
Ginawa ng Lalaking ito ang Lahat Upang Balikan Siya ng Kaniyang Nangibang-Bahay na Asawa; Tila Nakalimutan naman Niya ang Kaniyang Anak
Nagising ang dalaga sa kalagitnaan ng gabi, dahil sa isang malakas na kalabog mula sa kabilang silid. Dahil doon ay pupungas-pungas siyang lumabas ng kaniyang kwarto upang silipin kung ano ang nangyayari sa kaniyang mga magulang, para lang abutan ang kaniyang amang umiiyak doon nang mag-isa.
Nakabukas ang aparador sa kwarto ng mga ito at walang laman ang espasyong para sa kaniyang ina. Ibig sabihin ay nawawala ang mga gamit nito roon, ganoon din ang koleksyon nito ng mga sapatos sa tabi ng pintuan.
“W-wala na ang mama mo, anak. Iniwan niya na tayo,” sabi ng kaniyang amang nanlulumong nakatingin sa kaniya ngayon.
Sampung taon na noon si Abi kaya naman lubos na niyang naiintindihan kung ano ang nangyayari. Dahil doon ay patakbo niyang tinungo ang direksyon ng kaniyang ama para yakapin ito at damayan sa sakit na nadarama nito ngayon dahil sa pang-iiwan sa kanila ng kaniyang inang hindi nagtagal ay napag-alaman niyang sumama pala sa ibang lalaki.
Malaki ang naging pagbabago sa kaniyang ama matapos ang gabing iyon. Tila kasi nawalan ito ng gana sa buhay. Ni hindi na ito naliligo o pumapasok sa trabaho. Madalas din itong nagpapalipas ng gutom at dahil doon ay labis nang nag-aalala si Abi sa kaniyang ama. Bata pa lang siya noon ngunit kinailangan na niyang asikasuhin ang kaniyang sarili, pati na rin ito na para bang nag-aalaga siya ng nakababatang kapatid nang mag-isa.
Hanggang sa halos mawalan na sila ng kakainin dahil hindi na nga pumapasok sa trabaho ang kaniyang ama. Wala na silang pera kaya pati na rin tubig at kuriyente ay naputulan sila! Dahil doon ay wala nang nagawa si Abi kundi ang mag-iiyak na nang makita naman ng kaniyang ama ay tila ba saka ito natauhan.
Matapos iyon ay bigla na lang itong nabuhayan. Muli itong naghanap ng trabaho at nagsimulang ayusin ang kaniyang sarili. Ibinuhos nito ang lakas nito upang maging mas maayos na lalaki, hindi para sa anak nitong si Abi, kundi para balikan siya ng asawa.
Nagbalik na nga sa kaniyang sarili si Ariel, ngunit para kay Abi ay hindi pa rin bumabalik ang kaniyang ama. Sa kaniya pa rin kasi nakaatang ang lahat ng gawaing dapat na ito at ang kaniyang ina ang gumagawa, maliban sa pagtatrabaho. Dahil doon ay unti-unting lumayo ang loob niya sa ama. Habang pinipilit nitong makipaglapit sa kaniyang ina sa pamamagitan ng pagpapakitang gilas ay siya namang paglayo rito ng loob niya.
Huminto sa pag-aaral si Abi nang hindi nito namamalayan. Wala siyang ibang inatupag kundi ang pakikipagbarkada at sa murang edad ay natuto itong magbisyo dahil sa impluwensiya ng mga bagong kakilala. Doon ay tila saka lang natauhan si Ariel.
“Patawarin mo ako sa nagawa ko, anak. Sa kagustuhan kong mabuo ang pamilya natin at muli nating makasama ang mama mo ay ikaw naman ang napabayaan ko! Nakalimutan kong mayroon pa nga pala akong anak na dapat mas pagtuunan ng pansin!” nakaluhod at sapo ang sariling mukhang anang kaniyang ama matapos siya nitong sunduin sa isang bakanteng lote kung saan siya nito nahuling humihithit ng sigarilyo kasama ang kaniyang mga kabarkada. Agad namang naluha ang mga mata ni Abi, pagkatapos ay niyakap ang kaniyang ama. Simula noon ay muli nilang ginawa ang lahat upang mas maging maayos ang kanilang pamumuhay.
Malaki ang nakuhang pera ng kaniyang ama mula sa dati nitong pinagtatrabahuhan dahil sa tagal nitong naging empleyado roon. Iyon ang ginamit ng mag-amang Abi at Ariel upang makapagtayo sila ng maliit na bigasan sa bayan na kalaunan ay unti-unting lumago sa kanilang pagtutulungan. Maiksing panahon lang ang kinailangan upang tuluyang maging mas maayos at mas maalwan ang buhay ng mag-ama, at nang makarating iyon sa kaalaman ng ina ni Abi, ay halos magkumahog itong bumalik sa kanilang puder, lalo pa’t wala na rin palang pera ang lalaking ipinagpalit nito sa kanila noon!
Bumawi sa kanila ang kaniyang ina. Ginawa nito ang lahat upang mapatawad nila siya, ngunit alam ni Abi na iyon ay dahil lang sa mas maayos na buhay na kaya nilang ibigay ng kaniyang ama rito kaya naman hindi na nila iyon pinaniwalaan pa. Siguro ay hihintayin na lamang nilang totoong magbago ito, ngunit sa ngayon ay magpapakasaya muna sila nang magkasama sa panibagong buhay na mayroon sila.