Nagtataka ang Binata Kung Bakit Lagi Siyang Iniiwan ng mga Babaeng Minahal Niya; Hanggang sa Isang Araw ay Napagtanto Niya ang Posibleng Dahilan Nito

“Sam… anak… puwede bang pumasok ang Papang mo?”

Mahihinang katok mula sa ama ni Sam na si Mang Andres. Hindi pa man sumasagot si Sam, pumasok na ito sa kuwarto ng nag-iisang anak na lalaki. May dala itong tray ng paborito niyang almusal na sinangag, itlog, at daing na bangus. Umaaso pa ang kape sa kaniyang mug. Marahan nitong inilapag ang kaniyang almusal sa mesita.

“‘Pang, bakit pa kayo nag-abala?” masuyong tanong ni Sam sa kaniyang ama. Mugtong-mugto ang mga mata ni Sam, bakas ang matinding pinagdaanan sa nakalipas na mga araw.

Ikakasal na dapat siya sa kaniyang nobyang si Tracy, ang ikasampu niyang nobya, subalit naudlot dahil umamin itong nagbubuntis sa ibang lalaki. Ikasampung heartbreak na niya ito. At siya ay 40 taong gulang na.

“Gusto lang din kitang kumustahin. Nag-aalala ako sa iyo. Tatlong araw ka nang hindi pumapasok sa trabaho. Baka hinahanap ka na ng boss mo. Saka, baka nagpatiwak*l ka na eh, mabuti na lang din na sinisilip kita,” biro ni Mang Andres sa kaisa-isang anak na lalaki.

“Si Papang talaga oo. Palabiro ka talaga eh. Hindi ko naman gagawin iyon. Parang hindi naman ako sanay na iniiwan? Tandaan mo, pansampu na si Tracy sa mga babaeng nanloko at nang-iwan sa akin. Mas masakit lang ho ito. Sino bang mag-aakalang sa mismong araw ng kasal namin sa huwes, aamin siyang nabuntis siya sa iba? Ipinahiya pa niya ako sa mga kaibigan ko, sa inyo. Ano pang ihaharap ko sa mga katrabaho ko?” paliwanag ni Sam.

Hinawakan ni Mang Andres ang kanang balikat ng anak. Tinapik-tapik ito.

“Huwag mo silang intindihin, anak. Kung hindi ka niya kayang mahalin, may makikilala ka pa namang iba riyan. Alalahanin mo ang kuwento namin ng Nanang mo, sumalangit nawa. Hindi ba’t matagal din kaming nagkagalit noon pero ang ending, kami rin pala sa isa’t isa,” natatawang pananariwa ni Mang Andres sa namayapang misis.

Advertisement

Pumihit si Sam sa kaniyang ama.

“Papang, ano ba ang mali sa akin? Bakit ba nila ako iniiwan? Pangit ba ako? Masipag naman ako. Paano ko pa kayo mabibigyan ng apo niyan? 40 years old na ‘ko…”

“Huwag kang magmadali, anak. Makakatagpo mo rin ang babaeng para sa iyo. Saka hindi naman ako nagmamadali. Nakahanda naman ako lagi kapag alam kong may nobya ka na naman, kaya sanay na sanay na ako,” nakangiting biro ni Mang Andres.

Natawa naman si Sam at kinain na ang kaniyang almusal.

Maagang sumakabilang-buhay ang kaniyang ina, kaya sanay siyang lumaki sa pangangalaga ni Mang Andres. Hindi siya nito pinabayaan. Ito ang tumayong ama at ina niya.

Simula noon hanggang ngayon, ito lamang ang nakakapagpawala sa lungkot na nararamdaman niya sa tuwing iiwanan siya ng mga babaeng minahal niya. Sampung mga babaeng hindi siya pinahalagahan.

Bumalik na nga sa trabaho si Sam. Makalipas ang tatlong araw, isang emergency ang nangyari. Sabi ng mga kapitbahay, bigla na lamang daw bumulagta sa sahig si Mang Andres. Mabuti na lamang at naitakbo sa ospital. Stroke. Matanda na kasi si Mang Andres.

Halos dalawang linggo ring walang malay si Mang Andres. Nasa estado ito ng comatose. Nag-vacation leave sa kaniyang trabaho si Sam upang maalagaan ang ama. Nang magising ito, pinayagan na siyang madischarge.

Advertisement

Upang mas matutukan ang pag-aalaga sa kaniyang ama na senior citizen na, minabuti niyang mag-indefinite leave. Napagtanto ni Sam na matanda na ang kaniyang ama. Ito ay nasa 65 taong gulang na. Habang pinagmamasdan ni Sam ang kaniyang nakahigang ama sa kama nito, may napagtanto siya. Muli niyang naalala ang mga panahong lagi niya itong sinasalubong sa pag-uwi nito mula sa trabaho, noong bata pa siya. Hindi ito nawawalan ng pasalubong na pagkain para sa kaniya, o kaya naman ay bagong laruan. Kapag may sakit siya, talagang lumiliban ito sa trabaho para lamang alagaan siya.

Sa wakas, bumuti-buti na ang lagay ni Mang Andres.

“Anak, hindi mo na kailangan pang alagaan ako. Paano ang trabaho mo?” nag-aalalang tanong ni Mang Andres. Hindi pa ito gaanong makapagsalita.

“Okay lang iyan ‘Pang. Aalagaan kita. Iyang trabaho puwede naman akong makahanap, pero ikaw? Nag-iisa ka lang,” sabi ni Sam.

Natawa si Mang Andres. “Loko ka. Baka hindi ka na makapag-asawa kapag inalagaan mo pa ako. Matanda na ako, anak. Papunta na talaga ko sa…”

“Papang, huwag mong sabihin iyan. Siguro kaya hindi pa ako maikasal-kasal kasi nakatadhana talaga ako para alagaan ka. Alam ko na ang sagot kung bakit ako iniiwan ng mga babae. Kasi ako ang mag-aalaga sa iyo,” sabi ni Sam sa kaniyang ama.

Nagkatawanan ang mag-ama. Totoo sa puso ang pahayag ni Sam. Alam na niya ngayon sa sarili niya na nakatadhana niyang alagaan ang kaniyang pinakamamahal na ama, na alam niyang hindi siya sasaktan.