Inis na Inis ang Dalaga sa Kaniyang Kasamahan sa Trabaho Dahil sa Pananamit Nito; Paano Mawawala ang Inis na Nararamdaman Niya Para Rito?

“Nariyan na yung baduy na si Stella… tingnan mo naman; lagi na lang naka-rubber shoes saka nakamaong. Hindi ko pa iyan nakitang mag-skirt!” bulong ng mapanlait na si Rhoda sa kaniyang mga kaibigan. Sila ay nagtatrabaho bilang ahente sa real estate company.

“Huwag kang maingay, Rhoda. Grabe ka naman kay Stella. Alam mo, bali-balita ko, magaling daw iyan talaga. Huwag mong ismolin, ‘neng…” suweto naman sa kaniya ni Alena, isa sa kaniyang mga kaibigan.

“Eh kasi naman… hindi ba dapat naka-heels tayo? Matik na iyan sa corporate world. Perong itong babaeng ito, hindi ko pa siya nakitang nagsuot ng sapatos de-takong. Saka, hindi ko pa rin siya nakitang nagsuot ng skirt,” giit naman ni Rhoda.

“Baka naman hindi lang siya sanay. Ikaw naman… hindi naman tayo required magsuot ng heels o kaya mag-skirt. Buti nga medyo maluwag ang kompanya natin, hindi katulad sa ibang kompanya na kapag hindi sumunod sa dress code, eh matatanggal na. Saka ang importante naman, nakaka-deliver siya sa work,” sabi naman ni Edana, isa sa mga kabarkada ni Rhoda.

“Pero infairness friends… mamahalin ang mga rubber shoes niya! Kahit minsan off sa kaniyang damit, hindi bagay ang kulay, pero ‘neng, mamahalin! May tatak! Ganiyan ang mga sapatos ng kuya ko na mahilig sa rubber shoes. Mahina ang sampung libo,” sabi ni Alena.

Natawa naman si Rhoda. “Hay naku, aanuhin mo naman ang branded kung hindi naman bagay sa iyo. Tama naman kayo, ang ganda ng mga rubber shoes na sinusuot niya, infairness, pero minsan kasi hindi bumabagay sa sinusuot niya. It’s like eye sores for me. Alam ninyo naman ako, kahit nabili ko lang ang damit sa ukay-ukay o sa palengke, bumabagay sa akin…” pagpuri ni Rhoda sa kaniyang sarili sabay hawi pa ng kaniyang mahaba at may kulay na buhok. Totoo naman ang kaniyang sinasabi. Maganda naman talaga at mahusay magdala ng damit si Rhoda.

“Hay naku, kaysa sa pinoproblema natin kung bakit laging naka-rubber shoes iyang si Stella, pag-usapan na natin kung kailan tayo mag-outing! Excited na ako girls!” sabi ni Edana. At nabaling na ang usapan nila sa kanilang pinag-uusapang outing na matagal nang hindi naisasakatuparan.

Sa tuwing papasok nga si Stella, napapansin ng marami sa kaniyang mga kasamahan ang napakagaganda niyang rubber shoes. Hindi siya nag-uulit ng rubber shoes. Iba-iba rin ang kulay ng mga ito, at talaga namang naghuhumiyaw ang tatak.

Advertisement Differences Between Running Shoes vs. Walking Shoes

Isang araw, nagkrus ang landas nina Stella at Rhoda sa hallway. Nginitian ni Stella si Rhoda, at gumanti naman ng ngiti si Rhoda.

“Hello… ang ganda ng rubber shoes mo. Hilig mo talaga ang rubber shoes no?” tanong ni Rhoda kay Stella.

“Ah, oo. Mahilig talaga ako sa rubber shoes,” kaswal na tugon ni Stella. “Bakit? Mahilig ka rin ba sa rubber shoes?”

“Hindi ako mahilig sa rubber shoes pero siyempre nagsusuot naman ako niyan. Most of the time, heels talaga ang sinusuot ko eh. Alam mo na, nasa corporate world kasi tayo, kaya kailangang maganda pa rin ang pananamit,” pahayag ni Rhoda. Intensyon niya talagang ipamukha at iparamdam kay Stella na hindi ito sumusunod sa dress code ng corporate world.

Ngumiti naman si Stella.

“Thankful nga ako sa mga boss natin dahil pinayagan nila akong mag-rubber shoes. Okay lang naman daw, kasi nakakabenta naman ako. Iyon naman daw ang mas mahalaga,” ganting tugon ni Stella.

Medyo napahiya sa kaniyang sarili si Rhoda. Bagama’t posturang-postura siya, hindi naman siya makabenta ng lupa o condo.

“Sige mauna na ako, ah. Nice meeting you…” malugod na paalam ni Stella kay Rhoda.

