Uminit ang Ulo ng Lalaki sa Matandang Taxi Driver; Nadurog ang Puso Niya Nang Malaman ang Kalagayan Nito

Nagmamadali nang araw na iyon si Lucas dahil malapit na siyang ma-late sa pagpasok niya sa opisina. Hindi siya nagising nang maaga kaya natataranta na siya kung paano mapapabilis ang minamanehong kotse.

“Sh*t, hindi na yata ako aabot,” inis na wika ni Lucas sa sarili.

Nang silipin niya ang suot na wristwatch ay mag-a-alas otso na nang umaga. Ilang minuto na lang at late na siya. Lalong nag-init ang ulo niya sa daloy ng trapiko na mas nagpabagal pa sa pagpunta niya sa paroroonan.

“Hoy, magsi-usad naman kayo!” sigaw niya habang panay ang busina niya sa sasakyan.

Nainis na rin ang jeepney driver na nasa harap niya sa kakabusina niya kaya sinigawan siya nito.

“Hoy, ang ingay mo! Hindi lang ikaw ang naiipit sa traffic!” singhal nito sa kaniya.

Nag-init ang bumbunan ni Lucas at sinigawan din ang driver.

“Wala kang pakialam! Kung gusto mo mag-ingay ka rin, g*go!” bulyaw niya.

Advertisement

Mabuti na lamang at hindi na narinig ng jeepney driver ang sinabi niya kundi ay baka gulo lang ang mangyari ngunit talagang masama na ang timpla niya dahil hindi siya makausad.

Pilit niyang hinahabol ang oras ngunit wala na ring nangyari at late na rin siya sa opisina.

“Anak ng tinapa talaga, dami ko pang gagawin sa opisina, eh!” gigil na bulong niya sa isip.

Maya-maya ay biglang nabundol ng isang taxi driver ang kaniyang kotse. Habang binabaybay niya ang kahabaan ng EDSA ay bumusina ang taxi at bumangga na ito sa sasakyan niya.

Nag-init na naman ang ulo ni Lucas kaya bumaba na siya sa kotse at kinompronta ang taxi driver.

“Put*ng in*! Sisirain pa nito ang kotse ko? Ano ka ba? Hindi mo ba tinitingnan ang dinadaanan mo? Nakita mo na ako, pero ano’ng ginawa mo, diniretso mo pa rin. Lumabas ka rito at harapin mo ako!” sigaw niya sa taxi driver na nakabundol sa kaniya.

Bigla namang bumaba ang isang matandang lalaki na sa tantiya niya ay nasa sisenta anyos na. Napansin niyang medyo hirap na itong maglakad habang papalapit sa kaniya.

“Sorry, sorry, hijo. Pasensiya ka na. Hindi ko sinasadya. Kung maaari ay ayusin na lamang natin ito. Pakiusap! Huwag ka nang tumawag pa ng pulis, nakikiusap ako sa iyo!” pagsusumamo ng matanda.

Advertisement

Pagsasalitaan sana niya ito ngunit habang nagsasalita ang taxi driver ay nakita niya ang panginginig ng katawan nito, pamumutla at hinihingal hanggang sa bigla na lamang itong natumba at nawalan ng malay.

“Tatang, tatang, gumising ka!” nag-aalalang sambit ni Lucas.

Humingi siya ng tulong sa isang traffic enforcer para dalhin sa ospital ang matandang driver. Nagulat siya nang sabihin ng doktor na tumingin sa matanda na ito pala ay may iniindang sakit. Sinabi pa ng doktor na ang pasyente ay naninilaw ang mga mata at namamanas ang katawan na tanda na mayroon itong seryosong karamdaman.

Habang ipinapaliwanag sa kaniya ng doktor ang tungkol sa sakit ng matanda ay hindi niya napigilang maluha sa totoong kalagayan nito.

“Marahil ang pamamanas ng kaniyang mga paa ang dahilan kung bakit niya nabangga ang iyong kotse. Hindi siguro siya nakapag-preno kaya nabundol niya ang sasakyan mo,” wika pa ng doktor.

Nang magising ang matanda ay agad niya itong kinausap.

“Kumusta po kayo? Ayos lang ba ang pakiramdam niyo?” tanong niya.

“Medyo maayos na ang pakiramdam ko, hijo. A-ano ba ang nangyari?” sagot ng matanda na halatang nahihirapan pa ring magsalita.

Advertisement

“Nawalan po kayo ng malay kanina kaya nagpatulong akong dalhin kayo rito sa ospital.”

“Naaalala ko na. Pasensiya ka na ulit, hijo. Hindi ko sinasadya ang nangyari kanina. Pakiusap, huwag mo na sana akong ireklamo o sampahan pa ng kaso.”

“Huwag na kayong mag-alala. Hindi po ako magsusumbong sa pulis. Magpahinga na muna kayo para mabawi niyo ang inyong lakas.”

“Hindi puwede, hijo. Dapat ay makalabas agad ako rito. Kailangan kong magtrabaho para sa pamilya ko. Nag-aaral pa ang dalawa kong anak. Hindi ako maaaring huminto sa pamamasada ng taxi,” tugon ng matanda.

Muling nadurog ang puso ni Lucas sa sinabi ng matandang driver dahil imbes na magpahinga at magpagaling ay gusto pa rin nitong maghanapbuhay. Dahil naantig siya sa pinagdaraanan nito ay gusto niyang itong tulungan.

“Hindi niyo na po kailangang gawin ‘yon dahil ako na ang bahala sa lahat. Ako na po ang nagbayad sa mga nagastos dito sa ospital, tatang. Tutulungan ko kayong maipagamot ang inyong karamdaman. Sinabi na po sa akin ng doktor na mayroon kayong sakit. May kilala po akong ahensiya na tumutulong at nagpapagamot sa mga kagaya niyong may malubhang sakit. Huwag niyo rin pong alalahanin ang inyong pamilya dahil bibigyan ko po sila ng puhunan para makapagtayo ng maliit na negosyo para hindi niyo na kailangang mamasada ng taxi para kumita ng pera,” wika ni Lucas.

Naiyak sa tuwa ang matanda na nagpakilalang si Mang Josefino. Hindi nito inakala na may mabuting pusong kagaya ni Lucas na tutulong sa kaniya.

“Maraming salamat, hijo. Nahihiya ako sa iyo, ako na nga ang nakaperhuwisyo ay ako pa ang tutulungan mo.”

Advertisement

“Maikli lang po kasi ang buhay, kaya naisip kong gumawa na lamang ng kabutihan sa aking kapwa kaya magpagaling ka, tatang at patuloy na lumaban sa buhay. Ipangako niyo ‘yan sa akin,” hiling ng lalaki sa kausap.

“Pangako, hijo. Hindi ko sasayangin ang pagkakataong ibinigay mo sa akin. Muli ay maraming salamat sa patulong sa akin at sa aking pamilya,” tugon nito.

Ang nangyari kina Lucas at Mang Josefino ay isang halimbawa ng isang suliranin sa kalsada na hindi nagtapos sa disgrasya o pisikalang away, sa halip ay pag-unawa at pagtulong ang siyang nangibabaw.