Inday TrendingInday Trending
Nagkasakit ang Tatay ng Batang Babaeng Ito; Makalipas ang Isang Linggo, May Naglalako na Ulit ng Taho Subalit Bakit Matinis ang Boses Nito?

Nagkasakit ang Tatay ng Batang Babaeng Ito; Makalipas ang Isang Linggo, May Naglalako na Ulit ng Taho Subalit Bakit Matinis ang Boses Nito?

Wala yatang hindi nakakakilala kay Mang Tano Magtataho sa kanilang barangay.

Tuwing umaga, nakaabang na ang mga lalagyang baso para sa pagdating ng ‘pinakaguwapong lalaki’ ng mga sandaling iyon. Maririnig ng lahat ang pagsigaw ng ‘Taho!’ ‘Taho!’

Mula bata hanggang matanda, paborito talaga ang taho na matagal nang inilalako ni Mang Tano, kaya walang nakakakilala sa kaniya sa lugar na iyon. Sinasabing binatilyo pa lamang ito, ito na ang kilalang magtataho sa barangay na iyon, na namana naman nito sa ama.

Hanggang sa magkaasawa at magkaroon ng mga anak, paglalako pa rin ng taho ang ikinabubuhay ni Mang Tano. Kaya naman bilib na bilib ang kaniyang mga kapitbahay dahil nagawa niyang maipaayos ang kanilang bahay; hindi ganoon kalaki, subalit masasabing disente naman at maaliwalas sa paningin.

“Wala talagang makakatalo sa iyo Tano pagdating sa pagtitinda ng taho! Ano ba ang sikreto mo kung bakit kakaiba ang lasa ng iyong taho?” minsan ay tanong ni Aling Nympha sa kaniya. Si Aling Nympha ay biyudang kapitbahay nila, na laging maluwag ang pagkakangiti kapag nakikita si Mang Tano.

Ito namang si Mang Tano, palibhasa ay biyudo na rin, ay nakikipaglaro din sa mga babaeng tila sumisimple sa kaniya. Hindi siya kaguwapuhan at matanda na rin siya, subalit hindi maitatangging maganda ang kaniyang pangangatawan; marahil ay nabatak dahil sa araw-araw na pagbubuhat ng lalagyanan ng taho na pinapasan niya sa kaniyang balikat at braso. May asim pa.

“Halika at ibubulong ko sa iyo…”

Lumapit naman si Aling Nympha at itinapat ang tainga kay Mang Tano. Lumapit naman si Mang Tano at may ibinulong sa biyuda. Natawa naman si Aling Nympha at hinampas-hampas sa balikat si Mang Tano.

“Bastos ka! Hindi na nga ako bibili niyan!” pabirong sabi ni Aling Nympha.

“Ngayon ka pa hindi bibili eh haling na haling ka na nga sa taho ko,” biro naman ni Mang Tano na lalong nakapagpatawa kay Aling Nympha.

“Magaling ka talagang magpatawa ng babae ‘no? Bakit ba hanggang ngayon ay wala ka pang ipinapalit sa namayapa mong asawa?” untag ni Aling Nympha.

“Mahal na mahal ko ang nasira kong misis, at isa pa, sa edad kong ito, hindi ko na iniisip ‘yan,” sagot naman ni Mang Tano.

“Pero syempre, kailangan mo rin ng mag-aalaga sa iyo at magiging ina sa anak mong si Jen-jen. Kumusta na nga ba ang anak mo?”

“Maayos naman siya. Mabait na bata,” nakangiting sabi naman ni Mang Tano.

Isang araw, nagtaka na lamang ang buong barangay nang lumipas ang araw na hindi nila narinig ang tinig ni Mang Tano.

Walang naglako ng taho sa araw na iyon.

“Walang taho? Bakit?”

“Bakit kaya wala si Mang Tanong Magtataho?”

“Kulang ang araw ko na hindi nakakahigop ng taho ni Mang Tano!”

Ang inakalang isang araw lamang ay naging dalawa, tatlo, apat, hanggang isang linggo. Marami na ang nakaka-miss kay Mang Tano at sa kaniyang taho.

Nag-aalala na rin si Aling Nympha sa kaniya. Kaya naman, naglakas-loob na itong dumalaw sa bahay ni Mang Tano.

May sakit pala ito at ang tanging nag-aalaga ay si Jen-jen na anak nito.

“Tinatrangkaso po si Tatay, Aling Nympha,” naiiyak na sabi ni Jen-jen. “Mabuti na lang po at nandito kayo.”

“Nag-alala lang kasi ako kung bakit walang naglalako ng taho. Sana pinuntahan mo ako.”

“Nakakahiya naman pong mang-abala, Aling Nympha.”

“Paano iyan, hindi nakakatrabaho ang Tatay mo, paano ang pang-araw-araw ninyo?” untag ni Aling Nympha kay Jen-jen.

“Iyon nga po ang inaalala ko eh. Mabuti na lamang po at may ipon si Tatay. Nagluto po ako ng taho para maitinda sana bukas,” saad ni Jen-jen.

“Diyos ko, Jen-jen? Kakayanin mo ba ang maglako ng taho? Hindi mo kakayanin. Masyado ka pang bata para magbuhat ng lalagyanan ng taho.”

“Kakayanin ko po para sa tatay ko. Tiyak na malaki po ang kikitain dahil namimiss na raw po ng mga tao ang taho ni Tatay.”

Kinabukasan, nagulat naman ang mga tao nang marinig nila ang ‘Taho!’ ‘Taho!’ subalit hindi pamilyar na tinig ni Mang Tano ang sumisigaw kundi tinig ng dalawang babae.

Sina Jen-jen at Aling Nympha!

“Bakit kayo ang nagtitinda?”

“Anong nangyari kay Mang Tano?”

“Wow ang galing naman at talagang kasama pa si Aling Nympha ha?”

May tatlong araw din silang nagtinda ng taho, sapat upang magkaroon sila ng kita para sa gamot ni Mang Tano. Hindi na kumubra pa ng kaniyang parte si Aling Nympha dahil tulong na niya ito sa pamilya ni Mang Tano.

Sa wakas, gumaling na rin si Mang Tano. Malaki ang pasasalamat niya sa anak na si Jen-jen at lalo na kay Aling Nympha na tumulong sa kanila.

“Maraming salamat, anak! Maraming salamat, Nympha sa kabutihan mo,” pasasalamat ni Mang Tano.

“Hay naku huwag mo na intindihin ‘yon! Ang mahalaga, makabalik ka na sa pagtitinda ng taho, marami na ang nakakamiss sa iyo,” wika ni Aling Nympha.

At nang malakas na ulit si Mang Tano, bumalik na nga siya sa paglalako ng taho kaya masayang-masaya na naman ang kaniyang mga kabarangay.

Nagsimula na rin ang magandang samahan sa pagitan nina Mang Tano at Aling Nympha, hanggang sa mahulog na ang loob ni Mang Tano sa biyuda. Inamin naman ng biyuda na matagal na siyang may nararamdaman para sa biyudo.

Ipinasya nilang magsama at ‘di naglaon ay nagpakasal. Masayang-masaya naman si Jen-jen dahil lalo pang lumaki ang kanilang pamilya, at may matatawag na ulit siyang Nanay.

Advertisement