Akala ng Babae ay Nagtagumpay na Siyang Maangkin ang Yaman ng Lalaking Biyudo; Napatakbo Siya sa Takot Nang May Makita sa Bahay Nito
Nakilala ni Diana si Rafael sa pinapasukang travel agency. Limang buwan na silang magkasintahan at wala nang balak na pakawalan pa ng babae ang lalaki dahil bukod sa napakaguwapo ay ubod pa ng yaman ang nobyo. Ginamit niya ang kaniyang ganda para akitin si Rafael.
Si Rafael ang nagmamay-ari ng travel agency at iba pang negosyo. Biyudo na ito at may isang anak na lalaki. Pumanaw ang asawa nito dalawang taon na ang nakakaraan dahil sa sakit sa puso.Ikinatuwa pa nga iyon ni Diana, mabuti at natsugi na ang misis ng lalaki dahil ayaw niyang maging kabit.
“Honey, excited na akong makilala si Charlie. Natitiyak kong kasing guwapo mo rin siya dahil mana sa iyo,” wika niya sa nobyo.
“Are you sure? Baka mahirapan ka, makulit ang anak kong iyon,” sabi ni Rafael.
Nagprisinta kasi siya na ang magbabantay at mag-aalaga sa anak nitong si Charlie na walong taong gulang. May pupuntahang business trip si Rafael sa Hong Kong at dalawang linggo itong mawawala. Labag iyon sa loob niya pero kailangan niyang gawin para magpasikat dito. Kapag nakita ng lalaki na magkasundo sila ng anak nito ay baka pakasalan na siya nito. Jackpot siya pag nangyari iyon, siya na ang reyna sa mansyon ng nobyo.
“Ano ka ba, honey ayos lang sa akin ‘yon! Alam mo naman, mahilig ako sa mga bata at siguradong madali kaming magiging close. Eto na nga, o inire-ready ko na ang mga gamit ko para makalipat na ako sa inyo tutal dun na rin naman ako titira, ‘di ba?” nakangiti niyang sabi.
Tumango naman ang lalaki at hinalikan siya sa pisngi bilang tugon.
“Okey, bukas ng umaga, bago ako dumiretso sa airport ay susunduin kita rito sa condo at ihahatid kita sa bahay. I hope, magkasundo kayo ng anak ko,” sabi nito.
Kinaumagahan ay natupad na ang pinakaaasam ni Diana, ang makatapak sa mansyon ni Rafael. Matapos niyang maihatid sa airport ang lalaki ay bumalik agad siya sa bahay nito. Wala siyang inaksayang pagkakataon, masaya niyang nilibot ang buong mansyon. Napakalaki talaga niyon at ang ganda.
“Buhay donya ako!” humalakhak pa niyang sabi habang prenteng umupo sa malambot at malaking sofa sa salas.
Maya maya ay tumawag sa selpon niya si Rafael. May nakalimutan itong sabihin sa kaniya.
“Hello, honey. Bale, wala pala diyan si Charlie sinundo nang maaga ng lolo at lola niya, doon daw muna ang bata ng tatlong araw. Ang makakasama mo lang diyan ay ang mga kasambahay. Sabihan mo na lang sila kung may mga kailangan ka,” sabi ng lalaki sa kabilang linya.
Mas mabuti sa kaniya kung ganoon, walang istorbo sa pananatili niya roon. Magbubuhay reyna talaga siya, wala siyang ibang gagawin kundi ang magliwaliw, maghihilata sa malambot na kama sa kwarto ni Rafael at kumain ng masasarap na pagkain. Inalis din niya sa dingding ang malaking portrait ng yumaong asawa ni Rafael at itinambak sa bodega.
Kinahapunan, habang enjoy na enjoy siyang nanonood ng TV ay nabalingan niya ang isang dalagitang kanina pa tingin nang tingin sa kaniya.
“Hoy, muchacha! Ipagtimpla mo nga ako ng juice, samahan mo na rin ng sitsirya at tinapay ha? Bilisan mo, ayoko ng babagal-bagal!” utos niya.
Tahimik namang sinunod siya nito. Ilang saglit lang ay iniabot na nito sa kaniya ang isang baso ng juice, sitsirya at tinapay.
“Aba, ang bilis mo a!” aniya.
“Ikaw ba ang girlfriend ni Rafael?” seryoso nitong tanong.
Napataas ang kilay niya, hindi man lang marunong gumalang ang tsimay na ito?
“T*nta! Muchacha ka lang dito, bakit Rafael lang ang tawag mo sa sir mo? Ang g*gang ‘to! Umayos ka ha? Para sabihin ko sa iyo, hindi lang ako girlfriend ng amo mo, I will be his wife. Ako na ang bagong reyna sa bahay na ito. Kapag nangyari iyon ay ikaw ang una kong patatalsikin dito, istup*da!” inis niyang sabi.
Tinitigan lang siya ng dalagita, inismiran naman niya ito. Ang kapal ng mukha, hindi naman kagandahan at mukhang probinsyana pa.
“Anong tinitingin-tingin mo riyan? Hala, bumalik ka na sa trabaho mo, l*tse ka!” gigil pa niyang sabi.
Hindi siya sinagot ng dalagita at tinalikuran na siya. Naiwan si Diana na tumatawa habang pinagmumura pa ang kasambahay.
