Inabandona ng Mister ang Asawang Pipi at Kanilang Anak; Ikinadurog ng Puso ng Misis na Pati Anak Niya ay Iiwan Din Siya

Isang sugarol at ambisyosong lalaki si Lexor. Kung saan-saan siya napapadpad para rumaket at kapag nagkakaroon ng pera ay inuubos niya sa pagsusugal. Naniniwala kasi siya sa suwerte kaya hindi siya tumitigil hangga’t hindi siya nananalo. Minsan ay nakilala niya si Mauricio na naging matalik niyang kaibigan sa sugalan. Isa itong mayamang haciendero at kadalasang ito pa ang nagpapautang sa kaniya ng pera kapag nauubusan sa tuwing natatalo.

“Napakasuwerte ko at nakilala kita, Mauricio. Napakagalante mong talaga,” wika ni Lexor sa matandang lalaki.

“Kilala mo ako, Lexor. Galante ako at mapagbigay sa mga nagiging kaibigan ko. Sinusuwerte rin naman ako kapag ikaw ang kasama ko sa pagsusugal kaya ibinabalik ko lang sa iyo ang suwerte ko,” sagot nito.

Ngunit bukod sa pagiging magkaibigan ay magiging biyenan din pala niya ang matandang haciendero nang ligawan niya at pakasalan ang nag-iisang anak ni Mauricio na si Rowena. Maganda at mabait ang anak ng haciendero ngunit ito ay isang pipi.

“Pakamamahalin mo lamang ang aking unica hija ay wala kang magiging problema sa akin, Lexor,” sabi ni Mauricio sa manugang.

“Makakaasa ka na si Rowena lang ang aking mamahalin,” tugon niya.

Sa ‘di inaasahang pagkakataon ay biglang nagkasakit ng malubha si Mauricio at pumanaw. Naiwan na mag-isa si Rowena ngunit nawala man ang ama ay ipinamana naman sa babae ang lahat ng yaman at ari-arian ng matanda. Para namang nanalo sa lotto si Lexor dahil sa mga minana ng kaniyang asawa. Dahil wala namang hilig sa pamamahala ng mga lupain at negosyo si Rowena ay siya ang binigyan nito ng awtoridad para mamahala sa mga ipinamanang ari-arian ni Mauricio.

“S-sigurado ka? S-sa akin mo ipinamamahala ang lahat na naiwan sa iyo ng papa mo?” gulat na tanong ng lalaki.

Advertisement

Sumenyas ang asawa gamit ang sign language. Sinabi nito na ibinibigay nito kay Lexor ang lahat ng karapatan sa pamamahala sa mga iniwan ng yumaong ama. Malaki ang tiwala ng babae sa mister dahil naging matalik na kaibigan nito ang ama noong nabubuhay pa ito.

Dahil ibinigay kay Lexor ang kapangyarihan ay gagamitin niya ang pera ng asawa sa kaniyang bisyo.

“Marami na akong pera. Tiyak na malaki na ang tiyansa kong manalo. Mas yayaman pa ako nito,” sabi niya sa isip.

‘Di nagtagal ay nagkaroon sila ng anak ni Rowena. Kahit pa may anak na ang mag-asawa ay hindi pa rin tumigil sa pagsusugal si Lexor. Hindi naman nananalo ang lalaki sa sugal at palaging minamalas imbes na suwertehin. Nang maubos ang pera ni Rowena sa bisyo niya ay palihim niyang ibinenta ang mga ari-arian at lupaing minana ng kaniyang asawa. Walang kaalam-alam si Rowena na unti-unting inubos ni Lexor ang ipinamana ng ama.

Ngunit walang lihim na hindi nabubunyag. Kalauna’y nalaman ni Rowena na wala na silang pera sa bangko at nawawala ang mga importanteng papeles at dokumento ng kanilang mga ari-arian at negosyo kaya kinompronta ng babae ang mister. Galit na galit si Rowena sa ginawa ni Lexor.

“Ano’ng ginawa mo sa pera at mga ari-arian ni papa? Inubos mo sa pagsusugal mo? Hayop ka, Lexor, ginamit mo lang ang mga ipinamana sa akin ni papa para sa bisyo mo. Paano na ang kinabukasan ng anak natin?” sabi ni Rowena gamit ang sign language.

“Wala kang pakialam! Binigyan mo ako ng karapatan sa lahat ng ‘yon kaya huwag mo akong sisihin!” pasigaw na sagot ni Lexor.

