Kung Tutuusin ay Laking-Mayaman ang Kambal Subalit Mas Pinili Nilang Manirahan sa Pilipinas; Bakit Kaya?
Sabik na umuwi ng bahay ang kambal na sina Alicia at Celina. Ngayon ang kanilang huling araw sa eskwela. Bitbit ang lahat ng kanilang mga gamit, masayang naglakad ang dalawa patungo sa traysikel na serbis nila. Kapwa nasa ika-siyam na baitang ang dalawa sa San Jose National High School, isang science high school na malapit sa kanilang tahanan.
“Excited na akong umuwi ng bahay, Ate Alicia. Bukod sa ngayon ang huling araw natin sa eskwela, sabi nina Nanay at Tatay may surpresa daw sila sa ating dalawa,” wika ni Celina.
“Ayyy! Oo nga,” pagsang-ayon ni Alicia. “Ano nga kaya ang surpresa nila sa atin? Naging malihim sina Nanay at Tatay nitong mga nagdaang araw. Parehas na tikom ang kanilang mga bibig tuwing nagtatanong ako sa kanila tungkol dito,” ang nagtatakang sabi ni Alicia.
Ilang saglit pa, ibinaba na sila ni Mang Jessie sa tapat ng kanilang bahay.
“Salamat po, Mang Jessie. Hanggang sa susunod na pasukan po!” sabay na wika ng kambal.
“Salamat din sa inyong dalawa. Mag-ingat kayo lagi at gawin ninyong produktibo ang inyong bakasyon,” tugon ni Mang Jessie.
Nakangiting kumaway sina Alicia at Celina. Pagkaalis ni Mang Jessie, dali-dali silang tumakbo papasok sa kanilang bahay. Laking gulat nila nang makitang puno ng pagkain ang kanilang hapagkainan. Sari-saring ulam ang nasa mesa.
“Ano pong meron?” tanong ni Celina.
“Wala naman pong may kaarawan sa atin,” dugtong pa ni Alicia.
Pawang mga ngiti lamang ang tugon nina Mang Narcing at Aling Lydia.
“Ang mabuti pa, ilagay niyo muna ang inyong mga gamit sa silid at magpalit na rin kayo ng damit,” wika ni Aling Lydia.
Habang nasa silid sina Alicia at Celina, isang kotse ang huminto sa tapat ng kanilang bahay. Nagmamadali silang lumabas ng kanilang silid upang tingnan ang dumating na bisita. Laking gulat nila nang buksan ni Mang Narcing ang pinto at tumambad sa kanila ang kanilang Tita Sonya, Tito Vergel, kasama ang kanilang mga pinsan na sina Pepe at Pilar. Kapwa natahimik ang kambal dala marahil ng pagkabigla. Ilang saglit pa, nag-uunahan na silang tumakbo upang yakapin ang mga dumating na bisita.
“Kayo po pala ang surpresang sinasabi nina Nanay at Tatay!” masayang sabi ni Alicia.
“Kahit po anong tanong namin, hindi nila sinasabi,” dugtong pa ni Celina.
Sabay-sabay na nagtawanan sina Mang Narcing, Aling Lydia, Tiya Sonya, at Tito Vergel.
“Naku, dito na nga tayo sa mesa magkuwentuhan. Sigurado akong gutom na din kayo, lalo na sina Pepe at Pilar,” wika ni Aling Lydia.
“Napakasarap naman po ng niluto mo, Tita Lydia,” sabi ni Pilar.
Laking gulat ni Celina nang nag-Tagalog si Pilar.
“Akala ko hindi ka marunong magsalita ng Filipino! Kanina pa kasi kayong tahimik ni Pepe,” wika ni Celina.
“Gutom na kasi kami,” sambit ni Pepe.
Muli nanamang nagtawanan ang lahat.
“Nadelay kasi ang flight namin,” wika ni Tito Vergel.
“Ganun ba?” ang nag-aalalang sabi ni Aling Lydia.
“Ang nakakatuwa po, marunong pa rin mag-Filipino sina Pepe at Pilar kahit halos pitong taon na kayong hindi umuuwi ng Pilipinas,” sabi ni Alicia.
