Inday TrendingInday Trending
Pinagkatiwalaan ng Ginang na Ito ang Event Coordinator sa Handaan ng Binyag ng Anak Niya; Bakit Nabigla ang Lahat Nang Makapunta na sa Venue?

Pinagkatiwalaan ng Ginang na Ito ang Event Coordinator sa Handaan ng Binyag ng Anak Niya; Bakit Nabigla ang Lahat Nang Makapunta na sa Venue?

“Sige na klasmeyt, ako na ang bahala sa magiging reception ng inaanak ko. Pagagandahin natin nang bonggang-bongga! Basta ba, pumayag ka na ako na ang maging event coordinator,” pakiusap ni Roselle sa kaniyang kaklase noong hayskul na si Debbie.

Nagulat din si Debbie na bigla na lamang niyang naging panauhin ang dating kaklase. Sa tuwing binabalikan niya ang nakaraan, hindi naman sila ganoon kalapit nito. May mga pagkakaraong nagkakausap sila subalit hindi malalim.

Makalipas ang maraming taon, nagulat siya na bigla na lamang itong nagsadya sa kanilang bahay, nang malaman umano nito na bibinyagan na ang kauna-unahang anak niyang si Maggie. Ang kaniyang mister na si Bogs ay nasa ibang bansa bilang isang OFW.

“Eh Roselle… ganito kasi ‘yun, may nakuha na kasi kaming event coordinator, matagal na naming kakilala ‘yun. Saka, magpapaalam muna ako sa asawa ko na nasa ibang bansa, siya kasi ang gagastos.”

Kitang-kita ang pagbadha sa mukha ni Roselle.

“Pero huwag kang mag-alala, malay mo naman sa mga susunod na araw eh, may event coordinator na kailangan ang isa sa mga kaibigan o kakilala ko, ikaw ang ire-refer ko.”

Naputol ang sasabihin sana ni Debbie nang mag-ring ang kaniyang telepono. May kinausap ito saglit.

“Roselle, mabuti naman at hindi ka pa nakakaalis. Tumawag ang event coordinator namin. Mukhang hindi na niya magagawa yung sa amin, kasi nagkasakit daw siya. Sige, ikaw na lang ang maging event coordinator ng binyag ni Maggie.”

Tuwang-tuwa naman si Roselle sa raket na dumapo kaagad sa kaniya.

“Huwag kang mag-alala, Debbie, titiyakin natin na magiging sulit ang budget na ibibigay mo sa akin. Magkano ba ang budget mo?”

“Mga nasa 40,000 pesos ang budget namin para sa reception.”

“Ah sige, malaki-laki na ‘yan. Sige, pag-usapan na natin ngayon.”

Subalit sa kanilang pag-uusap ay parang nadagdagan pa ang kailangang gastusin dahil sa mga iminungkahi ni Roselle: magpapagawa raw siya ng personalized cake, may magiging emcee at payaso para sa mga bata, mga tokens at souvenirs na ipamamahagi sa mga panauhing pili rin naman, at pinakamagaling na catering services na pawang masasarap umano ang putahe.

Sa kanilang pagkukuwenta, umabot na sa halos 80,000 piso ang magagastos.

“Naku, parang dumoble yata? Tatanungin ko muna ang asawa ko kung papayag siya.”

“Sana pumayag ang asawa mo kasi maganda yung mga napag-usapan natin. Tiyak na matutuwa ang mga bisita.”

“Oo nga eh, gusto ko rin naman. Oh baka kaya ang gawin ko na lang, tig-kalahati na lang kami. Sa kaniya ang 40,000 pesos na talagang napag-usapan namin, tapos sa akin na lang ang kalahati, kasi siguradong hindi papayag iyon. Pero tama ka eh, minsan lang naman mangyari ito, bakit hindi na bonggahan?”

At nag-umpisa na nga ang preparasyon. Laging updated si Debbie dahil maya’t maya rin ang tawag ni Roselle sa kaniya para sa pagbili nito ng mga kagamitan. Nagpapadala naman ito ng mga resibo kaya kampante si Debbie.

