Galing sa Mahirap na Pamilya ang Mag-Asawang Magsasaka Kaya’t Iginapang Nila ang Pag-aaral ng Kaisa-Isang Anak; Di Nila Inakalang Mauuwi sa Wala ang Lahat
“Anak, ingat ka doon ha? Kung magka-aberya, sabihan mo lang kami ng tatay mo.” Wika ni Regina.
“Nay, natatakot po ako. Baka hindi ko kayanin sa Maynila.” Sagot ni Amor.
“Ikaw pa? Eh kayang-kaya mo ‘yan. Isa pa, matagal na nating pangarap ito. Magkakaroon ka ng magandang buhay kapag natupad mo ang mga pangarap mo. Kahit ano’y gagawin namin para sa iyo, anak.” Wika ni Pedro.
Ang pamilya ni Amor ay nakatira sa probinsya at nabubuhay sa pagsasaka. Nag-iisang anak lamang si Amor kaya’t nais ng kaniyang mga magulang na mabigyan ito ng magandang edukasyon. Nang makatapos siya ng hayskul ay pinaghandaan ng kaniyang magulang ang pagkokolehiyo niya.
Ayaw nila masayang ang talino ng bata kaya’t kahit alam nilang magastos ay nais nila itong mag-aral sa Maynila. Isa ito sa mga pangarap ni Pedro at Regina na mula pagkabata pa ay batak na sa trabahong bukid. Sinisikap ng mag-asawa na ibigay ang lahat para sa pag-aaral ng kanilang anak.
Maayos naman ang kanilang ani at nakakaraos naman. May mga alaga rin silang baboy, baka, kalabaw at mga manok. Masasabi na simple ngunit masagana naman ang kanilang buhay.
Nang lumuwas na si Amor ng Maynila, siya ay natakot sa kahihinatnan ng unang paglayo sa kaniyang pamilya at bayan. Noong una ay wala siyang naging kaibigan, masyado kasi itong mahiyain at pakiramdam niya ay lagi siyang hinuhusgahan.
Ang lungkot na nararamdaman niya ay dinaan niya na lamang sa pag-aaral ng mabuti. Masaya itong nagbabalita sa kaniyang mga magulang ng kaniyang mga inaaral at mga parangal na natatanggap sa unang dalawang taon niya sa kolehiyo. Tuwing bakasyon sa eskuwela ay umuuwi ito sa kanilang probinsya upang makasama ang mga magulang.
Nang siya ay tumungtong ng ikatlong taon sa kolehiyo, nakilala niya ang isang grupo ng magkakaibigan. Unang beses na may tumanggap sa kaniya ng buong-buo. Doon na nagsimula ang mga gala nila.
Natuto siyang uminom, manigarilyo at magbulakbol. Para kasi sa kaniya, kapag hindi niya ginawa ang mga bagay na iyon ay baka asarin na naman siya at hindi na siya tanggapin sa barkada.
Doon na rin nagsimula ang pagbabago ng ugali niya sa kaniyang mga magulang. Nawalan na siya ng oras sa mga ito at ang masama pa do’n ay natuto na rin siyang magsinungaling sa kanila.
“Nay, kailangan ko pong magbayad ng sampung libo sa isang linggo. May project kami.” Wika ni Amor habang kausap si Regina sa telepono.
“Ah anak, di ba kakapadala lang namin sa’yo noong isang buwan ng limang libo? Baka naman puwedeng pakiusapan muna ang guro mo?” Wika ni Regina.
“Kung gusto niyo, kayo na lang ang mag-aral dito. Kayo makiusap, ipapahiya niyo pa ako.” Sagot ni Amor sabay bagsak ng telepono.
Nagulat si Regina sa mga salitang iyon ni Amor ngunit hindi niya ito pinag-isipan na may ginagawang masama. Inisip nilang mag-asawa na talagang kailangan ni Amor ng pera para sa proyekto kaya’t pinag-usapan nila ang gagawin upang mapadala ang perang kailangan ng anak.
“Ibigay na natin ang kailangan ni Amor. Oo nga naman, sayang naman kung hindi niya maipapasa ang proyekto na ‘yon. Para sa kaniya naman lahat ng ito. Titignan ko kung magkano ang maaani natin, saka mukhang kailangan na nating magbenta ng baboy.” Wika ni Pedro.
“Hay, nag-iisip ako para sa anak natin pero bakit parang grabe pala ang gastos talaga? Sige, ipadala na natin sa kaniya ang kailangan niya. Sigurado naman ako na nagpapakasubsob naman sa pag-aaral si Amor.” Wika ni Regina.
Lingid sa kaalaman ng mag-asawa ay nagsisimula nang magkaproblema si Amor sa pag-aaral. Gagamitin lamang nito ang pera para makasama sa out of town ng barkada niya.
Napapadalas na ang hindi nito pagpasok sa eskuwela. Lagi na itong gabi kung umuwi sa kanilang dormitoryo at madalas ay lasing. Pumapasok na ito na puyat at hindi nakakapag-aral lalo kung may pagsusulit.
