Inday TrendingInday Trending
Minahal ng Babae ang Pinsan ng Kaniyang Fiance sa Pag-aakalang Wala na Ito; Sila na ba ang Magkakatuluyan?

Minahal ng Babae ang Pinsan ng Kaniyang Fiance sa Pag-aakalang Wala na Ito; Sila na ba ang Magkakatuluyan?

“Mahal na kita, Lilet. Sana, hayaan mo akong paligayahin ka. Sana, mahalin mo rin ako…”

Hindi makapaniwala si Lilet sa mga pahayag na binitiwan ni Carlos, ang pinsan ng kaniyang fiance na si Xavier, na kasama sa mga pasahero ng eroplanong nag-crash sa Karagatang Pasipiko noong dalawang taon na ang nakararaan. Bagama’t walang makapagsabi kung wala na ba talaga ito dahil wala namang katawang natagpuan, sa paglipas ng panahon ay unti-unti niya na ring natanggap na maaaring hindi na niya makakasama ang lalaking nakatakda niyang pakasalan.

Sa panahon ng kaniyang pagdurusa sa pagkawala ng kaniyang fiance, nariyan ang pinsan ni Xavier na si Carlos na nagsilbing taong dumamay sa kaniyang pagdurusa. Ito ang naging sandigan niya. Malapit sa isa’t isa sina Xavier at Carlos at para na silang magkapatid. May kasintahan na rin si Carlos. Nang mga panahon na iyon, mas marami pang oras na magkasama sina Carlos at Lilet kaysa sa kasintahan nito. Hanggang isang araw, nabalitaan na lamang ni Lilet na nakipaghiwalay na si Carlos sa nobya nito.

“Anong nangyari? Gusto mo kausapin ko si Joyce?” tanong ni Lilet.

“Never mind. Hindi na raw niya ako mahal, kaya ayos lang iyon,” sabi ni Carlos.

Hindi kumbinsido si Lilet. Gusto niyang malaman ang totoong dahilan kung bakit nanghiwalay sina Carlos at Joyce. Palihim siyang nakipagkita kay Joyce at pumayag naman ito.

“Wala na siyang oras sa akin. Kapag magkasama naman kami, laging ikaw ang naiisip niya. Inaalala niya kung nasaan ka, kung okay ka ba, kung anong ginagawa mo. Kaya tanungin mo si Carlos kung ako pa ba ang mahal niya, o nahuhulog na ang loob niya sa iyo,” sagot ni Joyce.

Kaya ngayon, nakipagkita si Lilet kay Carlos upang kumpirmahin ang mga nalaman niya kay Joyce. Na hindi naman nito itinanggi.

“P-Pero… pinsan ka ni Xavier…”

“Wala na si Xavier, Lilet. At kung sakali man na nasa langit na siya, siguro naman matutuwa ang kaluluwa niya kung malalaman niya na tayong dalawa ang magkakatuluyan. Kung buhay siya, dapat matagal na siyang bumalik dito dahil alam niyang may kailangan siyang balikan,” paliwanag ni Carlos.

“Mahal na mahal kita Lilet. Noon pa man. School mates tayo sa university, hindi ba? Pareho kaming nasa College of Engineering ni Xavier. Ikaw naman nasa College of Architecture. Hanggang sa lumiit ang mundo nating tatlo nang maging magkakamiymebro tayo sa school organization. Nagustuhan ka ni Xavier. Pero bago pa maging kayo ni Xavier, mahal na kita… pero nang ligawan ka ni Xavier at sinagot mo siya, nag-back off na ako. Ayokong saktan si Xavier dahil pinsan ko siya,” paliwanag ni Carlos.

Hindi kumibo si Lilet. Kinuha ni Carlos ang kaniyang mga kamay. Ginagap ito.

“Pagbigyan mo ako, Lilet. Kapalaran na ang nagtagpo sa ating dalawa. Pagbigyan mo ako… kung… kung halimbawang bumalik si Xavier, kung buhay pa siya… isasauli kita sa kaniya.”

Pumayag si Lilet na makipagrelasyon kay Carlos. Aminado si Lilet na kaya lamang niya sinagot si Carlos dahil gusto niyang makalimot sa pagkawala ni Xavier. Gusto niyang makalimutan ang sakit na nararamdaman. Lumipas ang halos pitong buwan ng kanilang relasyon ni Carlos. Hanggang sa hindi inaasahang pangyayari ang naganap. Dumating si Xavier. Buhay na buhay ito. Hindi maunawaan ni Lilet kung ano ang kaniyang mararamdaman.

Nakipagkita siya kay Carlos. Hindi pa alam ni Xavier ang tungkol sa kanilang dalawa.

“Sabi mo noon, kapag dumating si Xavier, isasauli mo na ako sa kaniya. Nariyan na siya. Buhay na buhay. Isasauli mo na ba ako sa kaniya?” tanong ni Lilet.

“G-Gusto mo na bang magpasauli sa kaniya? D-Dumating na ang fiance mo…” malungkot na tanong ni Carlos. Sa kaniyang mga mata, nakabadha ang mga pangungusap na “Ako ang piliin mo.”

“H-huwag mo na akong… isauli sa kaniya. Mahal na kita, Carlos…” sabi ni Lilet.

“Sigurado ka? P-paano si Xavier?” tanong ni Carlos. Halo-halo ang nararamdaman niya. Masaya siya dahil siya ang pinipili ni Lilet, subalit malungkot din siya dahil baka masira ang kanilang pagiging magkaibigan ng pinsan.

“Haharap tayo kay Xavier at ipaliliwanag natin ang sitwasyon. Tatanggapin natin kung anoman ang mararamdaman niya,” sabi ni Lilet.

Kaya ipinasya nilang makipagkita kay Xavier bilang magkasintahan. Hindi nila inasahang matatanggap nito ang lahat. May inamin din ito sa kanila.

“Noong nawala ako, napadpad ako sa isang isla. May nag-alaga sa aking isang babae. Sa buong panahon na magkasama kami, nagkaroon ako ng saglit na pagkawala ng memorya. Minahal ko siya. Hanggang sa dumating ang panahong bumalik na sa akin ang aking memorya. Hindi nawala ang pagmamahal ko sa kaniya.”

“Bumalik ako rito upang malaman kung nasa puso pa kita, Lilet. Mahal kita subalit mas minahal ko si Terry. Magkakaanak na kami. Hindi ko alam kung paano ko sasabihin sa ‘yo ito, Lilet. Pinag-iisipan ko kung paano ko sasabihin sa iyo ito, subalit inadya ng Diyos na mangyari nga ito,” umiiyak na paliwanag ni Xavier.

Masayang-masaya sina Carlos at Lilet dahil sa wakas ay naging maayos na rin ang lahat. Natanggap naman ng kani-kanilang mga pamilya ang naturang sitwasyon at tinanggap nila nang may bukas na isipan.

Advertisement