Inday TrendingInday Trending
Ginayuma ng Babae ang Kaibigang Lalaki, Ngunit Isa Palang Malungkot na Kabayaran ang Magiging Kapalit Nito

Ginayuma ng Babae ang Kaibigang Lalaki, Ngunit Isa Palang Malungkot na Kabayaran ang Magiging Kapalit Nito

Tatlong taon nang magkaklase si Arky at Samuel sa kolehiyo. Sa mga taong nagdaan ay labis na naging malapit ang dalawa at naging matalik na magkaibigan.

Lingid sa kaalaman ni Samuel ay matagal nang may lihim na pagtingin sa kaniya si Arky.

“Samahan mo na kasi ako, nakakatampo to!” wika ni Samuel.

“Saan ba? Titingnan mo lang ung crush mong babae doon eh.” Naiinis na sagot ng kaibigan.

“Eto naman, alam mo namang yung mga ngiti nalang ni Lovely ang bumubuo ng araw ko eh, maliban sa pang-aasar ko sayo.”

Labis na pinagseselosan ni Arky ang babaeng kinahuhumalingan ng kaniyang kaibigan. Matagal na niya sanang gusto umamin ng kaniyang nararamdaman ngunit hindi niya magawa dahil sa babaeng ito.

Minsan siyang napadaan sa Quiapo upang samahan ang kaniyang ina sa pagsisimba, habang hinihintay niyang matapos ito sa pagdadasal ay naningin siya ng mga paninda sa labas.

“Iha may gusto ka bang lalaki? Etong gayuma napaka- epektibo nito.” Paanyaya sa kanya ng isang matanda.

“Ah wala ho, salamat.” Sagot niya.

Sa paglipas ng mga panahon ay lalong nahuhulog ang loob niya kay Samuel lalo pa’t halos araw-araw silang magkasama. Ngunit lalo ring lumalalim ang pagtingin nito sa babaeng napupusuan.

“Ang ganda talaga ni Lovely, nakita ko nanaman siya kanina.” Wika nito.

“Puro ka Lovely, nag-aral ka ba kagabi? May exam tayo ngayon.” Sagot niya.

“Ang sungit mo!” sabay gulo sa kaniyang buhok.

Hindi na nga natiis ni Arky ang nararamdaman. Bagamat alam niyang wala siyang pag- asa sa kaibigan ay nagpasya na siyang umamin dito. Pinag iisipan niyang mabuti ang kaniyang mga sasabihin nang bigla niyang maalala ang gayumang inaalok sa kaniya ng matanda sa Quiapo.

Binalikan ito ni Arky, buo ang kanyang loob na kuhain ang pagtingin ni Samuel.

“Sigurado po kayong epektibo ito?” tanong niya.

“Oo iha, isang patak lang niyan sa kaniyang inumin at mahuhulog na ang loob niya sa iyo.” Sagot ng matanda.

Kinabukasan ay bumili siya ng dalawang fruit shake at pinatakan ng gayuma ang isa para kay Samuel.

“Sayo tong isa, alam kong manghihingi ka nanaman sakin eh.”

“Yun! Kaya bestfriend kita eh.” Masayang sagot ni Samuel.

Sa pagtagal ay hindi na nababanggit ni Samuel ang pangalan ni Lovely, hindi na rin niya niyayaya si Arky na puntahan ito. Sa hindi niya maipaliwanag na dahilan ay parang nababaling ang kanilang pagtingin sa kaibigan nitong mga nakaraang araw.

“Arky, may sasabihin sana ako.”

“Ano yun?”

“Hindi ko alam pero parang nagugustuhan na kasi kita eh, higit pa sa kaibigan.”

Masaya si Arky na marinig ang pag-amin ng kaibigan. Sa isip niya’y totoo ngang tumalab ang gayuma. Sa araw-araw ay lagi na silang magkasama ni Samuel, mula umaga hanggang gabi ay magkausap sila, hindi rin siya tinitigilan nito sa text kapag sila’y hindi magkasama. Ngunit isang bagay ang kaniyang napagtanto sa makalipas na mga buwan.

Ang dating masayahing si Samuel ay naging tahimik at malungkutin, tila ba nawala ang dating sigla nito at madalas ay walang gana.

“May problema ka ba? Napapansin ko palagi kang tulala.” Tanong niya.

“Hindi ko alam Arky eh, naguguluhan ako, mahal kita at masaya ako kapag kasama kita pero parang may mali, parang may kalungkutang bumabalot sa puso ko.” Paliwanag nito.

Labis na ikinalungkot ni Arky ang narinig mula kay Samuel, nagtungo siya sa matandang pinagbilan ng gayuma upang itanong ang negatibong epekto nito.

“Ang sabi niya ay mahal niya naman ako, pero nakikita kong malungkot siya.” Wika niya.

“Ang gayuma ay ginawa para dayain ang puso niya, ngunit kung may malakas na pagtingin sa iba ang taong ginayuma ay maaring nilalabanan ito ng totoo niyang nararamdaman.”

Naisip ni Arky na ayaw niyang makitang nalulungkot ang kaibigan, kaya’t masakit man para sa kaniya ay bumili pa siya ng pangontra sa gayuma at muli itong ipinainom kay Samuel. Unti-unti ngang bumalik ang dating kaibigan sa magiliw nitong pag- uugali, tinapos na rin nila ang kanilang maiksing relasyon ngunit nanatili pa rin silang mabuting magkaibigan.

Paglaon ay napasagot ni Samuel si Lovely sa tulong ng matalik niyang kaibigan, pinakilala naman ni Lovely si Arky sa kaniyang kuya na sa unang pagkikita pa lamang ay nagkagusto na sa kaniya. Niligawan siya nito at sinagot din naman niya makalipas ang ilang buwan, isang tunay na pagibig at hindi dinayang pagmamahalan.

Ang wagas at busilak na pagmamahal ay hindi kailaman dapat dayain, dahil sa huli ay tayo lamang din ang mag-aani ng sakit na maidudulot nito.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Advertisement