Inday TrendingInday Trending
Pera Na, Naging Bato Pa

Pera Na, Naging Bato Pa

09 – 12 – 21 – 37 – 45 – 57 okay na siguro ito pakiwari ni Kevin habang sinusulatan ang 6/58 lotto card na hawak niya. Agad nitong iniabot sa kahera ang card kasabay ang singkwenta pesos. Ibinalik ng kahera ang card – nakaipit rito ang kaniyang lotto ticket kasabay ang sukli.

“Sana maging swerte naman ngayon,” ani Kevin matapos halikan ang kaniyang lotto ticket. Tuwing gabi ang bola ng mga numero kung kaya’t tuwing umaga bago ito pumasok sa trabaho ay dumadaan ito sa lotto outlet malapit sa kaniyang bahay. Ilang taon na rin sinusubukan ni Kevin ang kaniyang swerte sa pagtaya sa lotto – sa araw araw na ginawa ng Diyos ay hindi nito kinakaligtaan ang tumaya, ngunit ni isang beses ay hindi ito manalo-nalo.

Magdadalawang taon nang encoder sa isang Chinese company si Kevin; bagamat regular na sa trabaho ay halos minimum pa rin ang sinasahod nito na nakasasapat lamang sa pangangailangan nila ng kaniyang asawa. Halos isang taon na silang kasal ni Sheryl, at dahil parehong minimum wage earner ay nakikitira sila sa bahay ng magulang ni Kevin. Pangarap ng dalawa na magkaroon na ng sariling bahay at lupa kung kaya’t kahit malaking kabawasan ang araw araw na pagtaya ng lalaki sa lotto ay nagbabakasakali pa irn itong baka isang araw ay dapuan na siya ng swerte.

Makalipas ang kaniyang shift at pag-oovertime ay nakauwi na rin si Kevin ng alas onse ng gabi. Dumiretso ito sa kwarto nilang mag asawa at saka itinaktak ang laman ng kaniyang bag sa may baba ng kama. Nagtanggal ito ng sapatos at medyas at saka kinuha ang tuwalya para panandaliang mag banyo at maligo.

“Mahal, bilisan mong gumamit ng banyo at naghihintay ‘yong hinanda kong pagkain mo. Kumain ka na muna bago ka matulog,” sambit ni Sheryl at saka iniligpit ang nakasabog na gamit ng asawa. “Panay lotto ticket na naman ang laman ng bag mo, hindi ka naman manalo-nalo. Tumigil ka na kaya sa pagtaya at ipunin nalang natin ‘yang trenta pesos na inaaksaya mo araw araw,” dagdag pa nito habang umiiling-iling.

Matapos na magbanyo ay bumaba na si Kevin para kumain – hinintay siya makatapos ng asawa at saka na nagligpit at naghugas ng pinagkainan ang babae. Dumiretso na sa kwarto si Kevin upang magpahinga at makalipas ang ilang minuto ay sumunod na rin si Sheryl.

Kinabukasan ay maagang bumangon ang babae upang maghanda ng almusal nilang mag-asawa at ng mga manugang nito. Matapos na mag-asikaso ay saka nito ginising si Kevin – sabay na silang nag-almusal at saka na nag-asikaso para pumasok sa trabaho. Nauunang maligo si Kevin kung kaya’t habang inaantay siya ng asawa ay nagliligpit ito. Sakto namang dumaan ang trak ng basura at inilabas na rin ni Sheryl ang mga nakasupot na papel at iba pang mga bagay na dapat nang itapon.

Matapos maligo at mag asikaso ng sarili ay pumauna nang umalis ng bahay si Kevin upang hindi mahuli sa trabaho. Papara na sana ito ng tricycle para madaling makarating sa sakayan ngunit naalala nitong kailangan pa pala niyang tumaya sa lotto. Dali-daling nagpunta si Kevin sa lotto outlet at bago tumaya ay tiningnan muna nito ang winning numbers.

09 – 12 – 21 – 37 – 45 – 57

Kinusot-kusot pa ni Kevin ang kaniyang mata para siguraduhing tama ang kaniyang nababasa.

“09 – 12 – 21 – 37 – 45 – 57 n-numero ko ang mga ‘to…” halos sumigaw sa tuwa si Kevin sa kaniyang nakita, isa lamang ang nakalagay na nanalo at alam niyang siya ito. Agad nitong kinuha ang cellphone at saka tinawagan ang kaniyang asawa.

