Huling buwan na ng eskwela ngunit panay ang absent ni Carlos dahil mas pinipili nitong maglaro ng online games sa malapit na computer shop sa paaralan nila.
Isang araw, naisipan ng kanyang ina na magtungo sa isang computer shop upang makapag-internet at maghanap ng extrang trabaho upang maipandagdag sa pangtuition ng kanyang anak. Laking gulat niya nang makita si Carlos doon na masayang-masaya sa paglalaro.
“Anong ginagawa mo dito?! May pasok ka, ‘di ba?” galit na sigaw ng ina nito nang makita siyang naglalaro.
“Wala naman kaming ginagawa masyado e kaya naglaro na lang ako,” pagsisinungaling naman ni Carlos na siyang dahilan ng pagkagalit ng ina.
Naglakad papalapit sa computer na ginagamit ng anak ang kanyang ina at saka ito hinugot mula sa pagkakasaksak, at ipinahiya siya sa mga taong nasa loob mismo ng computer shop.
“Hindi ka ba nahihiya? Ginagapang namin ng papa mo ang pambayad sa tuition mo tapos maglalaro ka lang dito? Gusto mo bang patigilin na lang kita sa pag-aaral?!” nanggigigil pa na sabi ng ina.
Dahil sa kahihiyan ay dali daling lumabas ang anak nito para hindi makita ng ibang tao ang mukha niya. Bago naman lumabas ang ina nito ay ibinilin niya sa bantay ng gusali na ‘wag na ‘wag nang papayagang maglaro ang kanyang anak sa kanila.
Pagkabilin ng ina ay agad rin itong lumabas para ihatid ang anak sa mismong silid nito sa eskwela. Gulat naman ang guro at ilang kaklase ni Carlos sa eksenang dala ng mag-ina.
“Anong nangyayari rito?” gulat na tanong ng propesor ni Carlos.
“Sir, pasensiya na po. Nakita ko kasi ‘yang anak kong si Carlos na nag cutting para maglaro sa computer shop. Pasensya na po sa istorbo,” pagpapaumanhin ng ina sa guro ng anak. Nang palabas na ang ginang ay sinundan ito ng propesor para kausapin.
“Ma’am, maraming salamat po. Tama po ang ginawa niyo kaya ‘wag na kayong malungkot sa nangyari sa inyong anak. ‘Wag kayong mag-alala, tututukan ko si Carlos para hindi na makapag cutting muli. Pwede ko bang kunin yung contact number niyo?” sabi nito ng silang dalawa nalang ang nag-uusap.
“Sige po, salamat po sir,” sabi naman ng ginang sabay bigay ng contact number sa guro. Tila nabunutan ng tinik ang ina dahil sa tulong na maibibigay ng guro ni Carlos.
Habang nasa klase ay naabutan ng propesor na tulog si Carlos kaya naman pinagsabihan niya ito.
“Carlos! Bawal matulog sa klase ko. Alam mong malapit na ang huling exam tapos ngayon ka pa tatamarin. ‘Pag bumagsak ka sa exam, hindi ako ang gagawa ng paraan para pumasa ka,” masungit na sabi nito na siyang gumulat sa binata.
Pagkatapos ng eskwela ay nilapitan ni Carlos ang pinakamatalinong kaklase nito para humingi ng tulong.
“Uy, Nikka. Tulungan mo naman ako, kailangan kong ipasa yung exam natin next week. Kundi lagot ako kay mama. Tsaka ayaw ko nang makasama si Sir Robert ng isa pang taon,” pamimilit nito sa kaklase.
“Yun lang ba? Madali lang naman yun e, sige papakopyahin kita. Pero kailangan mo akong bilhan ng Harry Potter na damit,” sabi naman ni Nikka sa kaibigan.
“Sus! ‘Yon lang ba? Sige, pagkatapos na pagkatapos ng exam, iaabot ko sa’yo yung damit,” nakangiting sagot ni Carlos at tuluyan ng umalis para umuwi sa bahay.
Pagkauwi nito ay nakita niya ang kanyang ina subalit hindi niya ito pinansin dahil ipinahiya siya nito sa harap ng kanyang mga kaklase. Tumuloy ito sa kanyang kwarto para sana maglaro ng video games subalit napansin nitong wala na ito sa kanyang higaan. Dahil sa pag-iisip na kinuha ito ng ina ay natulog nalang ito sa kapaguran.
