Inday TrendingInday Trending
Isang Batang Paslit ang Bigla na Lamang Nagtungo sa Isang Opisina ng Manpower Agency; Ano Kaya ang Pakay Niya?

Isang Batang Paslit ang Bigla na Lamang Nagtungo sa Isang Opisina ng Manpower Agency; Ano Kaya ang Pakay Niya?

Kakatapos lamang ni Julio na magsagawa ng panayam sa aplikante sa kanilang manpower agency na naghahanap ng trabaho para sa pagiging security guard. Kagaya ng kaniyang mga kasamahan ay tahimik niyang sinalansan sa mga folder ang profile ng mga aplikanteng maaaring tawagan kung sakaling may mangailangan ng kasambahay, security guard, janitor, o waiter.

Matapos nito, humarap na ulit si Julio sa kaniyang computer. Habang abala ang lahat sa kani-kanilang mga ginagawa, hindi nila napansin ang isang batang lalaking pumasok sa kanilang opisina; hindi naman kasi sila mahigpit at nagrerenta lamang ang kanilang opisina sa isang espasyong walang pinto.

“M-Magandang araw po…”

Saglit na nahinto ang lahat sa kani-kanilang mga ginagawa, kabilang na si Julio. Tiningnan nila ang batang lalaking may nakasukbit na lumang bag sa kaniyang likuran. Nanlilimahid ang puting uniporme nito na sa tantiya pinaglumaan lamang ng kung sino. Naka-shorts ito ng kulay-khaki. Halos tumawa na ang sapatos nito. Nagtututong ang putim na medyas.

“Ano ‘yon Utoy? Hoy, kaninong anak o pamangkin ito,” sigaw ni Julio sa mga kasamahan. Nagkatinginan naman ang mga kasamahan niya. Walang kumibo. Ibig sabihin, walang nakakikilala sa bata.

“Bata, nagkakamali ka yata. Manpower agency ito, hindi eskuwelahan at hindi computer shop,” sabi ni Julio sa bata.

“Eh, opo… alam ko po. Nagpunta po ako rito para mag-aplay sana ng trabaho.”

Nagulat at napatingin sa bata ang mga kasamahan ni Julio. Napatda sila sa kanilang narinig.

“Ikaw? Naghahanap ka ng trabaho? Ilang taon ka na ba?” untag ni Julio.

“9 na po. Sige na po sir, parang awa ninyo na po. Kahit tagalinis po tatanggapin ko po, para magkapera ako. Kailangan ko po ng pera, kasi sabi ng Tatay ko, baka huminto na ako sa pag-aaral at isasama na lang ako sa pangangalakal ng basura dahil wala kaming pera. Gusto ko pong mag-aral eh.”

Naantig naman ang puso ni Julio at iba pang mga kasamahan kaya pinaupo nila ang bata at kinapanayam ito.

“Anong pangalan mo, grade mo, trabaho ng mga magulang mo, at saan ka nakatira?” usisa ni Julio sa bata.

“Arnel Ducut po ang pangalan ko, wala na po si Nanay, si Tatay ko po basurero. Sa Payatas po kami nakatira. Sige na po, maawa na po kayo sa akin. Kailangan ko po ng trabaho, para kapag may pera na ako, ‘di na ako hihinto sa pag-eskuwela. Sabi po ng titser namin, gaganda ang buhay namin kapag nag-aral ako,” at ngumiti ang bata. Lumitaw ang bungi nitong ngipin.

“Ano-ano ba ang mga kaya mong gawin?”

“Kaya ko pong magwalis at maglinis ng sahig, iniis-is ko po ang mga dumi at libag sa sahig o kaya sa dingding. Kaya ko po maghugas ng pinggan, magtapon ng basura sa basurahan, basta po,” seryosong sabi ni Arnel.

At makikita sa kaniyang mga mata na seryoso siya sa kaniyang mga sinasabi, mababanaag ang determinasyong pasukin ang pagtatrabaho upang kumita ng pera at ayusin ang kaniyang buhay. Sa murang edad nito na dapat ay ineenjoy ang pagkabata, heto’t masyado na itong naging mature.

“Eh bata ka pa kasi at hindi ka naman namin puwedeng tanggapin dito dahil baka naman makasuhan kami ng Child Labor. Wala ka pa sa hustong edad para humanap ng mga ganitong klaseng mabibigat na trabaho,” sabi ni Julio.

Kitang-kita niya ang pagbadha ng kalungkutan sa mukha ng bata. Lumamlam ang mga mata nito.

“Pero gagawan natin ng paraan. Ako’ng bahala, Arnel. Gusto kong makausap ang tatay mo. Kakausapin ko siya nang personal nang sa gayon ay hindi ka na tumigil sa pag-aaral.”

Tuwang-tuwa naman si Arnel sa sinabi ni Julio. Nangako ito na dadalhin at isasama ang ama bukas na bukas din.

Habang nasa bahay, natitiyak si Julio na tama ang gagawin niya. Wala naman siyang sariling pamilya. Binata siya at walang ibang pinagkakagastusan. Sapat na sapat ang kaniyang kinikita sa trabaho at nakakaipon pa nga.

“Ako na po ang bahala sa pag-aaral ni Arnel, ‘Tay, basta’t hayaan ninyo lang ang bata na mag-aral, at huwag na ninyong pagtrabahuhin,” sabi ni Arnel sa ama ni Arnel. Pumayag naman ito.

Kaya masayang-masaya si Arnel dahil nagkaroon siya ng foster parent sa katauhan ni Julio. Sinagot na ni Julio ang pang-araw-araw na baon ni Arnel. Hindi naman problema ang matrikula dahil libre naman sa pampublikong paaralan.

Matuling lumipas ang panahon. Nasa kolehiyo na si Arnel. Hindi pa rin napuputol ang pagtulong sa kaniya ni Julio. Subalit sa pagkakataong iyon, working student si Arnel. Mula 7:00 hanggang 2:00 ng hapon ay nasa klase siya, at ang 2:00-5:00 ng hapon ay bakante niya na inilalaan niya upang tulungan si Arnel sa mga gawaing-bahay nito. 5:00-10:00 ng gabi, duty naman niya sa fast food chain.

Hanggang sa magtapos si Arnel bilang Cum Laude.

Inialay niya ang medalya sa kaniyang ama, at kay Julio na itinuturing na niyang parang tunay na ama.

“Maraming salamat po Papa Julio. Kung hindi dahil sa tulong ninyo noong bata pa ako, hindi ko maaabot ang buhay na ito. Utang na loob ko sa iyo ang lahat,” pasasalamat ni Arnel.

Masayang-masaya naman si Julio. Kahit matandang binata siya, alam niyang may anak-anakan na siyang magiging kaagapay niya sa pagtanda—ang anak na hindi niya dugo at laman, subalit higit pa rito ang pagmamahal at pagkalingang ibinibigay niya. Si Arnel. Ang batang hindi pa kuwalipikado noon, subalit ngayon, kayang-kaya nang gawin ang lahat.

Advertisement