Inday TrendingInday Trending
Hindi Nakalilimot ang Puso

Hindi Nakalilimot ang Puso

Kanina pa paikot-ikot si Ellaine sa grocery at tila may hinahanap. Ang totoo, hindi rin niya matandaan kung ano nga ba ang hinahanap niya. Halos dalawang buwan na rin ang nakalipas nang siya ay maospital. Inip na inip na siya sa bahay kaya minabuti niyang lumabas at mamili. Ayaw pa ni Aling Rowena, ang kanyang ina, na umalis siya ng bahay subalit nagpumilit siya.

Kuwento sa kaniya ng kaniyang ina ay nasangkot daw siya sa isang car accident kaya nagkaroon siya ng temporary amnesia. Wala siyang matandaan kung ‘di ang kaniyang ina. Lahat ng mga impormasyon sa sarili maging ang mga sapot ng alaala ng nakaraan ay hindi niya magunita.

Matapos ang isang buwan ay may mga senaryo sa kaniyang panaginip na bigla na lamang sumusulpot na sa kaniyang palagay ay bahagi ng kaniyang nakalipas. Katulad na lamang ng pag-gogrocery. Naalala niyang mahilig siyang gawin ito.

Subalit ngayon ay hindi niya matandaan kung anong tatak ng produkto o kung anong klaseng produkto ba ang kukunin niya. Hindi niya matandaan. Kahit anong gawin niya ay hindi niya makita sa kaniyang balintataw ang hitsura ng kaniyang hinahanap.

Dahil sa malalim na pag-iisip ay hindi niya namalayang may nabangga na pala siyang lalaki habang tulala niyang itinutulak ang push cart.

“Aray! Aray naman, miss!” sabi ng lalaki. Nagulungan ang kanang paa nito.

“Naku, sorry. Pasensya na talaga,” paghingi ng dispensa ni Ellaine sa lalaki. May katangkaran ang lalaki. Gwapo. Hanggang balikat lamang siya nito.

“Ayos ka lang, miss? May problema ba?” tanong ng lalaki kay Ellaine. “Ah, wala. May hinahanap lang akong bagay pero hindi ko matandaan,” sagot ni Ellaine.

“Let me guess. Pasta? Cooking Oil?” tanong ng estranghero.

Parang nakarinig ng “ting!” si Ellaine dahil nang marinig niya ang salitang cooking oil mula sa lalaki ay natandaan na niya ang kaniyang hinahanap. Kailangan niya ng mantika. Bigla niyang naalala na mahilig siyang magluto.

“Salamat, kuya. Yes, you’re right. I need cooking oil. Thank you and excuse me,” pakli ni Ellaine.

Itinulak na niya ang push cart at hinanap ang cooking oil section. Madali naman niya itong nahanap. Kumuha siya ng pinakamalaking container at inilagay sa loob ng push cart. Napansin niyang sinusundan siya ng lalaki. Kunwari ay tumitingin-tingin ito sa mga hilera ng mantika at pumipili subalit ang totoo’y panay ang tingin sa kaniya.

“Yes?” tanong ni Ellaine sa lalaki. “My name is Joel. Puwede ba akong makipagkilala sa iyo? To return the favor na pinaalala ko sa iyo ang isang bagay na hindi mo maalala,” nakangiting pagpapakilala ni Joel kay Ellaine.

Mukha namang mabait ang lalaki at magaan ang kaniyang kalooban dito kaya nakipagkilala si Ellaine. “It’s Ellaine.”

Inilahad ni Joel ang kaniyang kanang palad upang makipagkamay. Ginagap naman ito ni Ellaine at nakipagkamay. Hindi maipaliwanag ni Ellaine ang nararamdaman. Gusto niya ang mukha ni Joel. Nakaramdam siya ng kilig lalo na’t naamoy niya ang panlalaking pabango nito.