“Mahal! Mahal, nanalo ‘ko sa lotto! ‘Yong mga numero ko tumama!” mahina ngunit sabik na sabi nito sa asawa. “Sabihin mo kina mama nanalo ako! Aabsent ako sa trabaho ngayon, kuhanin natin ‘yong premyo. Antayin mo ako d’yan, huwag ka na rin pumasok sa trabaho,” dagdag pa nito at saka na binaba ang telepono. Agad nitong hinalukay ang kaniyang bag ngunit hindi niya makita ang kainyang winning ticket kung kaya’t minabuti niyang umuwi na. Panigurado nasa bahay lang ‘yon sa mga gamit ko, siguro nailigpit ‘yon ni She pakiwari nito at saka na nagmamadali umuwi.

Kumaripas ang lalaki sa kuwarto pagkadating ng bahay at saka hinanap ang lotto ticket.

“Mahal! Totoo bang nanalo ka?” hindi makapaniwalang tanong ni Sheryl sa asawa.

“Oo mahal, halika rito’t tulungan mo nalang akong hanapin ‘yong ticket ko. Alam ko andito lang ‘yon sa mga gamit ko eh…” sambit nito habang hinahalukay ang mga papel na nakakalat sa kwarto.

Magkasamang hinanap ng mag-asawa ang kapirasong papel na maaaring makapagpabago sa kanilang buhay. Halos baliktarin na nila ang buong kwarto ngunit wala pa rin silang makita. Napapag-isip-isip na ni She na baka napasama iyon sa mga niligpit niyang kalat kaninang umaga ngunit umaasa pa rin siyang baka nganakatago lamang ang tiket kaya hindi niya muna iyon ipinaalam sa kaniyang asawa.

“Sigurado akong nandito lang ‘yon eh.Wala naman akong ibang pinaglalagyan ng mga tiket ko,” bulong ni Kevin sa sarili habang muling inisa-isa ang ilang mga tiket na naitabi sa kabinet. “Mahal, saan mo pa itinabi yung ibang mga tiket? Parang mga luma na kasi ‘to eh. Hindi ko mahanap ‘yung mga itinaya ko ngayong linggo.” Nilingon niya ang asawa na nakaupo na lang sa kanilang kama, tila ba may bumabagabag sa isip nito.

Tinigil na rin muna ni Kevin ang paghahanap saka tumabi sa kaniyang asawa. “Ano ka ba, ba’t parang problemado ka pa rin? Masusulusyunan na ang lahat ng problema natin! Ang laking pera nun o!” hinawakan ni Kevin ang balikat ng asawa habang nakangiti dito nang malawak.

Tila maiiyak na ang babae. Humilamos ito sa kaniyang mukha saka sinimulang magtapat sa kaniyang asawa. “Mahal, a-ano kasi..” sumulyap siya sa kaniyang asawa, na maluwag pa rin ang ngiti sa kaniya. Mas nahihirapan tuloy siyang sabihin ang katotohanan sa asawa. Pero kailangan na nitong malaman ang totoo. Pumikit siya nang mariin at huminga nang malalim upang mag-ipon ng lakas ng loob.

“Kevin, parang naitapon ko na kasi yung tiket. Hindi ko naman sinasadya. Makalat kasi kanina dito sa kwarto, eh alam mo naman ako ‘di ba, ayoko ng makalat kaya ayun. Hindi ko naman sinasadya—“ Hindi na naintindihan ni Kevin ang mga sumunod na sinabing asawa. Tila tumigil na ang kaniyang mundo at para siyang nabingi. Nagpaulit-ulit sa utak niya ang sinabi ng asawa, “Kevin, parang naitapon ko na kasi yung tiket.” Naitapon? Paano na ang mga plano niyang bumukod sa kaniyang magulang at magkaroon ng sariling bahay? Ng kotse? Ng negosyo? Panoo na? Pera na naging bato pa.

“Kevin… Kevin, Mahal… Galit ka ba sa’kin? Sorry na talaga.” Saka lang siya nagising mula sa kaniyang pag-iisip nang marinig niyang umiiyak ang kaniyang misis. Niyakap niya na lamang ito. Hindi niya magawang masisi ang asawa dahil kasalanan niya ‘rin naman na hindi niya iningatan ang tiket at maimis naman talaga sa gamit ang kaniyang asawa ngunit hindi mawala sa kaniya ang pakiramdam ng panghihinayang.

Mareresolba na sana ang lahat ng kanilang problema. Matutupad na sana ang kanilang mga pangarap. Ngunit sadyang gano’n nga siguro ang buhay, mayroong mga bagay na hindi nakalaan para sa iyo. Ito ang natutunan ni Kevin sa nangyaring iyon sa kanilang mag-asawa, kaya mula noon ay hindi na siya tumaya sa lotto.

Naisip niya rin na sapat na siguro ang oras at pera na inilaan niya para subukan ang kaniyang swerte. Ngayon ay napagpasyahan niyang igugol na lamang ang kaniyang oras at pera sa kaniyang asawa at sa pagtupad ng kanilang mga pangarap.

Images courtesy of www.google.com

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Advertisement