
Hindi Matanggap ng Matandang Negosyante na Babae ang Naging Apo Niya sa Nag-iisa Niyang Anak; Ngunit Magugulat Siya sa Kaya Nitong Ipakita
Tanging ang pagkunot na lamang ng noo ang nagawa ni Don Alvino nang mga sandaling iyon matapos niyang mapanuod sa telebisyon ang nangyari sa kaisa-isa niyang anak na si Paulino. Ilang taon din niyang hindi nakita ang anak na ito matapos nitong magrebelde sa kaniya at magpakalayo-layo kasama ang asawa nitong nang mga panahong iyon ay nagdadalang tao. Iyon ay matapos niyang subukang mapaghiwalay ang mga ito dahil gusto niyang ipakasal ang kaniyang anak sa anak ng dati niyang kasosyo sa negosyo.
Hindi na niya nakita ang anak sa nakalipas na dalawampu’t isang taon, at mukhang malabo na niyang makita itong muli ngayon…sapagkat sumakabilang buhay ang kaniyang anak, nito lamang nakaraang araw, kasama ang asawa nito habang sakay ng minamaneho nitong truck na siyang naghahatid ng mga ibinabagsak nitong pananim sa mga palengke ng Maynila.
Gustong maghinagpis ni Don Alvino sa kaniyang nalaman, ngunit hindi niya iyon kayang ipakita sa mga tao, lalo pa at kailan man ay wala pang nakakita ng kaniyang kahinaan. Lihim na lamang na nadudurog ang kaniyang puso sa tuluyan nang pagkawala ng kaniyang anak. Ngunit isang utos ang ibinigay niya sa kaniyang mga tauhan, at iyon ay hanapin nila ang kaniyang kaisa-isang apo…
Araw lang ang kinailangan upang matupad ng kaniyang mga tauhan ang kautusang ’yon ni Don Alvino, dahil nang umagang iyon ay hindi inaasahang lumitaw sa kaniyang harapan ang nag-iisang anak ni Paulino at ng asawa nitong si Estelina… ang dalagang si Estella.
“Kumusta po, lolo?” ang magalang na bati ni Estella sa kaniyang lolo, bagama’t nakakunot ang noo nito. Ganoon na lang kasi ang pagkadismaya ng mayamang negosyanteng ito matapos nitong malamang babae pala ang naging kaisa-isa niyang apo kay Paulino!
“W-wala ka bang kapatid, hija? Lalaki? Wala ka bang kapatid na lalaki?” nauutal na tanong ng don sa kaniyang apo na hindi man lang pinansin ang pangungumusta nito.
Napangiwi naman si Estella sa inasal ng kaniyang lolo, ngunit nanatili ang paggalang niya nang tugunin niya ito. “Wala po. Ako ang nag-iisang anak ng mga magulang ko.” Sa sagot na iyon ay nanlumo ang don.
“Kung ganoon ay kailangan mo nang mag-asawa upang mayroong magmana ng aking kompaniya,” sabi ng matanda habang nanghihinang napaupo.
“Pasensiya na po, pero wala pa ’yan sa isip ko. Hindi ko gustong mag-asawa nang maaga,” mariin namang sagot ng dalaga na nagpaangat muli ng ngayon ay nayuyukong tingin ng don.
“Susuway ka rin ba sa akin kagaya ng ama mo?” napailing ito habang hindi naman sumagot si Estella. “Kung ayaw mo rin namang mag-asawa agad ay lumayas ka na sa harap ko. Walang paraan na ibibigay ko sa isang babae ang pangangalaga ng kompaniya ko! Wala kayong puwang sa mundong ito,” tahasang aniya sa kaniyang apo na ni hindi man lang natinag sa lakas at lagong ng kaniyang tinig.
“Wala rin naman ho akong balak na manahin ang kompaniya ng isang pabayang amang katulad n’yo. Sa totoo lang, pumunta lang naman ako rito dahil pinakiusapan ako ng mga tauhan n’yo’t inakala kong kahit papaano, katulad ko ay nagluluksa kayo. Ngunit hindi pa rin talaga kayo nagbabago,” napapangising saad sa kaniya ng dalaga bago siya iwan nito.
Ganoon na lang ang pagkabigla ng don sa nasaksihang katabilan ng kaniyang apo! Doon pa lang ay walang dudang anak nga ito ni Paulino, at namana nito sa ama…ang namana rin naman ni Paulino sa kaniya!
Ngunit may hindi inaasahang nangyari. Wala pang isang linggo ang nakalilipas mula nang magkita sila ng kaniyang apo ay isinugod sa ospital si Don Alvino dahil sa atake sa puso. Bunga iyon ng labis na pagpipigil niya sa kaniyang damdamin, at dahil doon ay kinailangan niya muling ipatawag si Estella dahil walang ibang hahalili sa kaniya kundi ito!
Mabuti na lang at malugod na tinanggap ni Estella ang nasabing obligasyon nang malaman ang nangyari sa kaniyang lolo, at doon ay nagsimulang magpakitang gilas si Estella. Ipinakita nito ang galing nito sa paghawak ng isang kompaniya gayong isa lamang itong dalagang ni hindi pa nga yata tapos ng kolehiyo!
Tila biglang nawala ang pamantayan ng don pagdating sa kasarian nang makita niyang tila mas magaling pa sa kaniya si Estella! Labis ang naging paghanga niya sa kakayahan nito at dahil doon ay nagsisi siya sa napakaraming maling desisyong nagawa niya sa anak niya at sa pamilya nito, lalo pa at sa paglipas ng mga panahon ay unti-unting napalapit sa kaniyang loob ang kaniyang apo.
“Hindi po masamang magpakita ng emosyon, lolo. Para sa akin, ang taong alam at tanggap ang kahinaan niya’y siyang pinakamalakas sa lahat. Iyon ang lamang ko sa inyo, lolo,” minsan ay pangaral pa sa kaniya ng kaniyang apo.
Sa sinabing iyon ni Estella, wala nang ibang nagawa pa ang don kundi ang ibuhos ang matagal na niyang itinatagong emosyon. Nagpakita siya ng kahinaan sa kaniyang apo at pagkatapos noon ay napakalaki ng iginaan ng kanyang loob! Sa wakas ay natutunan din ng don ang napakaraming leksyon na matagal niyang ipinagsawalang bahala. Hindi niya akalaing ang kaniya palang apo, na isang babaeng minamata-mata niya, ang siyang magpapakita nito sa kaniya.