“Medyo gutom na ako. Would you mind kung ayain kitang mag-lunch after this?” aya ni Joel kay Ellaine. Hindi naman alam ni Ellaine kung bakit siya nagpaunlak. Basta ang alam niya ay kinikilig siya.

Matapos mabayaran ang mga pinamili ay sumama na si Ellaine kay Joel. Tinulungan pa siya nitong magbuhat ng kaniyang mga pinamili. Dinala siya nito sa isang Chinese restaurant. Hindi naman tumanggi si Ellaine. Ito na rin ang umorder ng kanilang kakainin. Nakapagtatakang parang alam na nito ang mga gusto niya. Sa katunayan ay naubos niya ang mga inorder nito para sa kaniya. Hindi rin ito pumayag na makihati siya sa bayad. Sa oras na iyon ay marami na silang napagkuwentuhan. Naibahagi rin ni Ellaine na may temporary amnesia siya.

“Delikadong lumalabas ka? Paano kung bigla mong makalimutan ang daan pauwi? Paano kung makalimutan mo ang contact number ng kamag-anak mo?” alalang tanong ni Joel kay Ellaine.

“Actually, susunduin ako ng nanay ko. Hayan, nag-text na siya. Papunta na siya rito,” sagot ni Ellaine. Tinignan nito ang kaniyang selpon.

“Ganoon ba? Ihahatid pa naman sana kita. Puwede ko bang malaman ang number mo?” tanong ni Joel kay Ellaine. Ibinigay naman ni Ellaine ang kaniyang selpon number.

Umalis na rin si Joel. Dumating naman ang kaniyang ina at sinundo na siya.

Pagdating sa bahay ay nagpalitan kaagad ng mga mensahe ang dalawa. Hanggang sa halos araw-araw na silang magkausap. Nagkikita rin sila paminsan-minsan. Hanggang sa nahulog na ang damdamin ni Ellaine kay Joel.

“Mahal na kita, Ellaine.” Isang araw ay umamin si Joel nang sila ay magkita sa paborito nilang restaurant na pagkitaan.

“Mahal din kita, Joel.” pag-amin ni Ellaine sa lalaki. Tuwang-tuwa naman si Joel at hinagkan siya sa noo. Hindi naman tumanggi si Ellaine.

Nagulat na lamang si Ellaine nang biglang sumulpot sa kanilang harapan si Aling Rowena. Matiim ang mga bagang nito at nakatingin nang matalim kay Joel.

“Nay? Nariyan po pala kayo. Si Joel po, nobyo ko,” pakilala ni Ellaine.

“Kilala ko na siya, Ellaine. Hindi mo ba siya natatandaan?” tanong ni Aling Rowena sa anak.

Nangunot ang noo ni Ellaine. Ilang buwan pa lamang ang nakalilipas nang sila ay magkakilala ni Joel. Maliban na lamang kung bahagi ng kaniyang nakaraan si Joel.

“Nay, magandang araw po. Kumusta po kayo?” kiming pagbati ni Joel kay Aling Rowena.

“Saan ka kumuha ng kakapalan ng mukha para magpakita pa kay Ellaine matapos ng ginawa mo sa kaniya? Dahil sa iyo nadisgrasya siya at nawalan ng alaala. Ikaw ang puno’t dulo ng lahat! Hindi ba sinabi ko na sa iyo na huwag ka nang magpapakita sa anak ko? Nagbabagong buhay na siya!” galit na sabi ni Aling Rowena kay Joel. Pinagtitinginan na sila ng mga tao sa restaurant.

Takang-taka naman si Ellaine sa inaasal ng kaniyang ina.

“Nay, anong nangyayari? Kumalma ka. Pag-usapan natin ito nang maayos. Ano pong nangyayari?” tanong ni Ellaine. “Anak, ang lalaking ito, si Joel, ay asawa mo! Kasal kayo. Pinagtaksilan ka niya. Nahuli mo siyang may kahalikang babae. Nagtatatakbo ka habang hinahabol ka niya. Nasagasaan ka. Nabagok ang ulo. Iyan ang dahilan kung bakit nawalan ka ng alaala. Dahil sa lalaking ito!” galit na galit na sabi ni Aling Rowena.

