Inday TrendingInday Trending
Masyadong Dominante ang Misis Kaya si Mister ang Nasa Bahay at Nag-aalaga sa Kanilang mga Anak; Maging Dahilan Kaya Ito ng Kanilang Pag-aaway at Paghihiwalay?

Masyadong Dominante ang Misis Kaya si Mister ang Nasa Bahay at Nag-aalaga sa Kanilang mga Anak; Maging Dahilan Kaya Ito ng Kanilang Pag-aaway at Paghihiwalay?

“Oh Bert, ikaw na’ng bahala sa mga anak mo ha. Yung sinaing ha, baka sunog na naman. Yung mga halaman ko, huwag kalimutang diligan. Alis na ako!”

Hindi na nagawa pang kumain ng almusal ang misis ni Wilbert na si Melanie, isang career-driven na babae, at may mataas na katungkulan sa isang kompanya. I-aabot sana ni Wilbert ang inihanda niyang lunchbox para dito, subalit nakaalis na ito sakay ng kotse.

Apat na taon na silang kasal ni Melanie, at may dalawa na rin silang anak. Tanggap naman ni Wilbert na talagang isang dominante ang babaeng pinakasalan niya. Nagkakilala sila ni Melanie noong sila ay nasa kolehiyo; pareho kasi sila ng pamantasang pinasukan. Naging presidente ng Student Government si Melanie at talagang matapang ito.

Naging isyu talaga sa lahat nang maging sila, subalit sabi nga ni Melanie, wala siyang pakialam sa anumang sasabihin ng iba. Ang mahalaga, kung anuman ang kanilang nararamdaman sa isa’t isa.

Sa buong panahon ng kanilang pagiging magkasintahan, hinayaan ni Wilbert na si Melanie ang masunod sa kanilang mga date: kung saang restaurant sila kakain, kung ano ang pagkaing oorderin nila, kung saan sila mamamasyal, kung saang mall o coffee shop sila tatambay, kung anong pelikula ang panonoorin nila.

Hanggang sa kanilang pagpapakasal, si Melanie rin ang nagdesisyon kung ano ang magiging tema, kung saang simbahan sila ikakasal, at kung sino-sino ang mga kukunin sa entourage.

Pagkatapos ng kanilang kasal at nagsama na sila sa iisang bubong, taimtim silang nag-usap ni Melanie.

“Alam mo naman na career-driven akong tao, hindi ba? So payagan mo akong magtrabaho. Ayokong maiwan dito sa bahay. Hindi ko forte ang mga gawaing-bahay. Okay lang ba sa iyo?”

Dahil ayaw naman niyang mainis ang misis niya sa kaniya, pinayagan niya itong magtrabaho. Kahit noong ipinagbubuntis nito ang kanilang panganay na anak, huminto lamang ito sa pagtatrabaho nang manganak ito. Pagkapanganak, muli silang nag-usap.

“Ako na ang bahalang magtrabaho. Ikaw ang manatili sa bahay. Hindi ko talaga kakayanin kapag ako ang naiwan dito sa bahay,” saad ni Melanie.

At iyon na nga. Tiniis niya ang mga pangangantiyaw sa kaniya ng mga kaibigan at maging mga kamag-anak, dahil pakiramdam nila, ‘under the saya’ siya ni Melanie.

Wala namang masama sa pag-aalaga ng mga anak at paggawa ng mga gawaing-bahay. Kaya lang, nasasaktan na ang pagkatao niya sa tuwing naririnig niya sa mga kaibigan, o kaya mga kapitbahay, ang kantiyaw na kung bakit si Melanie ang nagtatrabaho sa kanila. Na ito ang tagapagtaguyod ng pamilya. Ang tingin ng mga tao sa kaniya, isa siyang tamad na lalaki at padre de pamilya.

Kaya naman, isang araw ay taimtim niyang kinausap si Melanie.

“Gusto kong bumalik sa pagtatrabaho. Sana mapagbigyan mo naman ako. Gusto ko naman maging padre de pamilya sa bahay na ito. Kumuha na lang tayo ng yaya para sa mga bata.”

“Ayoko. Hindi ako makakampante kapag nasa ibang tao ang mga bata. Ayoko rin namang magbitiw sa trabaho ko. You stay. Ako na ang magtatrabaho,” giit naman ni Melanie.

“Hindi. Firm ako sa sinasabi ko. Alam mo Melanie, sa buong panahon ng pagsasama natin, hindi kita pinakialaman. Lahat ng mga desisyon mo, iginagalang ko, kahit na natatapakan mo na ang ego ko bilang padre de pamilya ng sambahayan na ito, bilang isang lalaki. Makinig ka naman sa akin, pakinggan mo naman ako. Asawa mo ako at hindi tau-tauhan!”

Tila binuhusan naman ng malamig na tubig si Melanie. Ngayon lamang siya pinagsalitaan nang gayon ni Wilbert sa tagal ng kanilang pagsasama. Umalis ito at nagtungo sa labas. Sumakay sa kotse.

“S-Saan ka pupunta, Wilbert?” usisa ni Melanie.

“Magpapalamig…” saad ni Wilbert, sabay paharurot ng sasakyan.

Hindi nakatulog si Melanie dahil 11:00 na ng gabi, subalit hindi pa umuuwi ang mister. Nag-aalala na siya. Maya-maya, narinig na niya ang sasakyan nito. Agad siyang lumabas upang salubungin ang mister. Nagulat siya na lasing na lasing ito.

Sa kauna-unahang pagkakataon, inasikaso ni Melanie ang kaniyang mister hanggang sa ito ay mahimasmasan.

Kinabukasan, mainit na kape ang bumungad kay Wilbert, gayundin ang paborito niyang sinangag at omelet.

“Patawarin mo ako, Bert, kung naging masyado na akong dominante sa pamilyang ito. Hindi ko naman iniaalis sa iyo ang pagiging padre de pamilya. Masyado lang siguro akong ambisyosa talaga. Pumapayag na ako sa gusto mong mangyari. Nakausap ko na pala yung tiyahin ko, siya na ang kukunin natin para naman kampante tayo sa mag-aalaga sa ating mga anak,” sabi ni Melanie.

At naresolba ang isyu sa pagitan ng mag-asawa. Napagtanto ni Wilbert na lahat naman ay nadaraan sa maayos na usapan sa mag-asawa, basta’t maging bukas lamang ang komunikasyon sa isa’t isa.

Advertisement