Ipinagpasalamat ng Dalagang Ito ang Araw na Naipit Siya sa Mabigat na Daloy ng Trapiko Habang Papasok sa Trabaho; Bakit Kaya?
Sa bagal ng usad ng mga sasakyan ay hindi maiwasan ni Sheryl na tignan ang mga dumadaan. Nagbabaka-sakali siyang may makitang kakilala na pwede niyang sabayan. Laking gulat niya nang may napahintong kotse sa kanyang harapan na nagbaba ng bintana sa passenger’s seat. Hindi naman niya kilala ang nagmamaneho.
“Miss, miss… sakay na, kung ayos lang sayo? Mukhang wala ka pang masasakyan, punuan kahit bus,” bungad ng nagmamaneho ng sasakyan.
Nabigla ang dalaga. Hindi niya alam kung anong isasambit niya.
“Miss di ako masamang tao. Sakay na… “
At dahil desperado na si Sheryl na makapasok sa opisina, sumakay na siya, ngunit pinili niyang sa likod umupo. Masaya ang pakiramdam ni Sheryl, ngunit kahit papaano ay may kaunting kaba.
“Salamat, kuya. Kailangan lang talaga eh. Late na ko,” ang sabi ni Sheryl sa may-ari ng sasakyan. Mula sa likod ay sinisipat niya ang itsura ng nagmamaneho. Mukha namang mabait na tao. Postura din ang suot, naka-long sleeves, typical na gayak ng isang taong nagtratrabaho sa isang malaking kompanya. May itsura din naman.
“Naku, salamat din. Mas kailangan kita. Bawal na single ngayon sa EDSA. I mean, single rider. Single pa naman ako,” nakangiting sagot ng lalaki. Nagtama ang kanilang mga mata. Ngumiti ang mga mata nito, at maya-maya’y sabay na silang napahagalpak ng tawa.
“Rigor nga pala… architect ako, sa Makati ako pumapasok.”
“Sheryl po pala, call center agent sa Ortigas,” matipid na sagot ni Sheryl.
Sa kabuuan ng byahe, tahimik lang ang dalawa. Paminsan-minsan ay nahuhuli ni Sheryl na sumusulyap si Rigor sa kanya. Bakit kaya? Pasimpleng ngumingiti ang dalaga
Napaisip si Sheryl, isang tunay hulog ng langit si Rigor. Nakakatuwang isipin na sa panahon ngayon, may mga mabubuting loob pa din na tumutulong sa kapwa nila. Habang nag-iisip, napansin niya na malapit na siya sa kanyang bababaan.
“Kuya, dito na lang po ako. Pababa na po. Salamat po.”
Inihinto ni Rigor ang sasakyan sa waiting shed.
Umibis si Sheryl palabas.
“Kuya, salamat talaga. God bless you.”
“Anong salamat, may bayad yun.”
Nawala ang ngiti ni Sheryl.
“Joke lang. Ingat. Salamat din. Salamat at hindi ako single ngayon.” Nakangiting sabi ni Rigor.
Muling nagpasalamat si Sheryl kay Rigor, at tuluyan nang nagmaneho papaalis si Rigor. Laking tuwa ni Sheryl na kahit papano, 30 minutos lang siya nahuli sa trabaho. Nagsimula siyang maglakad patungo sa kanilang building. Nang nasa may entrada na siya ng kaniyang pinapasukan, binuksan niya ang kanyang bag upang isuot ang kanyang ID.
Binuksan niya ang unang bulsa. Wala.
Ang ikalawang bulsa. Wala din.
Ang pinakamalaking bulsa. Wala pa din.
Laking pagtataka ni Sheryl na wala ang ID niya sa bag niya, samantalang alam niyang dinala niya ito kaninang umaga.
At naalala niya…
“Nilabas ko nga pala yun sa sasakyan kanina…”
At tinanaw ni Sheryl ang direksyon kung saan nagpunta si Rigor.
Tinitigan ni Rigor ang nakangiting larawan ni Sheryl sa company ID nito. Simpleng ganda… naisip ni Rigor, subalit parang may lamlam sa mga mata.