“Puwede ko bang makita ang venue?” tanong ni Debbie.

“Naku Debbie, mas maganda kung sa mismong araw na. Para may sorpresa.”

Kaya naman ang inasikaso na lamang ni Debbie ay ang pamimili ng susuutin ng kaniyang anak sa binyag.

At dumating na nga ang araw ng binyag. Dahil limitado lamang ang mga panauhin, ang iba ay nanood na lamang sa pamamagitan ng live streaming, kabilang na ang mister ni Debbie.

Naging matagumpay naman ang binyagan. Kanina pa tinatawagan ni Debbie si Roselle upang abisuhan itong papunta na sila sa venue ng reception. Hindi nito sinasagot ang tawag.

“Baka abala ito sa pag-aayos doon,” nausal na lamang ni Debbie. Sinabihan na niya ang mga bisita sa lokasyon ng venue.

Ilang sandali, nasa tapat na sila ng Marcheza Pavillion, ang venue ng reception. Nagulat si Debbie, maging ang mga panauhin, nang makitang nakasarado ito at ni isang palamuti ay wala!

Nagtanong si Debbie sa guwardiya.

“Sir, dito po kasi ang venue ng reception ng anak ko, kakabinyag lang ho. Sarado ho kasi rito eh, baka sa ibang gusali po yung nakuha namin?”

Kinuha ng guwardiya ang log book niya. Binuksan. Binasa. Sinipat-sipat nang maigi ang bawat pahina.

“Ma’am, wala pong naka-book ngayon batay rito sa record ko. Kung gusto po ninyo, puwede n’yo pong kausapin ang boss namin, nasa opisina po siya ngayon, para mas maberipika ninyo.”

Hindi na nagpatumpik-tumpik pa si Debbie. Pinabitbit niya na muna ang anak na si Maggie sa isa sa mga ninang nito. Habang nasa harapan siya ng manager ay nakadaiti sa kanang tainga niya ang cellphone, tinatawagan si Roselle, subalit nagri-ring lamang ang cellphone nito at hindi siya sinasagot.

Kinakabahan si Debbie. Usal niya, sana ay nagkamali lamang siya ng venue. Subalit tama naman ang nakalagay sa invitation cards na ipinamahagi nila, gayundin sa text message ni Roselle.

Manager na mismo ang nagsabi na walang naka-book sa araw na iyon.

Pakiramdam niya ay pinagsakluban siya ng langit at lupa. Galit na galit ang mister niya sa kabilang linya.

Hindi na rin ma-contact si Roselle.

Niloko siya ni Roselle.

Sa pamamagitan ng tulong ng kanilang mga dating kaklase ay natunton nila ang tirahan ni Roselle subalit wala na ito sa kaniyang inuupahang apartment. Sabi ng kasera, bigla na lamang itong nag-alsa balutan at hindi rin binayaran ang anim na buwang pagkakautang sa hindi nabayarang renta.

Makalipas ang tatlong araw ay nasukol na rin si Roselle matapos kumalat sa social media ang post ni Debbie sa mga nangyari.

“Patawarin mo ako, Debbie… nagawa ko lang naman ang lahat dahil nagipit ako,” pagmamakaawa ni Roselle.

“Lahat naman tayo may pinagdaraanan Roselle, pero sana lumaban ka nang patas. Kung nagsabi ka na lamang sa akin ng totoo, baka pinautang na lamang kita. Patatawarin kita pero kailangan mong matutuhan ang leksyon mo sa ginawa mo,” ani Debbie.

Itinuloy ni Debbie ang pagsasampa ng kaso laban kay Roselle. Matibay ang naging ebidensya laban sa kaniya, magmula sa mga saksi, hanggang sa mga resibong ibinibigay niya, na napatunayang puro peke at palsipikado.

Tuluyan na ngang nakulong si Roselle dahil bukod kay Debbie ay marami na rin pala itong ibang naloko.

Advertisement