Advertisement

Makalipas ang isang buwan, ipinagdiwang ng kanilang kompanya ang ika-32 taong anibersaryo ng pagkakatatag. Formal attire ang naging tema kaya’t kinakailangang naka-gown o cocktail dress ang mga babae, at naka-suit naman ang mga lalaki. Labis itong pinaghandaan ng lahat, lalo na si Rhoda. Pagkakataon na niya upang irampa ang bagong biling sapatos na de-takong.

Gaya ng dati, naging tampulan na naman ng munting usapan si Stella. Nakalong gown kasi siya subalit ang kaniyang sapatos ay rubber shoes.

“Baduy talaga. Hanggang dito ba naman, rubber shoes pa rin?” natatawang bulong ni Rhoda sa kaniyang mga kaibigan, na noon ay kasama niya sa mesa.

Nagsimula na ang maiksing programa. Pinarangalan ang “Best Employee” ng taong iyon, na walang iba kundi si Stella. Agad niyang tinanggap ang plake ng pagkilala. Binigyan siya ng pagkakataong magtalumpati, magpasalamat, at magbigay ng inspirasyon sa kaniyang mga kasamahan.

“Maraming salamat po sa ating mga bosses sa pagkilalang ito. Ginagawa ko po ang lahat ng makakaya ko upang maging mahusay sa trabaho. Kasi pinagbigyan po ako ng mga bosses natin, na ako ay makapagtrabaho sa kompanyang ito, sa kabila ng aking kalagayan. Sa kabila ng aking kapansanan,” panimulang mensahe ni Stella.

Nangunot ang noo ng lahat, lalo na ang grupo nina Rhoda. Kapansanan? Kung titingnan, mukhang maayos naman at walang iniinda ang dalawa. Nanahimik din ang lahat. Parang wala namang depekto sa kaniya.

Napangiti si Rhoda. Ipinagpatuloy niya ang talumpati.

“Alam ko, nag-iisip kayo ngayon kung ano ang mali sa akin—kung ano ang kapansanang tinutukoy ko. Ibig sabihin, tagumpay ako sa desisyon kong magpatuloy sa buhay. Na hindi hadlang ang kapansanan o kakulangan ng isang bahagi ng katawan ng tao upang maabot niya ang kaniyang mga pangarap,” pagpapatuloy ni Stella.

Advertisement

Pagkaraan, umupo sa isang upuan si Stella. Itinaas niya ang laylayan ng kaniyang long gown. At bumungad sa lahat ang kaniyang kanang binti— na isang artificial leg!

“Nagkaroon po ako ng polio noong bata pa ako. Hindi po naagapan. Hanggang sa mapagdesisyunang putulin ito. Pero hindi po ako nawalan ng pag-asa. Kahit na artipisyal ang binti ko, sinikap ko pong magpakatatag. Kaya po kung nagtataka kayo kung bakit ako nakamaong na pantalon, at laging naka-rubber shoes, ito po ang dahilan,” paliwanag ni Stella.

Napanganga naman ang lahat sa rebelasyon ni Stella. Tumango-tango naman ang mga boss nila at sumesenyas ang mga ito ng “ok sign.”

“Nagpapasalamat po ako sa mga bosses natin, kasi una pa lamang, alam na nila, at ayoko pong magkaroon ng special treatment dahil lang sa artificial ang binti ko. Ang hiling ko lang po, sana payagan nila akong magsuot ng pantalon, at magrubber shoes upang matakpan ito. Alam po ninyo, simula nang mawalan ako ng kaliwang binti, nakahiligan ko na ang pagbili ng rubber shoes. Hindi ako lumalabas ng mall kapag wala akong biling rubber shoes. Naputulan man ako ng binti’t paa, hindi naman mapuputol ang paghakbang ko upang maabot ang aking mga pangarap! Alam ko po, may ilan sa inyo ang nababaduyan sa aking get up, at alam ko po iyon. Tanggap ko po iyon. Para po maputol na ang mga isipin ninyo at makatulog na kayo nang mahimbing sa gabi, ito po ang dahilan kung bakit ako nakasuot lagi ng rubber shoes,” pagwawakas ni Stella.

Isang dumadagundong na palakpakan ang inialay ng lahat para kay Stella. Hiyang-hiya si Rhoda sa kaniyang sarili dahil hinusgahan niya kaagad ang kinaiinisang “baduy” na kasamahan.

Sa pagtatapos ng kasiyahan, hindi pinalampas ni Rhoda na malapitan si Stella upang humingi ng tawad dito. Tinawanan lamang siya nito at sinabihang “Wala iyon!”

Napagtanto ni Rhoda ang mga kamaliang kaniyang ginawa. Hindi sapat na dahilan ang panlabas na anyo ng isang tao, lalo na ang paraan ng kaniyang pananamit, upang magdikta sa kakayahan o kapasidad nito.