Mabilis na lumipas ang tatlong araw at dumating sa mansyon ang mga magulang ni Rafael at kasama ang anak nitong si Charlie. Inihatid na ng dalawang matanda ang apo. Sabik na binuksan ni Diane ang pinto nang marinig na kumatok ang mga ito.
“O, tito, tita, mabuti naman po at dumating na kayo. At siya na po ba ang unico hijo ni Rafael?” plastik niyang bungad.
Masaya naman siyang binati ng mag-asawa.
“Magandang umaga. Ikaw pala ang girlfriend ng anak namin? Diana, right? Nice meeting you, hija. Sinabi sa amin ni Rafael na ikaw daw muna ang bahala sa aming apo. Huwag kang mag-alala, makulit itong si Charlie pero mabait na bata naman. Madali mo siyang makakasundo,” wika ng matandang babae. “Charlie, apo, meet your Tita Diana,” saad pa nito.
“Hello, Charlie!” bati niya sa bata na niyakap pa ito pero sa loob niya ay inis na inis siya.
“Kumusta naman ang pag-stay mo dito, hija?” tanong ng matandang lalaki.
“Okey naman po, tito. Medyo namamahay pero sanay na naman po,” sagot niya.
Naisip ni Diana na tawagin ang tat*nga-t*ngang katulong na sinungitan niya noong unang araw niya sa mansyon para asikasuhin ang mga bagong dating. Sa isip niya ay dalawang araw na niya itong hindi nakikita at lagi na lang mga matandang katulong ang nagsisilbi sa kaniya. Sa laki kasi ng bahay ni Rafael halos hindi niya makita ang ibang katulong doon. Marahil ay sadya lang na ayaw na nitong magpakita sa kaniya, natakot na siguro dahil tinarayan niya. Pero ngayon ay hindi maaaring hindi siya sundin nito dahil nakakahiya sa future father and mother in law niya ‘no! Masasabunutan na niya ito pag nagkataon.
“Wait lang po ha? Tawagin ko lang po yung isa sa mga maid natin, ‘yung dalagitang mahaba ang buhok na mukhang probinsyana, para ipaghanda kayo ng makakain,” aniya.
Nagulat naman ang dalawang matanda sa sinabi niya.
“T-Teka? Nagkakamali ka yata, hija. Kilala namin ang lahat ng kasambahay dito, at lahat sila ay matatanda na. Walang kasamabahay si Rafael na dalagita,” nagtatakang sabi ng matandang lalaki.
Kinilabutan si Diana. Ano, joke lang ba ito?
“Ano po? Wala pong dalagitang katulong dito?” tanong pa niya.
“Oo, hija, lahat ng kasambahay dito ay senior citizen na. Matagal na silang naglilingkod sa amin, ang iba sa kanila ay naging yaya pa ni Rafael at iba pa naming anak. Pamilya na ang turing namin sa kanila. At lahat sila ay matatandang dalaga. Wala ring ibang babae dito kundi sila kaya imposible ang sinabi mo,” wika naman ng matandang babae.
Maya maya ay may inilabas na litrato ang anak ni Rafael sa belt bag nito.
“Lolo, lola, thank you po dito sa piktyur ni mommy nung teenager pa siya!” sabi ng bata.
“Welcome, apo. Alam mo ba, magkababata noon ang daddy at mommy mo at kaibigan namin ng lolo mo ang mga magulang ng mommy mo. Mabuti nga at may naitabi pa kaming piktyur niya nung 16 years old pa siya. Lumaki siya sa probinsya, apo, kaya medyo maitim ang kulay ng balat niya diyan,” sabi ng matandang babae.
Hindi niya naiwasan na tingnan ang litrato pero laking gulat niya nang mamukhaan ang dalagitang nasa larawan.
“Oh my God!”
Halos mapatalon sa sindak si Diana na ang dalagitang nasa litrato at ang dalagitang katulong na tinarayan niya ay iisa. Ang dalagitang nakaharap niya sa mansyon ay ang yumaong asawa ni Rafael na si Criselda. Hindi niya ito agad nakilala dahil malayung-malayo ang hitsura nito nung dalagita pa at ang hitsura nito sa portrait. Marahil ay may edad na ang babae nang ginawa ang larawang iyon.
Hindi pa rin siya makapaniwala, nang may biglang magsalita mula sa kaniyang likuran.
“Ikaw ba ang girlfriend ni Rafael?” sambit ng dalagita na nanlilisik ang mga matang nakatitig sa kaniya.
Walang sali-salitang nagtatakbo si Diana palayo. Kahit kailan ay hindi na bumalik sa mansyon ang babae. Nang dumating si Rafael galing Hong Kong ay nagulat din ito sa biglang pagkawala ni Diana. Hindi na rin niya makontak pa ang babae. Walang ideya ang lalaki kung ano ang nangyari pero ipinagatuloy pa rin niya ang buhay kasama ang nag-iisang anak.
Ang totoo, tinesting lang ng multo ni Criselda kung ano tunay na kulay ng babaeng iniibig ng kaniyang pinakamamahal na mister. Sa huli ay hindi nagtagumpay si Diana sa planong panghuhuthot ng pera kay Rafael at ang babae mismo ang kusang lumayo sa sobrang takot.