“Sa bahay kasi, Filipino ang ginagamit namin. Gusto namin ni Tito Vergel mo na kahit nasa Singapore kami, marunong pa ring mag-Filipino ang mga pinsan niyong sina Pepe at Pilar,” wika ni Tita Sonya.
“Hindi ba kayo napagkakamalang Singaporean? Singkit po kasi ang inyong mga mata at mapuputi ang balat,” tanong ni Alicia.
“Madalas nga kaming napagkakamalang lokal,” wika ni Pilar.
“Lokal?” tanong ni Alicia.
“Mga lokal na mamamayan ng Singapore,” tugon ni Pepe.
“May pagkakataon nga na may kumakausap sa amin ng Mandarin. Akala kasi nila Singaporean kami,” pagpapatotoo ni Pilar.
“Kuwentuhan niyo naman kami tungkol sa Singapore! Maganda ba doon? Masarap din ba ang pagkain? Mababait ba ang mga Singaporean? Marami na ba kayong napasyalan?” ang sunud-sunod na tanong ni Celina.
“Isa-isa lang anak, mahina ang kalaban,” pabirong sabi ni Mang Narcing.
“Maganda sa Singapore. Matatagpuan ito sa Timog-Silangang Asya, katulad ng Pilipinas,” simula ni Pepe.
“Tinatawag din itong Lungsod ng Leon,” dagdag ni Pilar.
“Leon?!” tila natatakot na wika ni Celina.
“Oo Celina, kaya nga ang simbolo ng Singapore ay Merlion. Ang ulo ay leon at ang katawan naman ay isda,” sabi ni Alicia.
“Ahhh! Siguro absent ako nung tinuro ’yan,” pabirong wika ni Celina.
Nagtawanan ang lahat.
“Di hamak na mas malaki ang Pilipinas kaysa sa Singapore, pero sa aking pananaw, mas maunlad ang ekonomiya doon,” wika ni Pilar. “Ang klima ay tropical katulad ng Pilipinas, ngunit ang kapaligiran ay malinis, hindi mausok, at ang mga tao ay masisipag at mababait,” dagdag niya.
“Marami na din kaming mga kaibigan doon,” sabi ni Pepe.
“Marami din kayong mga kaibigang Pinoy?” tanong ni Aling Lydia.
“Opo, Tita Lydia. Sa katunayan nga po, mas marami kaming kaibigang Pinoy,” sabi ni Pepe.
“Madalas din po kaming namamasyal,” pagsang-ayon ni Pilar.
“Marami bang magagandang pasyalan sa Singapore?” tanong ni Celina.
“Maraming pasyalan sa Singapore. Sa katunayan nga, di na namin kailangang lumayo kapag gusto naming magswimming. Sa tuktok ng building namin, may waterpark,” tila pagmamayabang ni Pepe.
“Waterpark? Wow!” sabik na tugon ni Alicia.
“Sana po kayo naman ang bumisita sa amin sa Singapore,” wika ni Pilar.
“Hayaan mo at pag-iipunan namin ’yan,” pagsang-ayon ni Mang Narcing.
“Talaga, Tay?” sabik na tugon ng kambal.
“Oo naman anak,” segunda ni Aling Lydia.
Di napigil nina Alicia at Celina ang mapalakpak sa sobrang kagalakan.
“Pero sa ngayon, magpahinga na muna kayo at maaga pa ang biyahe natin bukas,” wika ni Mang Narcing.
“Saan po tayo pupunta, Tay?” tanong ni Celina.
“Ipapasyal natin sina Pepe at Pilar sa Ilocos,” masayang sabi ni Mang Narcing.
“Talaga po? Pangarap po naming makapunta roon,” sabik na wika nina Pepe at Pilar.
“Oo, kaya magpahinga na kayo at maaga tayong aalis bukas,” wika ni Aling Lydia.
Pagkarinig noon, sabay-sabay na nagtayuan sina Alicia, Celina, Pepe, at Pilar.
“Good night po!” wika nila at masayang tinungo ang kanilang silid.
This version improves the structure and readability while maintaining the original wording.