Inday TrendingInday Trending
Iba na Talaga ang Kabataan Ngayon

Iba na Talaga ang Kabataan Ngayon

“Bayad ho, Northgate, isa lang,” pag-abot ni Nikki ng bente pesos at siyang sukli naman ng tatlong piso ng tsuper. Gabi gabi ay buma-byahe ito para makapasok sa trabaho bilang isang call center agent. Pumu-pwesto ang dalaga malapit sa pintuan ng dyip gawa ng dalawang dahilan – una upang hindi gaanong antukin, at pangalawa ay para madaling makababa kung sakaling magkaroon ng holdapan.

Isang mahabang byahe na naman pakiwari ng babae habang nakatanaw sa labas ng jeep. Nakinig na lamang ito ng musika na galing sa mahinang tunog ng radyo sa kaniyang sinasakyan.

Ilang kilometro pa lamang ang inaandar ng jeep ay may sumakay na isang grupo ng kabataan – tantya ni Nikki ang edad ng mga ito ay naglalaro mula labing walo hanggang dalawampu. Halos mapuno ang jeep sa anim na magkakaibigang sumakay, mukhang galing ang mga ito sa eskwela dahil may mga dala itong libro at mga bag pack. Masisigla ang mga ito at tila mayroon lamang balak puntahan pagtapos ng kanilang klase. Nagbibiruan at nagtatawanan lamang ang mga ito, pawang tila mga walang pakialam sa mga kasabay sa jeep. Ipinagkibit balikat na lamang ito ni Nikki. Sayang lang sa oras kung pagsasabihan ang mga ito pakiwari niya kasabay ang isang malalim na pagbuntong hininga.

Pagdaan ng jeep sa isang mall ay may sumakay na lalaki – maliit ito, may katabaan, at halatang may kapansanan sa pag-iisip. Umupo ito sa gitna ni Nikki at ng isang binata. Tila hindi mapakali ang lalaki, laging dumudukot sa bulsa at waring may palaging hinahanap sa dala nitong bag. Palinga-linga ito at para bang may iniiwasan sa kaniyang mga kinikilos. Napatingin si Nikki sa lalaki at naglakas ng loob na magsalita.

“Kuya, may problema ho ba?” pagsilip nito sa mukha ng lalaki. Napailing lamang ito bilang tugon at siya namang pagbaling ng atensyon ni Nikki pabalik sa mga makikita sa labas ng jeep.

Ilang kanto pa ay bumaba na ang anim na binatang estudyante – nagtatawanan pa rin ang mga ito at tila excited sa kanilang pupuntahan. Hindi pa man nakakagaod ang jeep ay hinabol ito ng mga magbabarkada – sumakay ulit ang mga ito at tila may hinahanap sa loob ng jeep. Nagulat ang lahat nang kwelyuhan ng isang binata ang lalaking may kapansanang katabi ni Nikki.

“ILABAS MO NA ANG WALLET KO, TARANTADO KA!” sigaw ng binata at tila galit na galit na pinipilit magsalita ang lalaki. Halata ang takot sa mukha ng lalaki at napahawak na ito sa braso ng binata habang umiiling-iling.

“Teka muna kuya, sandali lang. Bakit mo naman pinagbibintangan ‘yang lalaki? Sigurado ka bang siya ang kumuha ng wallet mo?” pangingialam ni Nikki gawa ng awa nito. Bahagyang hinila nito ang braso ng binata upang mapabitaw ito sa kuwelyo ng lalaki.

“Eh ito lang naman ang kahina-hinalang kukuha ng wallet ko eh! Siya lang ang katabi ko rito sa jeep kanina!” panduduro ng binata sa lalaki habang sinasagot ang tanong ni Nikki.

“Sandali muna, pare-pareho lang tayong natatagalan dito eh. Saan mo ba huling inilagay ‘yang sinasabi mong nawawala mong wallet at ano ba ang itsura n’yan?” nakataas ang isang kilay ni Nikki.

“Tinitiklop na wallet ‘yon, itim na may brown na lining. May design na bungo ‘yon sa harap at may butones sa tabi. Mga ganito lang kalaki ‘yon,” sumenyas ang lalaki ng kalahating dangkal na laki matapos ilarawan ang kaniyang nawawalang wallet kay Nikki.

“Wala ba riyan sa singit singit ng upuan? Tingnan n’yo ulit baka naman nanjan lang.” tanong ni Nikki sa binata at sa mga kaibigan nito. Umiling lamang ang mga ito.

“Ano ba naman ‘yan mga totoy, mahuhuli na kami sa trabaho sa mga paandar ninyo eh. Baka naman hindi mo sa bulsa nilagay ‘yong wallet mo? Tiningnan mo ba sa bag? Baka naman doon mo nailagay. Lahat kami ay naaabala n’yo na rito,” pagalit na sambit ng isang babaeng pasahero.

