Inday TrendingInday Trending
Magkaibigan Tayo

Magkaibigan Tayo

“Betty, nagalit na naman sa’kin si mommy. Bakit daw may isa akong mali sa exam eh napag-aralan naman daw natin ‘yon. Dismayado na naman si mommy sa’kin,” malungkot na bungad ni Joy sa kaibigan at kaklaseng si Betty. Nasa ika-anim na baitang ang dalawang bata, at sa higit anim na taong pag-aaral ni Joy ay lagi nitong dinaramdam ang mga sinasabi ng kaniyang ina patungkol sa performance niya sa eskwelahan.

Parehong honor student sina Joy at Betty – palagi ngang naglalaban ang dalawang ito kung sino ang magiging top 1 sa klase. Dahil sa magkaibigan ang dalawa ay hindi ito sineseryoso ng dalawang bata, ngunit iba ang tingin ng ina ni Joy. Nais nitong palaging nangunguna ang anak sa lahat ng bagay – mataas ang expectation nito sa anak dahil sa gusto nitong maging laging angat si Joy gaya niya na nakatapos nang may karangalan. Sa lahat ng kompetisyon sa eskwelahan ay tinutulak niyang sumali si Joy, hindi para lumawak ang experience ng bata kung hindi para manalo at ipakita sa lahat na siya ang pinakamagaling.

“Joy, Bettina, maiwan kayo pagkatapos ng klase, kailangan ko kayong makausap,” ani Mrs. Dela Cruz, adviser ng kanilang section. Nagkatinginan ang dalawa at parehas naman itong tumango bilang tugon.

Matapos ang klase ay kinausap si Mrs. Dela Cruz ang dalawang batang babae – sila ang magiging representative ng kanilang paaralan sa Annual Science Quiz Bee. Magkahalong saya at kaba ang naramdaman nina Joy at Betty sa balitang kanilang narinig.

Pagkauwi sa kani-kaniyang bahay ay ibinalita ni Joy at Betty ang sinabi sa kanila ni Mrs. Dela Cruz.

“Mama! Sabi ni ma’am, kasali raw ako sa quiz bee next week! Kasama ko ulit si Joy, katulad nung isang taon. Naalala mo ‘yon ma?” may halong pagkasabik ang pagkakasabi ni Betty.

“Ah, oo ‘nak. Partners kayo no’n eh. Paano, kailan ang review ninyo? Siguradong gagabihin na naman kayo ng uwi. Kailangan sabihan ko si papa mo na sunduin ka na parati,” sambit ng kaniyang ina na halatang nag-aalala.

“Si mama talaga, bine-beybi na naman ako. Kaya ko naman po kahit hindi ako sunduin ni papa,” sambit nito habang nakangiti. “pero… sige, para libre rin sa pamasahe. Love you, ma!” aniya, pagkatapos ay niyakap nang mahigpit ang ina.

“Naku, ikaw talaga kahit kailan ay napaka-kuripot. Hala sige, at mag-ayos ka na ng sarili nang makapag-meryenda ka na. I love you too, anak,” tugon naman ng kaniyang ina at saka na nag-asikaso ng sarili si Betty.

Samantala, sinabi na rin ni Joy sa kaniyang ina na magiging kalahok siya ng quiz bee sa susunod na linggo. Taliwas sa naging reaksyon ng ina ni Betty ang sinabi ng mommy ni Joy.

“Dapat manalo ka na ha, last year second lang kayo. Napakadali lang ng tanong, na-review mo naman ‘yon, doon ka pa nagkamali…” sambit nito na nagbigay ng dagdag kaba kay Joy. Imbes na sumagot sa ina ay nagpaalam na lamang ito na mag aasikaso na ng sarili at saka na dumiretso sa kaniyang kuwarto.