Walang nagawa si Rowena kundi ang umiyak. Lahat kasi ng pinaghirapan ng kaniyang ama ay nawala na parang bula. Ngunit kahit masamang-masama ang loob sa asawa ay mas nangibabaw pa rin sa kaniya ang pagmamahal sa lalaki kaya pinatawad niya ito.

Advertisement

Mula noon ay naghirap ang kanilang pamilya. Naisip ni Lexor na magtrabaho sa ibang bansa para kahit paano ay kumita ng malaking pera kaya iniwan niya ang kaniyang mag-ina. Nangako naman ang lalaki na babalikan ang mga ito. Magpapadala rin ito ng pera para kay Rowena at sa anak nilang si Roselyn. Bago umalis ay may iniabot na sulat si Rowena sa asawa.

“Mahal na mahal kita, Lexor. Alam kong babalikan mo kami ni Roselyn. Mag-iingat ka sa iyong pupuntahan. Huwag mo kaming kakalimutan,” sabi ni Rowena sa sulat.

“Hindi mo na kailangang sabihin’ yan. Huwag kayong mag-alala at babalik din ako,” sagot ng lalaki.

Natuloy ang pag-alis ni Lexor at naiwan kay Rowena ang responsibilidad na alagaan at palakihin nang maayos ang kanilang anak.

Noong una ay nagpapadala pa ito ng pera ngunit habang tumatagal ay madalang na hanggang sa wala na silang natatanggap mula rito. Hindi na rin ito nagpaparamdam sa kanila. Hindi ito tumatawag, nagte-text o nagcha-chat man lang. Kahit sulat ay wala itong ipinadadala. Sinubukan niya itong tawagan ngunit palaging out of coverage area ang naririnig niyang sagot. Sa isip ni Rowena ay tuluyan na silang kinalimutan ng asawa. Kahit napakasakit para sa kaniya ang ginawa nito ay mag-isa niyang pinalaki at inaruga ang kanilang anak. Kahit siya ay isang pipi ay nagawa niyang maghanapbuhay para buhayin at pag-aralin si Roselyn. Habang nagkaka-isip naman ang bata ay nakikita nito ang lahat ng sakripisyo at paghihirap niya.

“Kapag nagkaroon na ako ng trabaho ay tutulungan kita, mama,” sambit ng anak kay Rowena.

“Salamat, anak, pero ang isipin mo muna ay ang pag-aaral nang mabuti. Hayaan mo na ako ang magtrabaho dahil ako ang nanay mo,” tugon ng babae gamit ang sign language.

Lumipas pa ang mga taon at dalagita na si Roselyn. Patuloy pa rin na nagtatrabaho si Rowena bilang tindera sa palengke. Tinutulungan siya ng anak sa pag-abot ng mga pinamili at bayad ng mga kustomer. Isang araw ay may ‘di inaasahang bisita ang nagbalik at ito ay walang iba kundi si Lexor. Halatang asensado na ito dahil sa suot nitong mamahaling mga damit ngunit isang masakit na katotohanan pala ang hatid nito kay Rowena.

Advertisement

“Sorry, Rowena, pero narito ako para legal nang makipaghiwalay sa iyo. May kinakasama na akong babae sa Canada. Isa siyang matanda at mayamang Canadian na naghanap ng mapapangasawa. Hindi kami kasal dahil ang gusto lamang niya ay ang magkaroon ng makakasama sa buhay bago siya pumanaw. Hindi naman ako nagsisisi dahil mapera siya at ibinibigay niya ang lahat ng magustuhan ko. Nagbalik din ako para kunin na muna ang ating anak. Naisip kong wala siyang magandang kinabukasan sa iyo kaya isasama ko na muna siya sa Canada para roon siya mag-aral,” bunyag ni Lexor.

“Walang hiya ka talaga, matapos mo kaming iwan ng ilang taon ngayon ay babalik ka’t makikipaghiwalay sa akin at balak mo pang ilayo sa akin ang anak ko? Hindi ako makakapayag, Lexor!” sagot ni Rowena habang sumesenyas ang mga kamay.

“Ayoko pong iwan si mama. Wala po siyang kasama rito,” tugon naman ni Roselyn.

“Mas magandang buhay ang naghihintay sa iyo sa Canada, anak. Sumama ka na sa akin,” pangungulit ng lalaki.

