
Nagkaroon ng Ambagan ng Pera sa Klase Para sa Gagawing Relief Operation ng Kanilang Paaralan; Bakit Kaya Palihim na Nag-usap ang Pangulo at Ingat-Yaman?
“Okay klasmeyts, ihanda n’yo na ang mga pera ninyo ah, magkakaroon tayo ng ambagan para sa mga biktima ng bagyong Ambo. Tig-10 piso sana tayo…”
Hindi pa man natatapos ang anunsyo ng pangulo ng klase na si Cedric ay samu’t saring reaksyon at komento na ang narinig sa klase, habang hinihintay nila ang pagpasok ng kanilang propesor sa asignaturang Values Education.
“Hindi ba puwedeng relief goods na lang? Magdala na lang kami ng mga makukuha naming pagkain sa bahay gaya ng noodles o de-lata, pagsama-samahin na lang, bakit kailangang pera pa?” sabi ng isa.
“Kasi kung 35 tayo sa klaseng ito, at kung 10 piso bawat isa, medyo maliit lang ang malilikom natin, eh tiyak na marami naman ang nasalanta ng bagyo,” wika naman ng isa.
“Ganoon nga rin ang naiisip ko noong una eh. Napag-utusan lang ako, klasmeyts. Ibibigay namin ni Alice na ating ingat-yaman ang malilikom na pera sa Student Council. Sila na raw ang bahalang maglikom para sa lahat ng mga mag-aaral ng campus,” paliwanag naman ni Cedric.
Napabuntung-hininga naman ang lahat.
“Bakit kasi ngayon lang sinabi iyan eh saktong-sakto lang ang pera ko pangkain saka pamasahe pauwi,” bugnot na sabi ng isang mag-aaral na nagtatrabaho rin pagkatapos ng klase.
“Oo nga. Wala namang kaso pero sana huwag naman pabigla-bigla! Hindi naman natin pinupulot ang pera,” wika naman ng isa na kilalang kuripot ang mga magulang.
“Ang mahal naman!”
“Puwede bang limang piso na lang?”
At marami pang ibang mga pahayag.
Sumenyas si Cedric nang ‘tahimik’ subalit hindi siya pinakinggan ng mga kaklase. Hinampas niya ang mesa na nakalaan sa mga propesor at nanahimik ang lahat.
“Sige ganito na lang, para matapos na, kung ano na lang ang bukal sa puso ninyong ibigay. Okay na ‘yun. Mahalaga ang bawat baryang maitutulong natin sa kanila. Kaya kapag napagsama-sama natin iyan, malaking bagay na.”
Nagsimulang lumibot sa klase ang ingat-yaman na si Alice habang inililista sa isang papel ang pangalan ng mga kaklaseng nagbigay, at kung magkano ang ambag nila. Karamihan naman ay 10 piso ang ibinigay, may ibang 7 piso, 5 piso, at ang pinakamababa ay piso.
“Hay ano ba naman ‘yan… hindi pa nga ako nakakabayad sa photocopy ng silabus natin at sa aklat na kailangang basahin eh nabawasan pa ang pera ko,” reklamo ng isa.
“Huwag kayong mag-alala dahil mapupunta naman sa kawanggawa ang pera. Isipin na lamang ninyo na marami tayong matutulungan. Yung 10 piso o piso na iniabot ninyo ay may buhay nang mababago,” paliwanag ni Cedric. May sumagot ng ‘Amen!’ Dumating ang kanilang propesor. Naupo na sina Cedric at Alice.
Pagkatapos ng klase, naiwan sa loob ng silid-aralan sina Cedric at Alice. Binilang nila ang mga nalikom na pera. Umabot sa 3000 piso.
Bago magsalita, lumingon muna sila sa kanilang paligid.
“Oh hayan, 3,000 piso… malaking halaga na iyan,” iniabot ni Alice kay Cedric ang pera. “Cedric, parang awa mo na, huli na ito ah. Ayoko nang sumabit…”
“Salamat. Ngayon, itapal mo ‘yang halaga na ‘yan sa mga nakuha kong pera mula sa pondo natin bago pa malaman ng mga kaklase natin na kinukupit ko ang pondo ng klase,” utos ni Cedric kay Alice.
“Huli na sana ito, Ced.. nakokonsensya na ako sa mga kaklase natin sa tuwing nagtatangka silang mag-loan sa pondo natin, tapos sasabihin ko na walang pondo dahil may iba ring umutang at hindi pa nagbabayad. Iyon pala, nasa iyo lang pala…”
“Salamat talaga Alice, alam ko namang hindi mo ako ibubuking dahil type mo ako, ‘di ba?” at pinamungay ni Cedric ang kaniyang mga mata kay Alice. Nagbaba naman ng kaniyang paningin ang dalaga.
Paglabas ng paaralan ay tuwang-tuwa si Cedric. Ang galing talaga niya, bulong sa sarili. Walang makakaalam sa anomalyang ginagawa niya.
Ngunit iyon ang malaking pagkakamali ni Cedric dahil palihim pa lang nag-imbestiga ang pangalawang pangulo, kalihim, at tagasuri o auditor ng klase, kung talaga nga bang ibinigay nina Cedric at Alice ang koleksyon sa Student Council.
“Ha? Wala kaming hinihinging ganoon sa mga mag-aaral. Merong ibinigay na ambag ang Student Council para sa relief operation, pero galing iyon sa mismong bulsa ng organisasyon,” paliwanag ng pangalawang pangulo.
At sa isang open forum na isinagawa ng klase, doon na isiniwalat ng pangalawang pangulo, kalihim, at tagasuri ng klase ang kanilang nalaman. Pulang-pula ang mukha nina Cedric at Alice sa labis na pagkapahiya. Pakiramdam nila ay lulubog sila sa kanilang kinatatayuan.
Napilitang magsalita ni Alice dahil galit na galit sa kaniya ang buong klase. Isiniwalat na niya ang katotohanan, na pinupuwersa siya ni Cedric para makuha ang pondo nila at magamit sa pansariling interes.
Umiiyak na humingi ng tawad si Cedric sa lahat. Ipinaliwanag niya ang sarili kung bakit niya nagawa iyon.
“Naghiwalay na kasi ang mga magulang ko, wala nang nagbibigay ng allowance sa akin, kaya patawarin ninyo ako guys sa pagkakamali ko,” umiiyak na paliwanag ni Cedric.
“Alam mo Cedric, kung sa una pa lang ay sinabi mo na kaagad sa amin ang problema mo, wala namang masamang tinapay sa amin, kahit gamitin mo muna ang pondo at ibalik na lang. Pero alam mo ang isyu rito? Niloko mo kami. Pinaikot mo kami. Binilog ang ulo. Wala kang kinaiba sa mga tiwaling opisyal ng pamahalaan. Pangulo ka pa naman, dapat ikaw ang maging modelo namin!” sabi sa kaniya ng pangalawang pangulo.
Napatawad naman ng buong klase si Cedric subalit pinalitan na lamang siya bilang pangulo ng klase. Nasira na kasi ang kaniyang kredibilidad. Kaya naman sising-sisi si Cedric sa mga ginawa niya. Maibabalik ang pera kapag nawala ngunit hindi ang kredibilidad na nasira.