Inday TrendingInday Trending
Nakikiusap ang Lalaking Ito na Balikan Siya ng Babaeng Pinakamamahal Niya; Maawa Kaya sa Kaniya ang Babae?

Nakikiusap ang Lalaking Ito na Balikan Siya ng Babaeng Pinakamamahal Niya; Maawa Kaya sa Kaniya ang Babae?

“Saan ba ako nagkulang sa iyo, Salve? Parang awa mo na. Huwag mo naman akong iwan nang ganito. Hindi ako mabubuhay nang wala ka. Hindi ko alam kung mabubuhay ako nang wala ka.”

“Tantanan mo na ako, Eric. Nakikiusap ako sa iyo. Lumayo ka na sa akin. Hindi ko na kayang tiisin pa na magkasama tayo. Parang awa mo na. Huwag mo naman akong pahirapan nang ganito. Hindi ko alam kung sa patuloy pa nating pagsasama, patuloy pa rin kitang gagalangin. Baka matagpuan ko na lamang ang sarili ko na hindi ko na rin gusto ang sarili ko.”

“Ano bang problema sa relasyon natin, Salve? Magkababata tayo. Alam na natin ang likaw ng bituka ng isa’t isa. Alam na natin kung gaano kabaho ang utot ng bawat isa. Batid na natin kung ano ang mga paborito nating pagkain. Natatandaan mo noong nasa elementarya pa lamang tayo? Lagi akong nakasubaybay sa iyo. Grade 2 pa lamang yata tayo, alam ko na sa sarili ko na mahal na kita. Kaya naman kapag may nang-aasar sa iyo, pinatitikim ko ng aking kamao. Kapag wala kang baon dahil hindi ka binigyan ni Tiya Letlet, ibinibigay ko sa iyo ang baon ko kahit gutom din ako. Kapag wala kang takdang-aralin, ako ang gumagawa nito. Kapag napagalitan ka dahil sa kaingayan at ang parusa ay paglilinis ng CR, ako ang gumagawa. Kulang pa ba ang mga ginawa ko noon para patunayang mahal na mahal kita?”

“Eric…”

“Noong hayskul tayo, tayo rin ang magkasama. Hatid-sundo kita, kasi masyado kang maganda. Natatakot sina Tiya Letlet na baka mapaano ka, na baka may bumiro sa iyong ibang lalaki sa daan, kaya ako ang naging bodyguard mo. Pumayag naman ako, kasi ganoon din naman ang gusto ko. Hindi ko alintana kahit mapapagod ako sa kalalakad magmula sa amin patungo sa inyo para sunduin ka—kasi masaya akong makakasama kita habang palakad tayo tungo sa paaralan. Hahawakan ko ang isang kamay mo. Magpapahawak ka naman. Pagkatapos, sa uwian ay muli tayong lalakad mula paaralan para naman ihatid kita sa inyo. Tapos, saka ako uuwi. Pagdating sa bahay, agad akong rerenta ng telepono para lang sabihin sa iyo na ligtas akong nakauwi; hindi pa kasi uso ang cellphone noon.”

“Eric…”

“Ako ang ka-date mo sa JS Prom. Muntik na akong masipa sa paaralan dahil inaway ko yung kaklase natin na nais kang isayaw. Hindi ako pumayag. Ako ang date mo, ‘di ba? Bakit ka makikipagsayaw sa iba. Para akong bangag na aso nang makita kong nasa bisig ka ng iba. Kaya sinapak ko siya sa mukha. Isa, dalawa, tatlo, apat, lima. Limang sapak sa mukha niya, Salve. Muntik ko nang mabura ang mukha niya. Mabuti na lang, umawat ang iba nating mga kaklase at guro. Muntik ko nang masira ang gabing iyon, Salve. Para sa iyo. Para lang sa iyo.”

“Eric, please… itigil mo na ‘to.”

“Pagdating sa kolehiyo, halos mabaliw-baliw ako nang malaman kong sa ibang state university ka mag-aaral. Kursong edukasyon. Gusto mong maging guro, kamo. Nakapasa ka sa isang state university na puro pangguro ang kurso. Ako… hindi ko gusto ang maging isang guro, pero isinakripisyo ko iyon para makasama ka lang! Sinikap kong makapasa rin para doon ako mag-aral, para makasama ka. Para mabantayan kita. Kahit hindi ko gusto ang ginagawa ko, Salve. Pinili kong isakripisyo ang magiging kinabukasan ko para sa iyo!”

“Tama na, Eric. Kung patuloy mo akong susumbatan…”

“Hanggang sa makatapos ka; ako, hindi ko kinaya. Naka-dalawang taon lamang ako. Hindi ko talaga gusto ang inaaral ko. Tumigil na lang ako sa pag-aaral. Ayoko rin namang mag-aral sa ibang paaralan kung wala ka rin. Mas minabuti ko na lamang na ilaan ang oras at araw ko para maihatid ka at masundo ka. Doon ako nagkamali. Dahil noong nawala ako sa tabi mo, may nakilala kang iba. Dalawang taon mong inilihim sa akin na pinipindeho mo ako…. pinagtaksilan mo ako, Salve. Pero handa kitang patawarin ngayon, Salve. Bumalik ka lang sa buhay ko. Handa kong kalimutan na nagtaksil ka sa relasyon natin. Huwag kang magpakasal sa kaniya, kundi ay mawawala siya sa mundong ito. Kagaya ng ginawa ko sa mukha ng kaklase natin sa prom. Higit pa roon ang gagawin ko sa kaniya, kapag nakalabas ako rito! Kapag nakalabas ako rito!”

“E-Eric… hindi kita pinagtaksilan. Wala tayong relasyon. Hindi naman naging tayo.”

“Salve… akala ko naman ay nagkaunawaan na tayo…”

“Eric, akala ko nauunawaan mong magkaibigan lamang tayo.”

“Sabi mo mahal mo ako?”

“Oo mahal kita. Bilang kaibigan. Bilang… kapatid. Kaya naiiyak ako ngayon sa kalagayan mo. Magpagaling ka, ha? Kapag gumaling ka… mamamasyal tayo. Magpagaling ka nang husto, Eric. Hihintayin kita…”

“Ma’am, tapos na po ang oras ng dalaw. Kailangan na po ninyong umalis.”

“Kayo na ang bahala sa matalik kong kaibigan. Pagalingin ninyo siya. Ibalik ninyo siya sa katinuan…”

“Salve… Salve… kapag nakawala ako rito’y magpapakasal tayo, at walang makakalapit na kahit na sinong lalaki sa iyo… Salve! Salve!”

“Eric… pagaling ka… magpagaling ka…”

Advertisement