Hindi Makapagpadala ng Pera ang Mister na OFW sa Kaniyang Misis; Ito ang Diskarteng Gagawin Niya Upang Mabilhan ng Gadgets ang mga Anak Nila Para sa Online Class
“Bert, kailan ka ba makapagpapadala? Kailangang-kailangan na ng mga bata ng pera para sa mga pag-aaral nila. Online class na nga kasi ngayon kaya kailangang makabili ng dagdag na computer, saka balak kong magpakabit ng internet.”
Kausap ni Aling Cora ang kaniyang mister na si Bert na nasa ibang bansa. Tatlong taon na itong OFW sa Abu Dhabi. Nang magsimula ang pandemya, madalang na itong makapagpadala ng pera sa kanila. Wala namang ibang trabaho si Aling Cora.
“Pasensiya na mahal… hindi ko pa natatanggap ang suweldo ko. Magpapadala kaagad ako sa iyo kapag naibigay na ang suweldo namin. May balak kasing mag-retrench ng kompanya dahil nga sa bumaba ang produksyon nitong pandemya. Huwag kang mag-alala, konting tiis pa,” sabi ng kaniyang mister.
“Hindi na ako makapaghihintay pa, Bert. Gumawa ka naman ng paraan. Baka puwede ka mag-cash advance o kaya naman, mangutang ka muna sa mga kasamahan mo,” huling hirit ni Aling Cora.
“Sige susubukan ko ah, pero hindi ako nangangako,” sabi na lamang ni Mang Bert.
Subalit lumipas ang tatlong araw simula nang mag-usap sila, wala pa ring naipadadalang pera ang mister. Bukod kasi sa mga pangangailangan sa bahay at mga anak, may mga pansariling luho rin siya na hindi niya magawa dahil sa kakapusan ng pera.
“Kailangang kumilos na ako,” sabi ni Aling Cora.
Sinubukan niyang makapangutang sa kaniyang mga kaibigan. Subalit walang makapagpautang sa kaniya dahil lahat ay nangangailangan din ng salapi. Hanggang sa naisipan ni Aling Cora ang matagal na niyang balak, kagaya ng mga kaibigan niyang natisod ang kapalaran sa mga dating apps.
“Isang foreigner na mahaharot ko rito na may pera, kaunting landi lang, tiyak na magkakaroon na ako ng pera,” nausal ni Aling Cora.
Agad siyang nag-download ng isang sikat na dating app. Sa palagay niya may “asim” pa naman siya at hindi naman pagtataksil ang gagawin niya kay Mang Bert. Pagkatapos mag-register at makagawa ng account, nagsimula na siyang mag “swipe left, swipe right” hanggang sa makilala niya ang kaniyang ka-match. Isang sundalong Americano na James Anderson ang pangalan, 45 taong gulang.
Ginawa ni Aling Cora ang lahat upang makuha ang loob ng naturang sundalo. Anuman ang hilingin nito ay ginagawa niya. Dumating sa puntong nagpapadala na siya ng mga mapanuksong larawan, bagay na gustong-gusto naman nito.
“Tell me what you want baby,” sabi sa kaniya ng sundalong Amerikano. Ito na ang pinakahihintay na sandali ni Aling Cora.
“I need help baby… my mother is sick, and I really need money,” diretsahang tugon naman ni Aling Cora. Matagal nang sumalangit ang kaluluwa ng kaniyang ina.
“Okay, I will help you. I will send a parcel containing $300,000, laptops, gadgets, and some jewelries. Give me your address and cell phone number,” tugon ng kaniyang ka-chat. Ipinadala pa nito ang larawan ng isang parcel na naglalaman nga ng mga bagay na binanggit nito.
Nanginginig ang mga kamay na agad na itinayp ni Aling Cora ang mga detalyeng hinihingi ng ka-chat. Pagkalipas ng isang oras, magtutungo na raw ito sa isang international delivery service. Nagpadala ito ng isang larawan ng parcel kung saan nakalagay na ang label ng kaniyang mga detalye, gayundin ang invoice. Makararating daw sa kaniya ang parcel sa loob ng tatlong araw.
“Thank you baby! I love you so much!” tuwang-tuwa si Aling Cora. Sa tantiya niya, milyonarya na siya dahil kinuwenta niya ang katumbas ng dolyar na ipinadala sa kaniya. Kahit ilang laptops at gadgets pa ang bilhin niya, kayang-kaya na niya. Siyempre, hindi siya mag-iingay sa kaniyang mister. Gagawa siya ng sarili niyang bank account kung saan niya ilalagak ang pera.
Kinabukasan, nagpadala ng mensahe sa kaniya si Mang Bert. Nakapagpadala na raw ito ng pera sa kaniya, na inutang lamang sa kasamahan. Ito raw ay 20,000 piso. Agad itong kinuha ni Aling Cora sa remittance center na sinabi ni Mang Bert.
Makalipas nga ng tatlong araw, may tumawag na sa kaniya mula raw sa Bureau of Customs. May parcel raw siyang matatanggap ayon sa tila foreigner na nakausap niya, subalit dahil masyado raw malaki ang halaga ng mga nasa loob, hinarang ito at kinakailangang i-claim sa halagang 15, 000 piso.
Naisip ni Aling Cora, gagamitin na lamang muna niya ang padala ni Mang Bert. May matitira pang 5,000 piso kung sakali. Maliit na sakripisyo kumpara sa napakalaking halagang matatagpuan sa naturang parcel. Agad niyang ipinadala ang pera sa pangalan at address na ibinigay ng naturang foreigner na nakausap niya. Iyon daw ang pangalan ng officer-in-charge na namamahala sa naturang parcel.
Makalipas ang isang araw, tatlong araw, hanggang isang linggo, walang dumating na parcel. Kinontak niya si James subalit deactivated na ang account nito.
Napagtanto ni Aling Cora na nabiktima siya ng “love scam.” Sising-sisi siya sa mga nangyari. Nahihiya siya sa kaniyang mister dahil nagawa niya ang mga bagay na iyon. Hindi niya sinabi kay Mang Bert ang ginawa niya dahil tiyak na magagalit ito sa kaniya. Gumawa siya nang paraan upang maibalik ang perang ipinadala nito dahil tiyak na magtatanong ito kung nakabili na ba siya ng gadgets para sa mga bata. Ipinangako niya sa sarili na matututo na siyang mag-ipon, at hinding-hindi na siya gagamit ng dating apps para makapanghuthot ng salapi.