Ipinagpatuloy ni Amor ang ganitong pag-uugali. Panay pa rin ang hingi nito ng sobrang pera sa mga magulang para matustusan ang mga bisyo nitong alak, sigarilyo at pagbubulakbol.
“Kayo ang may gusto na dito ako mag-aral. Sana kung hindi niyo kaya, hindi niyo na ako pinaluwas ng Maynila!” Sigaw ni Amor sa telepono.
“Tay, anong nangyayari sa anak natin? Bakit siya naging ganoon? Ano’ng pagkukulang natin?” Umiiyak na sabi ni Regina sa asawa.
“Nay, kailangan nating lumuwas ng Maynila para alamin ang mga nangyayari.” Wika ni Pedro.
Lumuwas ang mag-asawa ng Maynila at hindi nila ito ipinaalam sa kanilang anak. Pinuntahan nila si Amor sa dormitoryo ngunit ang sabi ay wala daw ito doon. Nagpunta sila sa eskuwelahan ni Amor at kinausap ang propesor nito.
“Sir… Ma’am… Mabuti at nakaluwas kayo. Matagal ko na kayong gustong kausapin kaya lamang ay hindi ko makontak ang numero niyong ibinigay ni Amor sa akin. Alam niyo ba ang nangyayari sa inyong anak?” Bakas sa mukha ng propesor ang matinding awa sa dalawang matanda.
Kinuwento nito ang nangyayaring pagbabago kay Amor. Nanghihinayang ito sa galing at talino ng bata. Sinabi rin niya sa mga magulang na halos dalawang buwan na itong hindi pumapasok ng maayos sa eskuwela at marami itong naibagsak na subject.
Naiyak sa pagkadismaya ang mga magulang ni Amor.
Binalikan nilang muli si Amor sa dormitoryo, nagbabakasakali na naroon na ulit ito. Nakita nila ang anak na may kulay ang buhok, naninigarilyo habang kausap ang mga kaibigan. Nabigla sila sa kanilang nakita. Hindi nila inakala na magbabago ng ganoon ang kanilang anak.
“Amor, anak.” Malumanay na tawag ni Regina.
“Nay? Tay? Anong ginagawa niyo dito?”
Galit na galit si Pedro ngunit pinapakalma lamang ito ni Regina. Nag-usap ang pamilya sa kuwarto ni Amor. Umiiyak na humingi ng tawad ang dalaga at pinatawad naman siya ng mga magulang. Napagkasunduan nila na umuwi na lamang muli si Amor ng probinsya at doon na muling mag-aral.
Pagdating sa kanilang lugar ay maraming pagbabagong napansin si Amor. Halos naubos na ang mga alagang hayop ng kaniyang mga magulang. Kalabaw na lamang ang natira na gamit ng kaniyang mga magulang sa pagsasaka.
“Nay? Tay? Ba’t halos wala na kayong alaga?” Wika ni Amor.
“Anak, kasi… Hindi namin inakala na magiging ganoon kagastos ang pag-aaral mo. Alam mo naman na ilang buwan ang hinihintay natin para sa ani, para sa mga biik at mga itlog ng manok kaya kada hingi mo na alam naming makakabuti sa pag-aaral mo ay naiisipan naming ibenta ng madalian ang mga alaga ng tatay mo.” Wika ni Regina.
Umiiyak lamang si Pedro dahil kahit na dismayado ito sa anak ay hindi niya magawang pagsalitaan ito. Nanghihinayang ito para sa anak. Buong akala niya ay sulit ang lahat ng kanilang sakripisyo. Iyon pala’y nabalewala na ang lahat. Alam ni Amor na labis niyang nasaktan ang mga magulang.
“Patawarin niyo po ako nay, tay. Sinira ko ang pangarap natin. Patawarin niyo po ako. Ako ang may kasalanan ng lahat. Nadala ako ng mga akala kong mabuting kaibigan. Lagi kasi akong walang makasama, sila ang unang tumanggap sa ‘kin at nakalimot ako sa totoong dahilan kung bakit ako nasa Maynila. Hindi ko naisip ang mga sakripisyo niyo para sa akin. Pinagsisisihan ko kung bakit ko nagawa ‘yon. Patawad po.” Humahagulgol na saad ni Amor.
Matindi ang pagsisisi ni Amor sa ginawa niya sa mga magulang niya. Hindi niya lubos maisip kung paano niya nagawang lokohin ang mga ito. Hindi niya akalain na nagawa niyang sayangin ang paghihirap ng mga ito para lamang mapag-aral siya sa Maynila.
Sinikap ni Amor na makapagtapos ng pag-aaral habang tumutulong sa kanilang bukid. Makalipas ang tatlong taon ay nakapagtapos ito ng pag-aaral at inialay niya sa mga magulang ang lahat ng parangal.
Sa ngayon ay limang taon na siyang guro sa kanilang probinsya. Lagi niyang pinapaalalahanan ang kaniyang mag estudyante sa kahalagahan ng edukasyon at pagpapahalaga sa sakripisyo ng mga magulang.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!