Agad namang binuksan ng mga binata ang kani-kanilang bag para hanapin ang nawawalang wallet. Nang maghanap ang binata sa loob ng kaniyang bag ay tila binuhusan ito ng malamig na tubig nang makita niya ang kaniyang nawawalang wallet. Dali-daling bumaba muli ang mga binata mula sa jeep at saka na pina-arangkada ng tsuper ang matagal na nakatigil na jeep.

Kinamusta ni Nikki ang lalaking kaniyang katabi at makalampas ang ilang kanto ay bumaba na rin ito kasabay ng ibang pasahero. Nang makarating si Nikki sa trabaho ay late na ito at siya nang inaantay ng kaniyang boss.

“Nikki, you’re late. What happened?” tanong ng kaniyang boss na wari’y nagtataka.

“Sorry boss. Iba na kasi ang kabataan ngayon,” tanging nasabi nito at saka na dumiretso sa trabaho. Isang nakakapagod na shift nanaman pakiwari nito habang nag aayos ng kaniyang station. Isang mahabang gabi ang ginugol ni Nikki sa pagta-trabaho, at alas otso na ito ng umaga nakauwi.

Dali-daling nakipag-unahan si Nikki sa mga pasherong naghahagaran pasakay ng jeep ngunit sa kasamaang palad ay naubusan na siya ng puwesto kung kaya’t dismayado itong naghintay muli sa susunod na jeep. Napahilamos na lamang ang dalaga dahil sa pagod at pagkainip sa paghihintay ng kasunod na jeep. Mauupo sana ito sa kalapit na waiting shed nang may tumigil na isang puting magarang kotse sa kaniyang harapan.

“Ma’am, sakay na daw ho kayo sabi ng amo ko,” sabi ng isang babaeng dumungaw mula sa bintana ng sasakyan.

“Ako ho? Bakit ho?” magkahalong pangamba at pagkalito ang naramdaman ni Nikki. Tumalikod at lalakad na ito paalis upang makaiwas sa noo’y naghihintay na babae nang tinawag siya nito.

“Miss! Heto ang amo ko, si sir John. Sabi niya ho tinulungan niyo siya kagabi sa jeep.” sambit ng babae, dahilan upang mapatingin muli si Nikki sa sasakyan.

Siya ‘yung lalaking kasabay ko kagabi sa jeep, ‘yung may kapansanan, pakiwari ni Nikki na siya lalong ipinagtaka nito.

“S–sakay k–ka n—na…” nauutal na sabi ng lalaki habang binubuksan ang likurang pinto ng kotse. Bahagyang ngumiti si Nikki at saka na rin ito sumakay.

“S–sa-l–lam–mat k—ka–g-gab–bi.” sambit ni John sa noo’y nahihiyang si Nikki.

“Okay lang ho ba kayo? Pasensya na kagabi, hindi ko agad napigilan ‘yung lalaking nangwelyo sa’yo. Hindi ko naman ho kasi alam na gagawin ‘yon nung lalaking ‘yon,” tugon ni Nikki habang pinapaling ang kaniyang ulo kay John. “Salamat rin pala sa pagsabay sa’kin ngayon,” dagdag pa nito.

“Miss, ihahatid ka na namin hanggang sa bahay ninyo.” sambit ng babaeng nakaupo sa tabi ng drayber.

“Nako, huwag na ho. Sa sakayan nalang ho ng bus, malayo ho kasi ang bahay namin mula rito,” ani Nikki. Nagkatinginan si John at ang babaeng kasama nito at saka bahagyang tumango ang lalaki.

“Sige, miss. Ihahatid ka namin hanggang sa sakayan ng bus,” tugon ng babae, at naging tahimik na sa loob ng sasakyan.

Makalipas ang ilang minuto ay nakarating na sila sa sakayan ng bus. Muling nagpasalamat si Nikki sa pagpapasakay sa kaniya ni John sa kotse nito — nakipagkamay ang lalaki at saka nito pinababa ang dalaga. Bago pa man makaalis ang sasakyan ni John ay dumungaw muli ang babae mula sa bintana at nag-abot ng sobre kay Nikki.

“Salamat ulit, iha,” sambit nito saka na umandar papalayo ang kotse. Sumakay na muna sa noo’y nakaparadang bus si Nikki at umupo sa may bandang kaliwa sa tabi ng bintana.

Binuksan nito ang sobre, at siyang kinagulat ng dalaga ang laman nito. Dalawampung libong piso, at isang puting papel. Nang ilabas ni Nikki ang papel ay may sulat ito:

Maraming salamat, ito ang kabayaran sa iyong kagandahang loob. Hindi man ito sasapat sa lahat ng iyong pangangailangan, sana’y malaman mo na napakabuti mo.

Hindi inaasahan ni Nikki ang pabuyang kaniyang natanggap. Ang tangi lamang niyang naisip ay makatulong ngunit ang naging kapalit nito ay isang malaking biyaya.

Advertisement