabaon sa Utang dahil Dito?

“Ma’am, pupwede ba akong makautang kahit bente pesos sa mga paninda rito? Wala na kasi akong pera rito, sakto na lang pangpamasahe ko pauwi mamaya,” tanong ni Nori sa gurong bantay sa kanilang kantin, isang tanghali matapos niyang kumain ng pananghalian.

“O, hindi ba’t kabibili mo lang ng pananghalian mo? Kulang pa ba ‘yon sa’yo? Halika, bibigyan na lang kita,” magiliw na sambit nito saka agad siyang hinila papasok sa kusina ng kantin.

“Ay, hindi po para sa akin, ma’am,” wika niya dahilan para mapabuntong-hininga ito.

“Huwag mong sabihing para na naman doon sa estudyanteng palagi mong inaayusan, ha?” sambit pa nito, agad naman siyang napatango dahil iyon naman talaga ang dahilan ng pangungutang niya, “Ma’am Nori, hindi mo naman kaano-ano ang batang ‘yon, ni hindi mo nga estudyante ‘yon, eh. Bakit nag-aabala ka pang ayusan at pakainin ang batang ‘yon?” pang-uusisa pa nito habang nakatitig sa kaniyang mga mata.

“Nakakaawa po kasi, eh. Ang mga batang kasabayan niya, kagaganda nang ayos habang siya, parang pang isang linggo na ang unipormeng suot at hindi nalalabhan,” tapat niyang tugon habang tinitignan ang batang naghihintay sa kaniya sa labas.

“Naku, kung palaging mananaig ang awa mo, mababaon ka sa utang dito sa kantin. May pamilya ka ring binubuhay, tandaan mo ‘yan,” paalala nito sa kaniya saka siya agad na binigyan ng isang styro ng pagkain. 

“Opo, salamat po, ma’am,” nakangiti niyang sagot saka agad nang nilapitan ang naturang bata.

Guro sa isang paaralan ng elementarya ang dalagang si Nori. Nasa puso na niya ang pagtuturo simula pa lamang noong bata siya. Sa katunayan, siya ang nagturo sa kaniyang mga kapatid na magbasa, magsulat, at magbilang na ngayo’y ang pangalawa niyang kapatid ay nasa kolehiyo na at kumukuha rin ng kurso sa pagiging guro. 

Advertisement

Para sa kaniya, ang pagbabahagi ng kaniyang kaalaman at makitang matuto ang bawat batang tinuturuan niya ay kaniyang tagumpay. Ito ang dahilan para kahit hindi naman kalakihan ang sinasahod niya sa pagiging guro na hindi sapat para sa malaking pamilyang mayroon sila, tuloy pa rin siya sa pagpapakalat ng kaniyang mga kaalaman.

Bukod sa siya ang panganay sa limang magkakapatid, siya rin lamang ang nagtatrabaho sa kanilang pamilya dahil may sakit ang kaniyang ina habang ang kaniyang ama naman ay sumakabilang buhay na. Nasa unang taon pa sa kolehiyo ang pangalawa niyang kapatid dahilan para ganoon na lang siya magdoble-kayod at tipid para mabigay ang pangangailangan ng mga ito.

Kaya naman, sa tuwing mangungutang siya sa kantin para sa batang nagpapalambot ng puso niya, palagi siyang pinapaalalahanan ng mga kapwa niya guro roon.

Hindi niya kasi matiis ang batang ito na kaawa-awa at tila hindi naaasikaso ng mga magulang. Pumapasok itong walang baon, walang laman ang tiyan, marumi at gusot-gusot ang uniporme at magulo ang buhok na talaga nga namang nagbigay habag sa kaniya.

At dahil nga kapos siya sa pera, ang pangungutang sa kantin ang tangi niyang paraan upang matugunan ang gutom na mayroon ito.

Nang araw na ‘yon, agad niyang pinakain sa kaniyang lamesa ang batang iyon. Kitang-kita niya ang gutom sa mabilisang kain nito. Wika pa nito sa kaniya, “Ma’am Nori, kapag talaga yumaman ako, ibibili rin kita ng pagkain sa kantin,” na labis niyang ikinatawa.

“Kaya mag-aral ka nang mabuti, ha?” bilin niya na agad naman nitong ipinangako. 

Lumipas ang mga taon, patuloy niya pa rin itong ginagawa. Inaayusan niya ito, pinapakain, at tinuturuan kasabay nang pagraket niya sa mga online job para mabayaran ang kaniyang utang sa kantin hanggang sa dumating na ang araw ng pagtatapos nito sa elementarya.

Advertisement

Magkahalong saya at lungkot ang kaniyang nadarama. Masaya siyang makapagtapos ang bata, ngunit nalulungkot siya sa posibilidad na siyang makalimutan na nito.

Taos puso itong nagpasalamat sa kaniya at siya’y mahigpit na niyakap. Halos matunaw pa ang puso niya nang isabit nito sa kaniya ang sandamakmak na medalya nito.

“Ikaw ang nagbigay sa akin lahat niyan, ma’am,” saka siya muling niyakap na labis niyang ikinaiyak.

Isang dekada ang lumipas bago siya muling nakumusta ng bata na ngayo’y dalaga na. May bitbit-bitbit itong mga pagkain at masayang ibinalita sa kaniyang nakapagtapos na ito ng pag-aaral at ngayo’y may naghihintay ng trabaho abroad na labis niyang ikinatuwa. 

“Ikaw lahat ang dahilan nito, ma’am. Kung hindi mo ako inaruga noon, siguro tuluyan na akong nawalan ng pag-asa sa buhay sa murang edad,” sambit nito saka sila nag-iyakang dalawa.

Simula noong araw na ‘yon, buwan-buwan na siyang may natatanggap na tulong mula sa dalaga na talagang nakatulong sa kaniyang buong pamilya.