
Nawalan na ng Pag-Asa ang Babaeng Ito na Muli Pa Niyang Makikita ang Naglayas na Pinsan; Magkita pa Kaya Sila?
Pakiramdam ni Ailyn ay pagod na pagod na siya nang araw na iyon, kaya minabuti na lamang niyang mahiga at magpahinga. Wala siya sa wisyo para magsaing at magluto; siya lang naman mag-isa.
Dalawang taon. Dalawang taon na siyang hindi pinatatahimik ng kaniyang konsensya. Hindi niya alam kung saan magsisimula, kung saan maghahanap. Hindi mawala-wala sa isipan niya kung nasaan na ba ang pinsan niyang si Utoy.
Walong taong gulang pa lamang si Utoy noon. Napunta sa kaniyang pangangalaga ang pinsan. Ulila na sa ama, naulila pa sa ina. Walang may nais umampon. Naawa siya. Siya na lamang ang kumupkop, tutal naman ay matandang dalaga siya.
At dahil nga matandang dalaga siya, may mga pagkakataong bigla na lamang siyang nawawala sa kaniyang mood. Tanging mga babae lamang ang nakakaalam. Sala sa init, sala sa lamig.
“Utoy, puro ka laro sa labas eh. Maglinis-linis ka naman dito sa bahay. Pagod na nga ako sa pagtatrabaho para may maipalamon sa ‘yo, ang tamad-tamad mo pa!”
Kung sumulyap sana siya sa mukha ng pinsan, sana ay nakita niya ang pagbadha ng kalungkutan sa mga mata nito.
Kalungkutang lalong nadagdagan simula nang maulila sa mga magulang. Sa murang edad, kailangan pa ng pagkalinga. Kailangan pa ng pagmamahal.
Kinabukasan, gulat na gulat siya nang malamang wala na sa loob ng bahay ang pinsan.
Wala sa banyo.
Wala sa likod-bahay.
Wala sa mga anak ng kapitbahay na maagang lumalabas, naglalaro ng piko, patintero, o bangsak sa lansangan.
Nasaan ang batang ‘yon?
Wala ring nakakita ni isa sa mga kapitbahay na chismosa, kung kailan kailangang-kailangan sila.
“Naku baka napagalitan mo at naglayas,” wika ni Aling Tetay, ang numero unong ‘CCTV’ sa kanilang kalye. “Ganyan talaga ang mga bata ngayon. Kaunting kibot lang, aalis na.”
Dahil 24 oras nang nawawala, inireport na ni Ailyn sa barangay at pulisya ang pagkawala ng bata.
Hindi naman sila nagkulang sa pagpapaskil ng mga poster ni Utoy sa mga pader, dingding, poste ng kuryente, at maging sa mga bakanteng establisyimiento upang manawagan sa mga taong makakakita sa kaniya, at nang makabalik na. Wala talaga.
Ilang beses na ring nagoyo si Ailyn. Padadalhan siya ng text message. Nakita na raw ang bata at sasamahan siya sa lugar na tinutuluyan nito. Ang ending, gusto lang palang makipagkilala sa kaniya. Isang lalaking m*nyakis, o tambay. Minsan pa nga, hinihingan pa siya ng malaking halaga.
Lumipas ang isang taon. Wala pa rin si Utoy.
Minsan, nais na niyang sumuko sa paghahanap.
Pero naiisip niya, hindi naman alagang aso o alagang pusa ang nawawala. Tao. Bata. Paslit. Siyam na taong gulang na si Utoy. Ang alagang aso nga at pusa, hinahanap; tao pa kaya? Bata pa kaya?
Nakaplano na ang mga gagawin niya kapag natagpuan niya si Utoy.
Ipagluluto niya ito ng paboritong spaghetti at piniritong manok.
Ipapasyal sa mall.
Ibibili ng mga laruan, o kaya’y bagong damit. Bagong sapatos kaya.
May kung ilang beses na niyang napanaginipan na nagagalit sa kaniya ang tiyo at tiya na mga magulang ni Utoy. Sinusumbatan siya. Pabaya umano siya.
At ang araw na ito, saktong ikalawang anibersaryo ng paglalayas ng pinsan.
Imposible namang sumunod na ito sa langit, kasama ang mga magulang. Walang b*ngkay na natagpuan, kung mayroon man.
Ang haba ng tulog ni Ailyn. Umaga na naman. Papasok na naman siya sa trabaho sa umaga, at sa uwian, igugugol sa paghahanap sa pinsan.
Matapos makaligo at makapaghanda, lumarga na si Ailyn.
Hindi niya malaman kung bakit tigil-pasada ang mga jeepney. Wala siyang masakyan. Punuan ang mga FX. Sabi ng isang mama, ‘strike’ daw ang mga tsuper.
Walang nagawa si Ailyn kundi ang lakarin ang kahabaan ng Commonwealth, baka-sakali kasing makatiyempo ng masasakyan.
Sa kaniyang paglalakad, naraanan niya ang ilang mga batang lansangan na nakahiga sa semento. Nakaramdam siya ng awa. Naalala na naman niya si Utoy. Napatingin siya sa isang batang nanlilimahid, nangangalkal ng basurahan.
Pamilyar ang bulto nito.
Teka… si Utoy ba ‘yun?
Hindi niya masyadong mabanaagan dahil nababalot ng dumi sa katawan, lalo na sa mukha.
Tila dagang nabulabog ang bata nang makita siya.
“U-Utoy? Utoy, ikaw nga…”
Awtomatikong niyakap ni Ailyn ang bata, wala siyang pakialam kung marumi at mabaho ito. Natitiyak niyang si Utoy ito dahil hindi naman pumalag. Naglandas ang mga luha sa mga mata nito, kaya nabasa ang mukha, at nalusaw ang libag at itim-itim.
Si Utoy nga.
“S-Saan ka ba nanggaling, saan ka ba nagsuot? Bakit ka umalis ng bahay?” umiiyak na untag ni Ailyn sa pinsan. Daig pa niya ang pakiramdam ng nanalo sa lotto.
“Sabi mo kasi palamunin lang ako… kung ayaw mo sa akin Ate, aalis na lang ako,” paliwanag ni Utoy.
“Patawarin mo ako, Utoy. Hindi na mauulit. Hindi na mauulit ang mga nasabi at nagawa ko. Umuwi ka na. Balik ka na.”
Kinabukasan, nagising si Utoy sa mabangong amoy ng spaghetti at pritong manok.
“Kain ka na, Utoy. Bilisan mo at mamamasyal tayo sa mall,” nakangiting sabi ni Ailyn sa pinsan.
Simula noon ay naging maganda na ang pakikitungo ni Ailyn sa kaniyang pinsan, na bagama’t hindi niya anak, ay kaniyang kadugo… isang kapamilya.