Sa araw ng pagsusulit nila ay sinigurado ni Carlos na katabi niya si Nikka. Dahil dito ay mabilis lamang na natapos ang pagsagot nito sa kanilang exam kahit na hindi ito nagreview para sa kanilang pagsusulit.
“Oh, ayan na yung damit mo. Maganda yan ah, mahal pa yan. Salamat sa tulong mo,” nakangiting sabi ng binata habang inaabot ang damit kay Nikka.
“Talagang tinotoo mo yung damit ah. Nagbibiro lang naman ako dito,” natatawang sagot naman ng dalaga at tuluyang tinanggap ang damit na bigay ni Carlos.
Dahil sa tulong ni Nikka ay napasa ng binata ang huling pagsusulit nila bago pa man sila maging ganap na Architect. Subalit ng maghanap na ng trabaho si Carlos ay maraming pinapagawa sa kanya na hindi niya kayang gawin kaya naman ay hindi ito tinatanggap ng mga kompanya.
“Ok, so hindi mo masagot ang mga simpleng tanong patungkol sa pag-aarkitekto? Ni hindi mo kayang gumawa ng simpleng blueprint? Tapos gusto mong tanggapin kita sa kompanya ko? Anong papagawa ko sa’yo?” natatawang pang-aasar nito sa binata.
“Sir, graduate naman ako ng Architecture, tapos pwede pa akong mag-grow sa company niyo. Sana tanggapin niyo ako dito. Pangarap ko talagang maging Architect,” pagmamakaawa ni Carlos sa boss ng kompanya.
“Hindi talaga pwede, kung ako sa’yo mag review ka ulit. Tutal graduate ka naman na, magreview ka ulit ng Architecture para naman alam mo yung pinapasok mo,” sabi ng boss bago pa nito iwan si Carlos. Dahil dito ay umuwing malungkot ang binata sa kanyang mga magulang at sinabi ang totoo sa kanila.
“Ma, sorry. Hindi ako natanggap sa trabaho. Hindi naman talaga ako dapat makakapagtapos ng pag-aaral. Nandaya lang ako. Kumopya lang ako sa kaklase ko noon para mapasa ko ito, ayaw ko kasing mapahiya sa inyo. Sana pala mas nagfocus ako sa studies kaysa paglalaro ng kung ano-ano,” naiiyak na sabi ni Carlos habang nakayakap sa ina.
“Alam ko, anak. Sinabi sa akin ni Nikka lahat nung nagkasalubong kami. Nagsorry siya sa akin kasi pinakopya ka raw niya. Alam niya kasi ang balik sa’yo niyan pagka-graduate mo,” sagot naman ng ina.
Habang nag-uusap ang dalawa, ramdam na ramdam ni Carlos na gumaan ang kanyang loob dahil sa wakas ay wala na siyang tinatagong sikreto sa kanyang mga magulang. Dahil sa pagkakasundo ng mag-ina ay pumayag ang binata na pumasok sa review center.
Hindi nagtagal ay tuluyan nang natapos ni Carlos ang review at bumalik ito sa dating pinag-applyang trabaho. Kung dati’y nagmukha siyang ignorante, ngayon ay taas noo niyang sinagutan ang lahat ng eksam at interview sa kanya ng kaniyang boss.
Kaya ko naman pala. Sana noon ko pa ginawa, pakiwari pa ni Carlos sa kanyang sarili.
Doon na nagsimula ang tagumpay ni Architect Carlos. Natutunan niya na ang lahat ng magagandang bagay ay hindi minamadali, bagkus ay pinaghihirapan ang bawat oras upang makamit ang inaasam niyang pangarap.
Nang naging stable na ang kanyang kita bilang isang arkitekto, isang proyekto ang kaniyang pinlano. Isang proyekto na nagpaiyak sa kanyang ama’t ina. Iyon ay ang blueprint ng sarili nilang bahay at lupa na siyang regalo niya sa kanyang mga magulang bilang regalo sa lahat ng hirap na binuno ng mag-asawa para lamang maitaguyod siya.