“Totoo ba ang sinasabi ng nanay ko?” nagsisimula nang tumulo ang mga luha ni Ellaine. Nakaramdam siya ng labis na sakit sa damdamin. Tila totoo nga ang lahat.

“Patawarin mo ako, Ellaine. Gusto kong makabawi sa iyo. Mahal na mahal kita. Sana’y bigyan mo ako ng pangalawang pagkakataon. Hindi ko mahal si Shane. Inaakit niya lang ako. Noong nakita mo kami sa isang alanganing sitwasyon itinutulak ko na siya. Siya ang humalik sa akin,” paliwanag ni Joel.

At parang mabilis na kidlat na bumalik sa balintataw ni Ellaine ang lahat. Malinaw na malinaw! Mula sa sinasabing kasalanan ni Joel sa kaniya hanggang sa kaniyang pagkakaaksidente. Sukat nito’y umigkas ang kanang kamay ni Ellaine patungo sa pisngi ni Joel.

“Naaalala ko na ang lahat. Hay*p ka, Joel! At ginamit mo pa ang pagkawala ng alaala ko para muling bumalik? Kapal ng mukha mo!” galit na sabi ni Ellaine.

Pinaalis silang tatlo ng manager ng restaurant dahil sa komosyong kanilang ginawa.

Halos magmakaawa naman si Joel na patawarin siya ni Ellaine. Tumagal nang halos limang buwan ang panunuyo ni Joel sa asawa. Handa niyang patunayang mahal na mahal niya ito at nagsisisi na siya sa kaniyang pagkakamali.

Hanggang sa isang araw ay lumabas ng bahay si Ellaine upang mag-withdraw ng pera. Nakita siya ni Joel. Nagtatakbo ang babae. Humabol si Joel. Tumawid si Ellaine kaya tumawid din ang kaniyang asawa.

Subalit hindi napansin ni Joel ang isang humahagibis na motor. Nahagip siya nito at napatimbuwang sa semento. Humampas ang ulo nito sa kalsada. Napahiyaw si Ellaine. Sa pamamagitan ng rumespondeng ambulansya ay naitakbo sa ospital si Joel.

Tatlong araw at tatlong gabi na ang lumipas pero wala pa ring malay si Joel. Binantayan siya ni Ellaine. Sa isip-isip niya ay bubuksan niya ang kaniyang puso at isip para sa pagpapatawad kung magigising si Joel.

Dumalaw si Shane sa ospital at kinausap nang masinsinan si Ellaine. Humingi ito ng tawad sa kaniya. Ipinaliwanag nito na wala silang relasyon ni Joel.

Sa wakas ay nagising na rin si Joel. Agad itong dinaluhan ni Ellaine. Subalit nakatitig lamang ito sa kaniya.

“Sino ka?” tanong ni Joel kay Ellaine. Blangko ang mukha nito. Walang anumang damdamin.

Katulad ng naranasan ni Ellaine ay nagkaroon din ng temporary amnesia si Joel. Ipinasya niyang iuwi ang asawa sa kanilang bahay at inalagaan ito. Sinikap niyang ipanumbalik dito ang kaniyang alaala. Pinapasyal sa mga lugar na madalas nilang pasyalan noon upang makatulong sa mabilis na recovery nito.

Hanggang sa isang araw ay bumalik ang mga alaala ni Joel nang isama siya ni Ellaine sa grocery kung saan sila unang nagkita noong wala pang matandaan ang babae. Nagyakapan silang dalawa. Nakalilimot man ang isip subalit hindi kailanman nakalilimot ang puso. Pinatawad ni Ellaine ang asawa at muli silang nagsama upang bumuo ng mas masasayang alaala.

Advertisement