Inday TrendingInday Trending
Nakilala ng Binata ang Dalaga nang Muntik na Nitong Tapusin ang Sariling Buhay; Mariin Niyang Naikuyom ang Kamao nang Marinig ang Dahilan Nito

Nakilala ng Binata ang Dalaga nang Muntik na Nitong Tapusin ang Sariling Buhay; Mariin Niyang Naikuyom ang Kamao nang Marinig ang Dahilan Nito

Naglalakad si Dave pauwi nang mapansin niya ang isang babae na nakadungaw sa may tulay. Kung iisipin ay normal lamang itong nakadungaw sa may tulay na animo’y pinagmamasdan ang kagandahan ng ilog sa ibaba. Dederetso na sana siya at lalampasan ito nang marinig niya ang mahinang paghikbi ng babae.

Kung sa malayo titingnan ay hindi mo mapapansing umiiyak ang babae, ngunit ngayong nasa tapat niya na ito’y naririnig niya ang mahinang pag-iyak ng dalaga. Bigla siyang nabahala nang kumilos ito at akmang aakyat sa may hawakang bakal ng tulay.

Bigla siyang naalarma at natakot sa anumang pwedeng gawin ng dalaga, kaya ngali-ngali niya itong binalikan at hinawakan sa braso.

“Miss, ano’ng gagawin mo?” nahihintakutan niyang tanong.

Lumingon ang dalaga sa kaniya at napagtanto niyang kanina pa ito umiiyak, tanda ng pamumugto ng mga mata. Namumula na iyon at halos ‘di na maidilat ng dalaga sa sobrang pamamaga.

“Miss, bumaba ka r’yan!” sindak niya. “Kung ano man ang problema mo, hindi sagot ang pagpapatiw@kal!”

Imbes na bumaba ay lalong tumangis ang babae. Kung kaniyang tatantiyahin ay nasa edad labing siyam na taon o bente pa lang ang babae. Masyado pa itong bata para isiping tapusin ang buhay.

“Pabayaan mo niyo na ako, kuya,” umiiyak na sambit ng dalaga. “Ayoko na sa buhay ko. Gusto ko na lang na maglahong parang bula sa mundo, ayoko na!” anito saka muling humagulhol ng iyak.

“Bumaba ka rito, pag-usapan natin ang bagay na iyan. Kailanman ay hindi sagot ang pagtapos sa buhay para mawala ang problema. Pakiusap, hindi sa ganitong paraan!” nakikiusap niyang wika.

Sa pangungumbinsi niya ay kusang nagpahila sa kaniya ang dalaga at bumaba ito. Hindi pa rin ito tumitigil sa pag-iyak habang kinikwento sa kaniya ang dahilan kung bakit mas gusto na nitong tapusin ang buhay.

Nalaman niyang pinagsasamantalahan pala ito ng amahin. Sa pangatlong beses na nangyari ang pambababoy nito ay nagsumbong ang dalaga sa sariling ina. Ngunit imbes na ipagtanggol siya at kampihan ay sinisi pa siya nito at sinabihang malandi at pokp*k kaya nagawa iyon ng kaniyang amahin. Ang dalaga pa ang nasisi sa kam*nyakan ng asawa nitong dem*nyo!

Mariing naikuyom ni Dave ang kaniyang kamao sa nalaman. Tama ang kaniyang hinala na labing siyam na taong gulang lamang ang dalaga. Ang pangalan nito ay Gelline, at matagal nang namayapa ang ama nito kaya muling nag-asawa ang ina at ang ipinalit ay isang dem*nyo!

“Ayoko nang umuwi sa bahay namin, kuya. Mas pipiliin ko na lang na mawala kaysa makasama ang dem*nyo kong stepfather!” ani Gelline.

“Hindi ka uuwi, Gelline, hindi kita ibabalik sa bahay niyo. Pangako, tutulungan kitang maipakulong ang mapagsamantala mong amahin,” nanlilisik ang mga mata ni Dave, sa galit sa lalaking hindi pa man niya nakikilala ay kinasusuklaman na niya.

“Salamat, kuya, salamat po,” anito saka muling tumangis.

Iniuwi niya muna si Gelline sa bahay nila at ipinakilala sa kaniyang pamilya. Nagulat pa nga ang kaniyang magulang at inakalang nobya niya ang dalaga. Nang maikwento niya sa mga ito ang nangyari kay Gelline, kagaya niya’y naawa ang mga ito sa babae at nangakong tutulong sa kahit ano pa mang paraan.

