Inday TrendingInday Trending
Matindi ang Sakit sa Kamay ng Pasyente ng Doktor, Pero Mas Matindi Pala ang Lihim na Itinatago Nito

Matindi ang Sakit sa Kamay ng Pasyente ng Doktor, Pero Mas Matindi Pala ang Lihim na Itinatago Nito

Matagal nang doktor si George, isa siyang General Physician sa sikat na ospital. Ang misis niya ay isang architect na matagal na rin namang nag-retire, ang mga anak niya ay tapos na lahat sa pag aaral. May guro, engineer at may isang doktor na rin.

“Dad, sabi naman sa’yo. We can provide for the family na. If you want to rest, go and enjoy life,” sabi ng kanyang panganay.

“I’m not doing this for the money.Mahal ko ang propesyon ko, tsaka alam mo namang ayoko ng walang ginagawa. Gusto ko pag uwi ko ay matutulog nalang. Pag kasi may oras pa tapos mag-isa ako, naaalala ko lang ang tita Sophia nyo,” lumungkot ang boses niya pagkabanggit sa pangalan ng bunsong kapatid.

Siya na halos ang tumayong magulang ng babae dahil maaga silang naulila, kaya naman mabaliw-baliw siya nang paslangin ito ng isang di kilalang lalaki labinlimang taon na ang nakalipas. Kolehiyo pa lamang ang dalaga noon at disi-otso anyos.

Ang masakit pa, ginahasa ang kapatid niya.Parang hayop lang na iniwan sa isang tabi matapos gamitin. Hanggang ngayon ay hindi pa rin nahuhuli ang suspek. Sinisisi niya ang sarili, sana hindi niya na ito pinayagang magboarding house, sana hinatid niya nalang lagi sa school. Hanggang ngayon, bitbit niya lahat ng isiping iyon.

Hindi na nakipag-argumento pa ang kanyang anak at ibinaba na ang tawag. Bukod doon ay sumilip na rin ang nurse at nagsabing may pasyente nang susunod.

“M-magandang umaga ho,” hawak nito ang kanang kamay, siguro ay nasa kwarenta anyos na ang lalaki.

“Ano pong problema?” tanong niya kaagad, inadjust ang stethoscope sa kanyang leeg.

“M-masakit ho kasi ang kanang kamay ko Dr.Santillan. Taon ko na itong iniinda eh, habang tumatagal sumasakit,” sabi nito.

Kinuha niya ang kamay ng lalaki, hindi niya masyadong pinindot dahil napapaigtad ito tuwing gagawin niya. Inirekomenda niyang magpa-X ray ito, ang hinala niya ay isang uri ng rayuma.

Ilang sandali pa ay lumabas ang resulta ng X-ray pero mukhang wala namang diperensya, normal pa nga ang mga buto nito kaya nagsimula na siyang magtaka.

“Saan nga masakit? Itong part na ito?” tanong niya, ngayon ay mas sigurado na sa paghawak dahil nakumpirma niyang walang diperensya sa buto.

“L-lahat ho, Diyos ko, tulungan moko Doc, hindi ko na alam ang gagawin ko dyan. Gabi-gabi akong hindi pinatutulog niyan, nung una kaya ko pang tiisin pero ngayon ay ang lala na talaga,” hirap na hirap na pakiusap nito.

“Paanong sakit ho? Para bang tinutusok? Or sa laman mismo?” pagtatanong niya, nais niyang matukoy kung ano ang pinagmumulan.

“Lahat. Basta lahat masakit, tipong namamalipit ako pag sumusumpong. Nung isang beses ho, may dugo pa,” sabi nito.

Wala naman siyang nakitang sugat kaya inisip niyang ang tinutukoy nito ay ang sirkulasyon ng dugo.Ilang test pa ang isinagawa niya sa pasyente, na ang pangalan ay Robert Larda, tapos pinabalik niya na lamang ito kinabukasan.

Maging ang interes niya ay sobrang napukaw, dahil nang makauwi ang pasyente ay noon lumabas ang resulta, lahat ng test ay negative. Ibig sabihin, wala itong kahit na anong sakit. Hindi niya naman masabing nag-iimbento ito dahil bakas sa mukha ang matinding hirap at hapding pinagdaraanan.

Kinabukasan, alas diyes pa ng umaga ang simula ng clinic ni George pero alas otso palang ay kinakatok na siya ng lalaki. Pawis na pawis ito, nakakuyom ang dalawang kamao.

“What is happening Mr. Larda?” takang tanong ni George, sinenyasan niya na ang mga nurse na dalhin ito sa emergency room dahil sobra ang putla nito, halos nakapikit na sa nararamdaman.

“Hindi ako aamin, hindi ako aamin, hindi hindi hindi..” bulong nito sa sarili. Kitang kita ang mga ugat sa kamay nito na kapwa nangangatog.

Hihingi na sana si George ng injection sa nurse upang mawala ang sakit at mamanhid, nang magsalita ang pasyente.

“D-Doc..alam ko naman eh, alam ko naman ang solusyon.Pero hindi ko gagawin!” sabi nito.

Labis na nagtaka si George, di yata’t nahihibang ang pasyente niya?

Hindi niya alam ang isasagot, kaya pinili niyang tumahimik.Pinabayaan niya lang ito sa pagbulong, minsan talaga pag nakakaranas ng sobrang sakit ang isang tao ay kung anu ano na ang nagagawa. Pero natigilan siya nang muli itong magsalita.

“Ako ang pumatay kay Sophia Santillan!” sigaw nito.

Napalingon ang lahat ng nurse, si George naman ay na-estatwa sa kinatatayuan. Muling nagsalita ang lalaki.

“Ang ganda ganda, naglalakad na naka-uniform pa. Naakit ako, suplada nga lang kaya hinila ko at..-t-tinikman. Di ko naman gustong patayin pero nanlaban! Ipapakulong raw ako! Takot na takot ako kaya pinukpok ko siya ng bato, hah! Iyon pala ang nakikita kong dugo sa kamay ko! Hah! Ayan! Hindi na masakit! Sa wakas, pagkatapos ng maraming taon, hindi na masakit ang mga kamay ko!” sabi nito at sinundan pa ng pagtawa.

Agad tumawag ng pulis ang pamunuan ng ospital,ilang katanungan lang sa presinto ay napatunayang ito nga ang salarin na matagal na nilang hinahanap/.

Sa isip lang pala nito ang lahat ng sakit at dugong nakikita, dahil kunsensya pala nito ang umaatake. Natigil lang lahat ng pagdurusa nang umamin na ito.

Samantala, nakahanap na rin ng katahimikan si George dahil sa wakas ay nabigyan na ng katarungan ang pagkawala ng kanyang kapatid. Tiyak niyang tadhana na sa kanya pa napatapat na nagpa-check up ang lalaki.

Kahit gaano pa kagaling magtago ang isang tao, walang lihim na hindi nabubunyag.

Advertisement