Nagdaan ang mga araw at puspusan ang pagre-review ng mga bata para sa science quiz bee. Walang sinayang na oras ang dalawa na maski sa oras ng recess ay nagbabasa ng kani-kaniyang reviewer at libro. Kung minsan ay nagtatanungan ang mga ito upang maihanda ang isa’t isa sa nalalapit na patimpalak.

Pagdating ng araw na hinihintay ni Betty at Joy ay maagang nagkita sa eskwelahan ang dalawa kasama ang kanilang mga ina – doon ay naghihintay si Mrs. Dela Cruz. Sa eskwelahan nila gaganapin ang quiz bee kung kaya’t habang may natitira pang oras ay puspusan pa rin ang pagbabasa ng dalawa. Ilang minuto bago mag-umpisa ang quiz bee ay inanunsyo na hindi magiging mag-partner ang dalawang bata ngayong taon – sila mismo ay magiging magkatunggali sa sicence quiz bee. Gulat na nagkatinginan ang dalawa at saka naghawak kamay – sa kabila nito ay sabay pa ring naghanda sa natitirang oras sina Joy at Betty.

Nang magsimula ang patimpalak ay kani-kaniya nang pumwesto ang mga kalahok sa mga ibinigay sa kanilang numero – magkatabi ng upuan sina Joy at Betty kung kaya’t bago pa man tuluyang mag-umpisa at tanungan ay muling naghawak kamay ang dalawa at nagsabihan ng good luck.

Unang round pa lamang ng kompetisyon ay talaga namang humahataw ang dalawang bata – naghahabulan palagi ang kanilang mga puntos na siyang nagdala sa kanila sa una at pangalawang puwesto hanggang sa ikatlong round ng kompetisyon. Nang matapos ang huling round ay kinuha na ang kabuuan ng puntos ng mga bata. Laking gulat nina Joy at Betty nang makitang nagpatas ang kanilang mga puntos mula umpisa hanggang sa dulo ng kompetisyon. Para lamang malaman kung sino ang tunay na mananalo ay magkakaroon ng clincher round kung saan magkakaroon muli ng mga katanungan, at kung sino ang magkakaroon ng mas mataas na puntos ay siyang mananalo.

Sa unang dalawang tanong ay parehong tama ang dalawang bata. Ngunit nang dumating ang pangatlong tanong ay tila nawawalan na ng pag-asang manalo si Joy – pabalik balik ang tingin nito sa kaniyang mommy na naka-halukipkip at tila naiinis na sa anak. Siya naman itong nakita ni Betty – sumulyap siya sa kaniyang ina bago ito muling humarap sa stage.

“For the next question, Approximately the axis of the earth is tilted at an angle of _______” sambit ng announcer at saka kani-kaniyang nagsulat sa kanilang boards sina Joy at Betty at saka itinaas ang mga ito matapos ang hudyat.

“The answer is 23 degrees. And we have a winner!” sambit ng announcer at saka tumayo si Joy upang humarap sa kaniyang ina. Masayang itinaas nito ang dalawang kamay hudyat na siya ang may tamang sagot sa katanungan. Matapos ang kaniyang pagbubunyi ay lumapit si Joy sa kaibigan.

“Betty… alam kong alam mo ang sagot sa huling tanong na ‘yon. Bakit mali ang nilagay mong sagot?” ani Joy na may halong pagtataka. Niyakap siya ng kaibigan bago muling harapin nito.

“Alam kong mataas ang expectation sa’yo ng mommy mo, Joy. Wala namang problema sa akin o kay mama kung manalo ako o matalo. Ang mahalaga lang sa kaniya ay ma-experience ko ang mga bagay bagay. Hiling ko lang na sana paglipas ng panahon ay ma-realize rin yan ni mommy mo. Ang magkaibigan nagtutulungan ‘di ba?” sambit nito na siyang ikinatuwa ni Joy. Mahigpit nitong niyakap ang kaibigan at saka nagpaalam sa isa’t isa upang kani-kaniyang nag celebrate.

Images courtesy of www.google.com

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Advertisement