Makalipas ang dalawang linggo’y nagkaharap-harap na silang lahat sa husgado. Ang kaniyang buong pamilya sa panig ni Gelline at ang ina naman nito ay nasa panig ng kaniyang amahin.

Nang tinanong ng abogado kung bakit kumakampi ang kaniyang ina sa asawa nitong nanamantala sa anak nito’y ang sinagot ng ina ni Gelline ay dahil hindi ito naniniwala sa anak dahil likas na sinungaling daw ito at sinisiraan lamang ang kaniyang asawa upang makipaghiwalay siya rito.

Nanggigil ang panig ni Dave sa sinagot ng ina. Sabi pa nga ng kaniyang ina ay napakawalang kwenta ng ina ni Gelline, dahil mukha itong takot mawalan ng kinakasama kaya mas kinakampihan nito ang lalaki.

Naging mahirap ang kaso dahil naghahanap ng matibay na ebidensya ang husgado kung sino ba ang nagsasabi ng totoo at kung sino ang nagsisinungaling. Sino ba ang totong biktima at kung sino ang totoong may kasalanan.

Pero nang ilabas ni Gelline ang lahat na hawak niyang ebidensya ay wala nang malusutan ang kaniyang amahin. Inilabas ni Gelline ang naging usapan nila at ang bidyo na minsang pinasok siya nito sa silid at sinamantala nang walang kalaban-laban. Doon napatunayan na si Gelline ng ang tunay na biktima at totoo ngang kr*m*nal ang kaniyang stepfather! Nakulong ang kaniyang amahin at humingi ng tawad sa kaniya ang kaniyang ina.

“Hindi ko alam, ‘ma, kung paaano ka patatawarin,” humihikbing sambit ni Gelline. “Anak mo ako, pero mas pinaniwalaan mo ang ibang tao kaysa sa’kin. Sa’yo ako nanggaling, pero mas sinisi mo pa ako sa nangyari gayong ako naman talaga ang tunay na biktima.”

“Patawarin mo ako, anak, hindi ko lang lubos maisip na kaya iyong gawin ni Hernan. Ang buong akala ko’y matino siyang tao. Patawarin mo ako,” umiiyak at nakaluhod na wika ng ina ni Gelline.

“Kahit na! Dapat mas pinaniwalaan mo ako, kasi anak mo ako. Mas kilala mo ako kasi nanggaling ako sa’yo. Alam mo kung ano ang mas masakit, ‘ma? Iyong mas naniwala sa’kin ang ibang tao kaysa ang sariling nanay ko!” ani Gelline, puno ng panunumbat ang boses. “Hindi ko kayang kapain sa puso ko ang kapatawaran at hindi ko alam kung kailan kita mapapatawad. Pero sa ngayon, hindi kita kayang makita, nasusuklam ako sa’yo, galit ako sa’yo! Kung pwede lang sanang magpalit ng ina, pinalitan na kita!” matigas na wika ni Gelline, saka tinalikuran ang ina.

Nauunawaan ni Dave kung bakit ganoon na lamang ang galit ni Gelline sa ina. Kahit sino naman siguro’y ganoon ang mararamdaman. Mismong ang nanay mo ang nagtakwil at hindi naniwala sa’yo. Iyon ang pinakamasakit sa lahat. Dahil sa kahit anong sakit na mangyayari sa buhay mo, wala kang ibang inaasahang maniniwala sa’yo kung ‘di ang pamilya mo, lalong-lalo na ang iyong ina, dahil sa kaniya ka nanggaling. Pero iba ang ina ni Gelline, kaya walang kahit sino ang makakasisi sa dalaga kung bakit galit na galit ito sa sariling ina.

Natapos ang problema ni Gelline at mukhang nagtapos na rin ang relasyon nito at ng sariling ina. Kinausap ito ng buong pamilya ni Dave na huwag nang umalis sa kanilang poder at doon na lang manatili, kaysa umalis pa ito at baka mapahamak. Mas ligtas ang dalaga sa poder nila, at napamahal na rin ito sa pamilya ni Dave na parang tunay nila itong kapamilya.

Laking pasasalamat ni Gelline kay Dave dahil bukod sa iniligtas nito ang buhay niya, tinulungan pa siya ng lalaking resolbahin ang malaki niyang problema at binigyan pa siya ng lalaki ng mapagmahal at maunawaing pamilya. Ngayon ay lalaban siya sa buhay at magsisikap upang kahit papaano’y makabawi sa pamilyang kumupkop, naniwala, at nagmahal sa kaniya.

Advertisement