Dahil sa maraming mga gawain, meetings, at mga planong dapat tapusin, lumipas ang maghapong hindi naitext ni Rigor ang contact number ni Sheryl.
Pag-uwi ni Rigor sa tinutuluyang condo ay pabalagbag niyang inihagis ang kanyang bag. Tila nag-aanyaya sa kanya ang maliit niyang kama. Sakto lamang sa kanya. Wala naman siyang kasama. Walang katabi. Ayaw niyang maramdamang mag-isa siya. Patalon niyang inihiga ang sarili. Nakakapagod, usal ni Rigor. Naisip niya, bukod sa kanyang sarili (wala siyang pamilya o kaanak sa Maynila dahil ulilang lubos na siya), para saan at para kanino ang lahat ng ito?
Humikab si Rigor at pipikit sanang saglit nang may maramdamang tila may bagay siyang nadaganan sa kanyang bulsa. Nang hugutin niya ito, ID pala ng babaeng isinakay niya kanina. Si Sheryl. Nawala sa isip niyang kontakin ito sa sobrang daming ginagawa.
Bantulot niyang inabot ang kanyang I-Phone 8 at sinimulang i-text ang numerong nasa ID.
RIGOR: Hi… (Sent).
Walang reply. Isa, dalawa, tatlong minuto.
Nagtext ulit si Rigor.
RIGOR: Hi Miss Sheryl. This is Rigor. Remember, yung nagpasakay po sa inyo sa EDSA? Naiwan niyo po sa sasakyan ID niyo (Sent).
Lumipas ang 10 minuto. Wala pa ring reply.
Baka tulog na ‘to, naisip ni Rigor. Nagtungo siya sa comfort room upang magshower at makatulog na. Kumain na siya sa opisina bago siya umuwi.
At natulog na nga si Rigor.
Kinaumagahan, sa paggising ni Rigor, tatlong text messages ang bumungad sa kanya. Pupungas-pungas niya itong binasa. Tinatamad pa siyang bumangon dahil manaka-naka ang pag-ulan, ngunit sumigla siya sa nabasa kung sino ang sender: Miss EDSA (Si Sheryl na nakilala at isinakay sa EDSA).
MISS EDSA: Hello, sorry late reply. Oo nga eh. Pwede ko ba makuha? Sensya na po (Sent 5:32 AM)
MISS EDSA: Hello ulit. Good morning. Pwede ko po ba makuha yung ID ko? May violation na po kasi ako sa office, ayoko na po madagdagan. Please reply po. Thanks (Sent 5:38 AM).
MISS EDSA: Paalis na po ako ng bahay. Hopefully magkita po tayo sa lugar kung saan niyo po ako nakita kahapon. Hintay ko po reply niyo (Sent 6:44 AM).
Tiningnan ni Rigor ang orasan. 7:15 AM na!!!! Agad nagreply si Rigor habang nanginginig-nginig pa ang mga kamay.
RIGOR: Hello! SLR, I’ve just read your messages. Sige po, kita tayo roon sa Aurora Blvd, sakay ka na lang ulit para hindi ako mahuli sa EDSA. See you (Sending message failed).
Inulit ni Rigor. Sending message failed.
Nataranta siya. Balance inquiry. WALA NA PALA SIYANG LOAD!!! Bakit ba naisipan niyang magprepaid na lang??? I-Phone 8 ang cellphone walang load??
Naisipan niyang hanapin sa Facebook si Sheryl Lagdameo. 46 FB users ang lumitaw ngunit wala roon ang Sheryl na hinahanap niya.
“Magpapaload ako..,” naisip ni Rigor, ngunit napahinto siya. Walang loading station dito sa gusali. Naisipan niyang lumabas, subalit nasa 30th floor pala ang unit niya.
Minamalas nga naman. Baka naghihintay na si Sheryl, kawawa naman. Tanging pag-asa niya eh tumawag si Sheryl.
Habang minemessage niya sa messenger ang mga kaibigan na paloadan muna siya o pasahan ng load, may tumawag sa kanya….
Napangiti si Rigor….