
Tumawag Lamang ang Kaniyang Anak Upang Sabihan Siya ng “I love You”; Halos Sumikip ang Kaniyang Dibdib sa Narinig
Abala si Dionisio sa kaniyang mga gawain nang tumunog ang kaniyang selpon tanda ng may tumatawag sa kaniya. Agad niya iyong kinuha at nang makitang ang kaniyang anak na si Jhayvie ang tumatawag sa kaniya’y agad niya iyong sinagot.
“‘Pa,” anang boses ng kaniyang anak.
“Oh? Napatawag ka, anak? Hindi ba’t may trabaho ka ngayon?” tanong niya sa anak.
“Opo, gusto ko lang po na marinig ang boses niyo, ‘pa,” ani Jhayvie.
Napangiti si Dionisio sa sinabi ng anak. “Kumain ka na ba?”
“Opo, ‘pa,” sagot ni Jhayvie.
Nasa Maynila ang anak niyang si Jhayvie, dahil doon nakadestino ang trabaho nito. Habang siya naman ay nandito sa probinsya ng Cagayan De Oro. Sa isang taon ay dalawang beses lamang umuuwi si Jhayvie, at hindi naman ito nagtatagal at bumabalik din agad sa Maynila.
Siya na lang at si Jhayvie ang magkasama sa buhay, nasa kolehiyo pa lang kasi noon si Jhayvie ng mamayapa ang kaniyang asawa dahil sa sakit na c@ncer. Mula noon ay mag-isa niyang tinaguyod si Jhayvie. Noong nagkatrabaho ang anak matapos ang pag-aaral at kinailangang madestino sa malayo ay ayaw pa sana nitong iwanan siya sa pag-aalalang sino ang makakasama niya rito.
Ngunit ayaw naman niyang tanggihan ng anak ang magandang oportunidad nang dahil sa kaniya. Kaya mas pinili nilang mag-ama ang mapalayo sa isa’t-isa upang makapagtrabaho lamang ito. Tuwing sahod ay kusa siyang pinapadalhan ng anak ng kaniyang panggastos na madalas ay kaniyang tinatanggihan. Hindi naman siya magastos at tanging sarili lamang niya ang kaniyang pinapakain, kaya malabong mangyari na maubos kaagad ang padala nito.
“Namiss po kasi kita, ‘pa, kaya ako napatawag. Gustong-gusto ko na po talagang makauwi, kaso hindi pa pwede,” ani Jhayvie.
“Makakauwi ka rin, anak, nandito lang naman ako naghihintay sa’yo, basta huwag mo lang pababayaan ang sarili mo d’yan, wala ako d’yan para alagaan ka,” ani Dionisio sa anak.
“Kayo rin po, papa, mag-iingat kayo d’yan at huwag pababayaan ang sarili niyo ah. Nagrequest na rin ako sa kumpanya, ‘pa, na ilipat ako d’yan sa malapit para magkasama na tayo,” ani Jhayvie.
Natuwa naman si Dionisio sa ibinalita ng anak. Sana nga’y ma-aprubahan na sa pagkakataong ito. Pangatlong pakiusap na kasi iyon ng anak, ngunit palaging hindi naaaprubahan dahil kinakailangan pa siya sa Maynila, pero hindi naman sumusuko ang anak na paulit-ulit humiling na ilipat siya sa kung nasaan mas mapapalapit sila sa isa’t-isa.
“Maghanap ka na dapat ng mapapangasawa, anak, para naman may mag-aalaga na sa’yo,” ani Dionisio.
Umismid si Jhayvie at tumawa. “Naku! Papa, kaya ko naman pong alagaan ang sarili ko. Hindi ko kailangan ng asawa para lang alagaan ako. Kung maghahanap man ako ng mapapangasawa, iyon ay kung handa na ako. Sa ngayon ay hindi pa po talaga ako handa, kayo pa po ang iniisip ko. Kapag nand’yan na ako at malapit na tayo, baka doon ko na iisipin ang buhay pag-ibig ko,” ani Jhayvie.
Sasagot na sana si Dionisio nang biglang nagsalitang muli si Jhayvie.
“‘Pa, tatawag na lang po ulit ako mamaya, may aasikasuhin na muna ako,” ani Jhayvie.
“Hala! Sige na, anak, mag-iingat ikaw d’yan,” bilin ni Dionisio sa anak.
“Kayo rin, ‘pa,” ani Jhayvie. “Mag-iingat po kayo, ‘pa, I love you po. Mahal na mahal ko kayo, ‘pa, kaya dapat ingatan niyo sarili niyo. Sige na, ‘pa, ba-bye na po,” ani Jhayvie saka ibinaba ang tawag.
Sasagot pa sana si Dionisio ngunit nawala na sa linya si Jhayvie. Halos maiyak si Dionisio sa sinabi ng kaniyang anak. Paulit-ulit iyong nagpabalik-balik sa kaniyang pandinig. Simple lamang ang sinabi ni Jhayvie, ngunit sa halos bente syete na taon nitong nabubuhay sa mundo ay ito ang unang beses na sinabihan siya ng anak na mahal siya nito kaya kailangan niyang mag-ingat.
Ang mga anak, mas mabilis para sa kanilang magsabi ng “I love you” sa mga kaibigan, kasintahan, o ibang kakilala nila, pero hindi nila iyon kayang sabihin sa kanilang mga magulang. Para bang kay hirap bigkasin ang tatlong salitang iyon kapag ang nais mong sabihan no’n ay ang iyong mga magulang.
Mahirap mang bigkasin ay palagi naman nila iyong ipinaparamdam sa mga magulang na mahal nila ang mga ito. Ngunit bilang mga magulang, napakahalaga ng mga salitang “I love you” o mahal kita. Minsan lamang iyong nasasabi ng mga anak nila, kaya parang isang kayamanan para sa kanila ang salitang iyon lalo na kung nanggaling iyon sa bibig ng kanilang mga anak.
Paminsan-minsan, sabihan rin natin ang ating mga magulang ng “I love you” kahit na hindi iyon ang ating nakasanayan. Iyon ay para ipaalala sa kanila na mahalaga sila sa buhay natin at mahal na mahal natin sila.
Kaya kung ano man ang dahilan ni Jhayvie kung bakit niya nasambit ang mga salitang iyon ay wala nang pakialam si Mang Dionisio. Ang mahalaga ay ipinaalala sa kaniya ng anak na mahal siya nito, kahit na palagi naman niya iyong nakikita at nararamdaman sa bawat galaw ng anak. Alam ng Diyos kung gaano niya rin ito kamahal.

Ikinainis ng mga Anak ang Pakikipag-Video Call ng Ina sa May Edad na Lalaki Kaya Sinabihan Nila Itong Malandi; Laking Pagsisisi Nila Nang Makilala Ito