Ngunit hindi pa rin pumayag si Rowena. Sinabi nitong hinding-hindi niya makukuha ang anak nila. Ipinamukha pa nito sa lalaki na pagkatapos silang abandonahing mag-ina ay saka ito babalik at manggugulo. Naging matigas si Lexor at ipinilit pa rin ang gustong mangyari.

“Kung ayaw mong ibigay sa akin si Roselyn ay wala akong magagawa kundi dalhin ito sa korte. Papatunayan kong wala kang kakayahang bigyan nang maayos na buhay ang anak ko. Sisiguruhin kong ako ang mananalo!” pagbabanta ni Lexor.

Dininig sa korte ang reklamo ng lalaki sa asawa. Pinapili si Roselyn kung sino sa kaniyang ama at ina ang sasamahan niya. Kumpiyansa si Rowena na siya ang pipiliin ng anak ngunit laking gulat niya nang piliin nitong sumama sa ama sa Canada. Durog na durog ang puso ni Rowena dahil ang akala niya ay siya ang pipiliin ni Roselyn pagkatapos ng lahat ng sakripisyo at hirap niya rito.

“Patawarin mo ako, mama. Huwag po kayong mag-alala, hindi kita papabayaan. Babalik po ako,” umiiyak na sambit ni Roselyn.

Advertisement

Walang nagawa si Rowena nang tuluyang inilayo ni Lexor ang kanilang anak. Mas lalo siyang nalugmok at nawalan ng pag-asang mabuhay. Palagi siyang umiiyak at halos hindi na kumakain, ngunit hindi niya inasahan ang sumunod na nangyari. Pagkalipas ng ilang linggong pag-alis ni Roselyn ay bigla na lamang itong nagpadala sa kaniya ng malaking halaga ng pera sa ATM. Nagpadala rin ito ng mensahe sa kaniya sa chat. Napa-iyak siya sa sinabi nito.

“Kumusta ka na, mama? Natanggap mo ba ang ipinadala kong pera? Buwan-buwan ay magpapadala po ako ng pera para hindi ka na kailangang magtrabaho. Binibigyan po ako ni papa ng allowance para sa aking pag-aaral ngunit sobra-sobra po ito kaya naisip kong ipadala sa iyo para mayroon po kayong panggastos sa inyong mga pangangailangan. Kaunting tiis lang, mama, kapag nakapagtapos ako ng pag-aaral ay babalikan kita at magsasama na tayong muli,” sabi ng anak.

Nabuhayan si Rowena at lumakas ang kaniyang loob. Panghahawakan niya ang pangako ng anak na babalik ito at magsasama ulit sila, kaya inayos niya ang sarili at matiyagang naghintay sa pagbabalik nito.

Mabilis na dumaan ang mga taon at nakapagtapos na sa kolehiyo si Roselyn at may maganda ng trabaho sa Canada. Sumakabilang buhay na rin ang matandang Canadian na kinakasama ng kaniyang ama. Si Lexor naman ay nagkaroon ng malalang karamdaman at may taning na ang buhay. Ilang araw lang at sumakabilang buhay na rin ito. Labis na pinahirapan si Lexor ng malubha nitong sakit sa atay. Iyon na siguro ang karma niya sa lahat ng ginawang kasalanan kay Rowena. Pinagbayaran na nito ang panloloko at hirap na ipinaranas nito sa dating asawa.

Tinupad ni Roselyn ang pangako sa ina. Binalikan niya ito at muli silang nagsama.

“Sabi ko sa iyo, mama at babalik ako, eh. Ngayon ay hindi na tayo maghihiwalay pa,” sabi ni Roselyn nang makita ang ina.

“Miss na miss kita, anak. Salamat at nagkita na ulit tayo. Hinding-hindi na talaga tayo magkakalayo, ipinapangako ko sa iyo,” tugon ni Rowena gamit ang sign language sabay yakap nang mahigpit sa anak at halik sa pisngi.

Sa wakas ay kapiling na ni Rowena ang pinakamamahal na anak. Ipinagtapat na rin ni Roselyn sa ina ang nangyari sa ama na ikinalungkot nito. Minahal din naman ni Rowena si Lexor kaya laking panghihinayang nito na hindi na sila nagkaayos na mag-asawa. Isinama ni Roselyn ang ina sa Canada at doon na sila masayang nanirahan. Binigyan niya ng magandang buhay ang ina na kapalit sa lahat ng ginawa nitong sakripisyo sa kaniya noon.