Kusang Lumayo ang Dalaga sa Kaniyang Pamilya at ‘Di na Nagpakita Dahil sa Kasalanang Nagawa; Napaluha Siya nang Makita ang mga Magulang Niya Isang Araw

“Oh Mariel, nandito na naman si Mr. Chua. Naka-book ka na naman sa kaniya sa buong gabi. Aasahan kong gagalingan mo ulit ha?” tumango na lang si Mariel sa kaniyang boss.

Isang buong gabi niya na namang titiisin ang matandang intsik na regular customer niya. Isang mayamang negosyante si Mr. Chua na naging regular sa kanilang club dahil sa kaniya. Malakas kasi ang tama ng matandang intsik sa dalaga.

Isang bayarang babae na nagtratrabaho sa isang mamahaling club sa Maynila. Isa siya sa mga pinakamahal na babaeng pwedeng rentahan sa naturang club. Bata pa kasi siya at elite ang kaniyang ganda kung tawagin.

Natapos ang gabi at nabigyan naman ni Mariel ng maayos na serbisyo si Mr. Chua gaya ng inaasahan. Sobrang natuwa pa nga ang matanda at nakapag-uwi pa siya ng malaking bonus.

Labis naman iyong ipinagpasalamat ng babae dahil matindi rin sa ngayon ang kaniyang pangangailangan dahil sa nagkasakit ang kaniyang anak at kinakailangang dalhin sa ospital. Mabuti na lamang at may kaibigan pa siyang nagpautang sa kaniya kaya naman nadala niya ang bata sa ospital sa lalong madaling panahon.

Bago siya umuwi ay dumaan na muna siya sa tindahan ni Aling Diane at bumili ng agahan nila ng kaniyang anak, pati na rin sa kaibigang pinaki-usapang bantayan na muna ang bata.

“Oy bes, maraming salamat sa pagbabantay sa anak ko, ha? Ito na pala yung utang ko sa’yo nung isang araw. Mabuti na lamang at nagbigay ng malaking bonus ngayon si Mr. Chua,” saad ng dalaga sa kaibigan.

Galing probinsya si Mariel at nagpunta sa Maynila para mag-aral, ngunit sa kasamaang palad ay napasama siya sa mga maling barkada at hindi sinasadyang nabuntis. Labis siyang nahihiya sa kaniyang sinapit at wala nang mukhang maihaharap sa kaniyang pamilya kaya naman pinutol niya ang komunikasyong mayroon sa kaniyang pamilya at pilit na binubuhay ang kaniyang anak.

Advertisement

Wala siyang malapitan noon at wala ring tumatanggap sa kaniya dahil nga buntis siya. Napalayas din siya sa dorm na kaniyang tinutuluyan dahil sa ilang buwan na rin siyang hindi nakakabayad.

Doon siya nakita at tinulungan ni Nadya, ang babaeng naging matalik niyang kaibigan. Nakita siya nito sa kalsada at malapit nang bumagsak ano mang oras. Dinala siya nito sa kaniyang bahay at pinatira doon pansamantala.

Isang mamahaling bayarang babae si Nadya sa club na kaniyang pinagtratrabahuan. Ito ang nagpasok sa kaniya sa trabaho pagkatapos niyang manganak. Malaki rin kasi ang kita roon kaya kahit nag-alinlangan man ay pinatos na iyon ni Mariel.

“Sandali lang,” sagot ng dalaga nang makarinig ng katok mula sa pinto.

Dali-dali siyang pumunta sa may pintuan para pagbuksan ang kumakatok. Nabigla at napaatras ang dalaga sa gulat nang makita kung sino ang kaniyang mga bisita.

“Ma…Pa…” hindi makapaniwalang saad ng dalaga.

“Anak ko! Ang tagal ka naming hinanap! Ang akala namin ay kung napano ka na,” mangiyakngiyak na saad ng kaniyang ina habang mahigpit na nakayakap sa kaniya.

Hindi naman makapagsalita ang dalaga sa labis na hiyang nararamdaman. Isa siyang malaking kahihiyan sa kaniyang pamilya kaya naman wala na siyang karapatang maging bahagi pa nito, ‘yon ang dahilan kaya kusa na siyang nagpakalayo-layo at iniwasan ang kaniyang pamilya. Pero heto ngayon ang kaniyang mga magulang at hinanap pa siya. Hindi niya napigilan ang umiyak at mapayakap sa kanila nang mahigpit habang paulit-ulit na humihingi ng tawad sa lahat ng kaniyang pagkakamaling nagawa.

Advertisement

“Hindi ko alam kung bakit naisip mo na ikahihiya ka namin, anak. Maaaring magagalit kami, normal lang iyon dahil nagkamali ka. Pero pasasaan pa’t mapapatawad ka rin namin, anak ka namin at mahal na mahal ka namin. Tatanggapin ka namin maging sino ka man o kung ano mang magkakamali ang nagawa mo, dahil mga magulang mo kami,” malugod na pahayag ng kaniyang ama na labis na nagpaluha ulit sa dalaga.

Nalaman pala ng kaniyang mga magulang ang lahat ng nangyari sa kaniya dahil kay Nadya. Ito ang naghanap rin sa kaniyang mga magulang upang ipahatid ang kaniyang kalagayan. Ito rin ang nagpaliwanag ng lahat sa kanila kaya naman sobrang laki ng kaniyang pasasalamat sa matalik na kaibigan.

Bago tuluyang umalis at sumama pabalik sa kanilang probinsya si Mariel at ang kaniyang anak para makapagsimulang muli at nagpasalamat muna siya kay Nadya. Ito ang kaniyang naging sandalan at nagsilbing liwanag sa mga oras na sobrang dilim ng kaniyang mundo, buong buhay niyang tatanawing utang na loob ang ginawa nito para sa kaniya.

May mga oras sa ating buhay na nakakagawa tayo ng mga pagkakamaling sa tingin natin ay maghahatid sa’tin sa katapusan ng kung ano man ang mayroon tayo, pero sana, imbis na iwasan o takbuhan ito ay magawa nating harapin ang magiging bunga ng kasalanang ating nagawa.

Dahil sa huli, tayo at tayo pa rin ang maghihirap dahil sa kasalanang ating nagawa. Matuto sana tayong humingi ng tawad kung tayo man ay nagkamali at matutong subukang itama ang ating mga pagkakamali imbis na dagdagan at takasan pa ito.