Naglaro sa Ilog at Inabutan ng Gabi ang Magkakaibigan, Isang Umiiyak na Bata ang Nakakuha ng Kanilang Atensyon

Bandang alas dos ng hapon nang umalis ang magkakaibigan at nagpunta sa kabilang dako ng kanilang bayan. Pinuntahan nila ang ilog kung saan madalas silang magsiligo noong mga munting paslit pa lamang sila.

“Akala ko talaga hindi na mauulit na magkakasama-sama tayo ng ganito. Nakakatuwa naman na hindi nalang hanggang alaala ang magtungo sa ilog upang maglaro at maligo kasama ulit kayo,” ani Carmina habang nakakapit pa sa braso ni Ella. Isa sa kaniyang mga kababata.

Ginulo naman ni Bryan ang buhok ng dalaga dahil sa sinabi nito.

“Naku naku nagdradrama na naman po ulit si Mina liit oh! Huwag mong sabihing iiyak ka? Napaka OA mo talaga!” pang-aasar pa ng binata kay Carmina habang tatawa-tawa pa.

Nagsitawanan din ang kasama nilang tatlo. Natutuwa dahil hindi pa rin pala talaga nagbabago ang dalawa kahit na ba matagal na silang hindi nagkakasama-samang lima.

Sabay-sabay na lumaki sila Carmina, Bryan, Ella, Direck at Phoebe kaya naman matatalik na magkaibigan silang maituturing. Paano ba naman ay silang lima lang din naman kasi ang magkakaedad sa kanilang munting baryo sa probinsya.

Pero noong magsitapos sila nang elementarya ay kinakailangan nilang mag-aral sa bayan. Ang iba naman ay lumipat kasama ang kanilang mga pamilya sa Maynila. Ito ang naging dahilan nang kanilang pagkakawatak-watak na magkakaibigan.

“Hoy ano, huwag mong guluhin ang buhok ko! Kaasar naman ‘to oh parang bata talaga, Bryan!” kunwaring naiinis na saad ni Carmina sa kaibigan.

Advertisement

“Ako bata?” tanong ni Bryan sa dalaga. Tumango naman si Carmina na may mapang-asar na ngiti sa labi niya.

“Sigurado ka d’yan?” tanong niya pa ulit sa dalaga sa tonong tila ba may panganib na naghihintay sa dalaga sa oras na sumagot siya ng “oo” dito.

Humakbang pa si Bryan palapit kay Carmina kaya napalunok nalang sa kaba ang dalaga.

“Ah eh ano… biro lang Brya-“ hindi na natuloy pa ni Carmina ang sasabihin dahil napasigaw nalang siya agad nang bigla siyang buhatin ni Bryan at kinargang parang isang sakong bigas.

“Bata pala ah! Eh ikaw nga itong ang liit liit parang hindi ka nasa kolehiyo! Bansot ka ata eh!” tatawa-tawa pang sagot ni Bryan at dire-diretso lang sa lakad habang bitbit sa kanyang balikat ang kaibigang si Carmina.

“Hoy! For your information, hindi po ako bansot! Normal lang ang height ko, ikaw nga itong kapre at nasobrahan sa tangkad!” walang tigil sa pagsigaw ni Carmina sa kaibigan. Kinabahan siya nang matanaw na nasa may ilog na pala sila.

“Ah Bryan, anong plano? Huwag mong sabi-“ hindi na natapos ni Carmina ang sasabihin dahil biglang tumalon si Bryan sa ilog. Syempre kasama siya dahil bitbit pa rin siya ng walang hiya at loko-loko niyang kababata.

“Hoy! Okay ka lang ba Carmina?” Nag-aalalang tanong ni Ella sa kawawang dalaga. Agad din namang naka-ahon ang dalawa.

Advertisement

Tawang-tawang si Bryan sa kalokohang ginawa habang si Carmina naman ay halos patayin sa sama ng tingin ang binata. Madalas talaga itong gawin sa kanya ni Bryan kahit noong mga bata pa sila pero hindi niya akalaing gagawin pa ulit ito sa kanya ng kababata ngayong mga dalaga at binata na sila.

“Hoy tama na nga ‘yang bangayan niyong dalawa. Naku naman kayo, katawan at edad lang ba ang lumaki sa inyong dalawa?” Natatawang awat naman ni Phoebe sa dalawa.

Maya-maya pa ay lumusong na rin sa ilog ang tatlo para samahan ang dalawang nauna sa tubig. Gaya noong mga bata pa sila ay masayang naglaro sa ilog ang limang magkababata habang naliligo. Sa sobrang pag-eenjoy nila ay hindi nila namalayan na pagabi na pala.

“Hoy guys, dumidilim na. Kailangan na nating umuwi. Papagalitan na tayo. Saka ‘di ba sabi nang mga matatanda ay delikado raw dito sa may gubat, lalo na dito sa bandang ilog pagsapit ng dilim,” nababahalang sabi ni Carmina sa mga kababata.

“Oo nga. ‘Yon din ang sabi sa’kin ni lola. Lalo na daw noong umalis kami rito at nagpunta sa Maynila, marami raw ang nawawala at hindi na nababalik sa baryo.” May halong takot din na maririnig sa boses ni Ella.

“Sus! Naniniwala kayo dun?” pabirong tanong pa ni Bryan sa dalawa.

“Noong isang taon lang, isa sa mga nawala ay ang Tiyo Ben ko. Nagpunta raw kasi siya dito isang gabi dahil sinasabing may batang naligaw raw ata dito. May narinig daw kasing umiiyak. Pinigilan siya nila lolo pero hindi nila napansin na lumabas din pala ito nang lumalim na ang gabi,” hindi inaasahang kwento ni Direck.

