Mahigpit na Inayawan ng Ama ang Pag-amin ng Kaniyang Anak sa Tunay na Kasarian Nito; Mabago pa Kaya Niya ang Anak

“Nag-iisang anak kita, Cathy! Tapos isa kang ti*bo?!” Galit na wika ni Don Artemio, ang ama ni Cathy, matapos niyang ipakilala ang kaniyang nobyang si Libeth.

“Anong magagawa mo, papa? Ito ang gusto ko. Mahal namin ni Libeth ang isa’t-isa.

“Susmaryosep! Mabibigyan ka ba ng anak ng Libeth na iyan?”

“Hindi!”

“Gano’n naman pala kaya tantanan mo ako sa drama mong iyan, Cathy! Mag-aasawa ka ng lalaki at magkakaroon ka ng mga anak! Iyon ang gusto kong mangyari sa’yo.

Huwag mong subukan ang galit ko. Kilala mo ako, Cathy, at alam mong kaya kong gawin ang lahat mapaghiwalay lang kayo at matapos iyang kahibangan mo!” Mariin at may awtoridada na wika ni Don Artemio.

Nag-iisa na nga lang ang anak niyang babae’y kamalas-malasan pa dahil naging lalaki rin ang puso nito. Ano ba ang dapat niyang gawin? Dahil sa kaisipang iyon ay nagdesisyon si Don Artemio na ireto ang anak sa mga lalaking anak ng kaniyang mga kakilala.

Halos araw-araw naman ay may ka-date si Cathy, upang kilatisin ang kaniyang magiging asawa— raw.

Advertisement

“Oh! Kumusta ang anak ni Pareng Simon, nagustuhan mo ba? Matalino iyon si Samuel at alam kong magkakasundo kayong dalawa,” bungad na wika ni Don Artemio sa anak.

“‘Pa, tigilan niyo na po ang kakareto sa’kin sa mga anak ng kakilala ninyo. Halos mag-iisang buwan na akong nakikipag-date sa kung kani-kaninong lalaki at hanggang ngayon ay wala pa rin akong natitipuhan sa kanila,” naiinis na wika ni Cathy.

“Hindi! Hangga’t hindi ka nagtitino ay hindi ako titigil!”

“‘Pa naman, tama na. Kahit ano pang gawin niyo, ti*bo po talaga ako at mas nagkakagusto ako sa mga kapwa ko babae kaysa sa mga lalaki. Ang unfair naman sa mga lalaking nakaka-date ko kung kahit kaunting interes man lang ay wala akong nararamdaman sa kanila,” paliwanag ni Cathy.

Saka naglakad upang yakapin ang ama. “Gusto mo bang may sagutin ako sa mga lalaking iyon? Sige, pero hindi ko sila mahal. ‘Di ba ang unfair naman sa kanila ng gano’n? Sasagutin ko lang sila kasi iyon ang gusto niyo. Pero ‘yong puso ko’y nasa isang babae pa rin.”

“Alam mo naman na sa siyam niyong magkakapatid ikaw lang ang naging babae,” malungkot na wika ni Don Artemio.

“Alam ko. Kaso anong magagawa ko pa? May katawang babae nga ako, pero ‘yong puso ko lalaking-lalaki. Kailanman ay hindi ako nagka-interes sa mga lalaki at kahit pilitin ko pa ang sarili ko’y wala talaga pa.

Kaya sana tanggapin niyo na lang ako bilang isang ganito. Huwag niyo nang ipilit ang bagay na gusto niyo. Nahihirapan na kasi ako papa,” nakalabing wika ni Cathy, na animo’y batang paslit na naglalambing sa ama.

Advertisement

“Paano ako magkaka-apo mula sa’yo?” Takang tanong ng don.

“Hindi ka pa nakuntento sa mga apo mo kila kuya?”

“Siyempre iba pa rin iyong sa’yo!” Ismid ni Don Artemio.

“Hi-tech na ang mundo papa, ano ka ba. Maaari ko nang gawan iyan ng paraan,” nakangiting wika ni Cathy, nakayakap pa rin sa ama.

“Ang hirap talagang tanggapin na ang nag-iisa kong dalaga’y isang binata. Nakakainis. Bakit ka ba nagkaganyan?” Malungkot pa rin na wika ng don.

Agad namang nagkibit-balikat si Cathy. “Malay ko? Hindi ko alam. Basta ito ako. Dito ako masaya.”

“Mahal na mahal ko kayong lahat ng mga kapatid mo. Pantay ang pagmamahal ko sa inyo at walang sino man ang humigit. Masaya ako’t nagkaroon ako ng mga anak na kagaya niyo. Masakit lang sa’king tanggapin na ang prinsesang matagal kong hiniling sa Diyos Ama ay isang prinsipe. Pero tama ka anak,” anito sabay kabig sa kaniya upang yakapin ng mahigpit. “Kaysa pilitin kang magbago, dapat ngang tanggapin ko na lang ang katotohanang ka-isa ka rin sa mga kuya mong barako.”

Agad namang tumawa si Cathy, sabay labas kunwari ng muscles sa braso. “Siyempre.”

Advertisement

“Tandaan mo Cathy, na mahal na mahal ka ni papa. Siguro nga sa pakiramdam mo at sa ibang nakakakilala sa’yo’y isa kang ti*bo o to*mboy. Pero para sa’kin ay ikaw pa rin ang prinsesa ko anak. Hinding-hindi magbabago ang pagtingin ko sa’yo, kahit magpakalalaki ka pa sa buhay mo. Ikaw pa rin ang batang iyakin noon na tumatahan lang kapag kinakarga ni papa.” Nakangiti at buong pagmamahal na wika ni Don Artemio sa anak.

“I love you papa,” malambing na wika ni Cathy, sabay yakap sa ama.

“I love you too, my princess,” sagot naman ni Don Artemio.

Hindi mo kayang baguhin ang sinuman sa kung ano talaga sila. Ang pinakamabuting gawin na lamang ay tanggapin sila at iparamdam ang pagmamahal at pagsuporta mo sa kanila.