Nagkatinginan ang magkakaibigan at sabay-sabay na umahon sa ilog. Mabilis lang din silang nagpalit ng T-shirt na suot upang hindi masyadong malamigan.

Advertisement

“Pero hindi ba ‘yung Tiyo Ben mo ‘yung nasiraan na nang bait dahil nagpakam@tay ‘yung asawa niya na pinagsasaksak ‘yung tiyan niya?” tanong ni Bryan sa kababata habang naglalakad na sila sa loob ng gubat patungo sa kanilang baryo. Tumango naman si Direck.

“Sinasabing buntis daw si Tiya noon at hindi niya iyon matanggap dahil may plano sana itong magpunta sa Japan upang magtrabaho. Sawa na raw ito sa buhay mahirap na pinili nalang nito na tapusin ang sariling buhay. Idinamay na rin nito ang inosenteng bata na naging dahilan ng kaniyang kasawian,” malungkot na paliwanag ni Direck sa mga kaibigan.

“Pero Reck, hindi mo nakwento kung ano na ang nangyari sa tiyo mo. Hindi niyo na talaga siya nakita ulit?” Hindi na napigilan ni Phoebe na itanong sa binata ang kanina pa bumabagabag sa kaniya. Napatigil sa paglalakad ni Direck.

“Nakita namin ulit siya matapos ang tatlong araw,” sagot ni Direck. Nakahinga naman ng maluwag si Phoebe sa narinig. Pati na rin ang tatlo.

“Mabuti na-“

“Nakita namin ang b@ngkay niya malapit sa ilog kung saan kinit*l ni Tiya ang buhay nila ng anak nila,” tumindig ang mga balahibo ng magkakaibigan sa sinabi ni Direck.

Hindi nila inaasahan ang kadugtong na sinabi nito. Ilang minuto ang lumipas ngunit walang umiimik sa kanila. Parehong hindi malaman ang sasabihin.

Hindi na namalayan ng magkakaibigan na tuluyan na talagang sumapit ang dilim at may isang nilalang na ano mang oras ay malapit na ring lumabas at paglaruan sila.

Advertisement

“Guys… ano… gabi na. Bilisan natin… baka may masama pang mangyari sa’tin dito,” pautal-utal na saad ni Ella.

“Oo nga- “ Sasagot pa sana si Carmina nang bigla silang may narinig na iyak ng isang sanggol.

Mabilis na kumilos ni Direck at hinawakan ang dalawang dalaga.

“Takbo!” sigaw nito habang hawak ang dalawa. Agad ding hinawakan ni Bryan si Phoebe at agad sumunod sa pagtabko.

“Dire-diretso lang! Huwag kayong lilingon. Huwag niyong papansinin ano man ang marinig niyo!” patuloy na sigaw ni Direck habang walang tigil sa pagtakbo. Palakas nang palakas ang naririnig nilang iyak ng isang sanggol.

Napasigaw sa sakit si Carmina nang tumama ang mga tuhod nito sa lupa. Hindi nakasabay sa bilis ng pagtakbo ang dalaga na naging dahilan ng pagkadapa nito. Tatayo na sana ang dalaga nang mapansin niya ang isang maliit na nilalang na mabilis na gumagapang palapit sa kaniya.

Nanigas sa takot si Carmina at hindi agad nakagalaw. Parang isang maliit na sanggol ang nilalang na ito, ngunit imbis na mukhang anghel ay para itong isang demonyo. Sobrang nakakatakot.

Napapikit sa sobrang takot si Carmina ng biglang nakarinig siya ng malakas na tunog na para bang may kung anong tumama sa isang malaking puno. Napadilat siya ng maramdamang may kumarga sa kanya. Si Bryan. Pagtingin niya sa likod niya ay nakita niya ang maliit na halimaw na nasa ilalim ng puno.

Advertisement

“Bilisan mo!” sigaw niya sa kaibigan. Naintindhan naman ni Bryan ang nais sabihin ni Carmina. Nasa likod na nila ang halimaw. Ibinuhos ng binata ang lahat ng kaniyang lakas sa pagtakbo.

Pagkarating nila sa kanilang baryo ay nakita nila ang tatlo nilang kaibigan na naghihintay kasama ang ilang matatanda sa kanilang baryo. May mga hawak itong mga medalyon at ang iba naman ay rosaryo, asin, bawang, at buntot ng pagi.

“Huwag kang magkakamaling pumasok sa lugar namin kung ayaw mong ihatid ka namin sa impyerno!” sigaw ng matatanda at pinagbabato ang halimaw ng mga dala nito habang may mga sinasabi sa banyagang salita na hindi nila maintindihan.

Napatakip sila ng tainga dahil sa nakakabinging iyak ng halimaw. Sobrang tinis ng iyak nito. Mas lalong linakasan ng mga matatanda ang kanilang mga dasal kaya naman wala ng nagawa ang halimaw kundi ang bumalik sa loob ng gubat.

Kinabukasan ay napagdesisyunan ng magkakaibigan na magsiuwian na sa kanilang mga lugar at tapusin na agad ang bakasyon sa kanilang munting baryo.

Napag-alaman nilang ang halimaw pala na kanilang nakasagupa ay isang tiyanak. Galit daw ito dahil hindi siya nabigyan ng buhay na siyang karapatan naman nito. Ito rin ang kumit*il sa buhay ni Tiyo Ben.